TALUMPATI
ni
BENIGNO S. AQUINO III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang paglahok sa Barangay Assembly Day
[ika-11 ng Disyembre taong 2010, Lungsod ng Tarlac]
Sagutin ko po muna ‘yung tinatanong ng ating Barangay Captain—Kapitan Aguas. Dating gawi po; bigyan niyo ng priority, oo-ohan ko lahat ng nasa tama.
‘Yung atin po kaninang nabanggit ni Kapitan Aguas, kulang tayo ng trabaho— tama po ‘yan. Bukas po ng umaga, kung hindi ako nagkakamali, may kausap tayong panibagong investor. Ang ipinapangako po sa lalawigan ng Tarlac—sa garments po ito—dagdag na tatlong libo limang daan na trabaho. At sana po mga second quarter ng 2011, eh naumpisahan na po itong trabahong ito.
Sumadya po s’ya sa Pilipinas para lang tayo ay makausap at hinikayat po ni Senador Roxas na nagmamalasakit sa atin itong kanyang kaibigan, na dito sa Tarlac na din. At doon po, salamat kay Senador Roxas at siguro magpapasalamat na ako sa lahat ng kinauukulan sa pagtanggap natin ng investor na ito; gagawin nating tama ang kanilang desisyon.
Sa mga bagong halal at itinalagang pinuno, sa mga minamahal kong mga kabarangay, talaga naman pong maganda ang araw na ito.
Nitong nakaraang Oktubre, ginanap po natin ang halalang pambarangay. Nagkaroon man po ng mga pagtatalo-talo para matuloy ito, nanatili pong malinaw ang pananaw ko dito: ang mandato ng mabuting pamamahala ay nagsisimula sa pamayanan. Itinulak po natin ang eleksyon dahil naniniwala tayo sa kahalagahan ng isang barangay, lalo na sa kakayahan nitong gabayan ang kanyang nasasakupan. Ngayong nandito na kayo, naniniwala akong gagampanan ninyo ang inyong pananagutang paglingkuran ang inyong komunidad, at bigyan ng pansin ang kapakanan ng mas nangangailangan.
Kasabay ng iba pang mga barangay sa bansa, ikinalulugod kong makasama kayo ngayon sa kauna-unahang barangay assembly sa aking panunungkulan bilang Pangulo. Pagkakataon po ito upang magpalitan ng ideya at pananaw ang ating mamamayan at mga pinuno sa barangay ukol sa mga suliranin ng inyong pamayanan. Dito rin po maaaring ilatag at ikonsulta ng mga opisyal ang mga plano at mga programa para sa susunod na tatlong taon sa kanilang komunidad. Gaya rin po sa SONA, mahalagang i-report ng Punong Barangay at mga Kagawad ang kalagayan ng inyong komunidad. Umuunlad ba ang barangay ninyo o nagkakautang lang kayo? Nagbago ba ang mga kalsada sa inyong pamayanan o lalong nagkabaku-bako lang ang mga ito?
Kinikilala man bilang pinakamababang antas ng pamahalaan, pambihira ang ginagampanan ng isang barangay bilang institusyon sa ating lipunan. Kaya nga po, siguro palagi nating naririnig ang mga katagang, “Ipapa-barangay kita kapag may mga hindi pagkakaunawaan.”
Ang barangay ang unang takbuhan ng mga mamamayan kung may agarang pangangailangan. Hindi sa munisipyo; hindi sa presinto. Hawak ninyo ang responsibilidad, pananalapi at yaman upang maihatid ang mga serbisyong panlipunan sa inyong mga kabarangay.
May humigit-kumulang apatnapu’t dalawang libong (42,000) barangay sa bansa. Ganoon karami ang mga barangay na humaharap sa mga problema ng ating mamamayan. Humigit-kumulang apatnapu’t dalawang libong barangay ang maaaring maging kasangga ng gobyerno sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa kinauukulan. Samakatuwid, kung ramdam ng inyong mga nasasakupan ang inyong paglilingkod, wala pong dahilan para hindi maramdaman ng taumbayan ang pambansang kaunlaran, hindi po ba?
Ano nga ba ang inaasahan namin sa inyo? Simple lamang po—tungkulin ng barangay na ilapit sa lokal na antas ang adhika ng ating pamahalaan. Kung sinabi po nating tuwid na landas, wala na po sanang liliko. Kung sinabi nating walang tongpats, wala na po sanang tatanggap pa ng mga pailalim na sobre. Kung may nagpaparehistro ng negosyo at kailangan ng barangay clearance, huwag na nating pahirapan. Kung may prosesong walang silbi, tanggalin na po. Kung may bahagi sa barangay form na hindi naman kailangan, burahin na natin ‘yan. Wala naman pong ibang makikinabang diyan kundi ang barangay ninyo. Kaya mahalagang balikan ninyo ang inyong mga isinusulong na patakaran nang sa gayon, matiyak na nakaayon ang mga ito sa ating mga layunin.
Kaya naman, sinuportahan po natin ang inilabas na Memorandum Circular No. 2010-2012 ng DILG, ang Guideposts in Promoting and Sustaining Barangay Good Governance. Binubuksan nito sa publiko ang mga transaksyong pinaglaanan ng salapi ng inyong barangay. Patunay itong seryoso tayo sa isinusulong nating tapat at malinis na pamamahala. Patunay ito na wala tayong itinatago sa ating mga kababayan.
Napakarami pa nating suliranin at hamong dapat lampasan. Dumaan tayo sa kabanata ng ating kasaysayan na kadiliman ang nangibabaw. Kaya naman, alam kong hindi madali ang pagtahak natin sa direksyon ng pag-unlad. Lalo na’t marami pa ring balakid na sadyang hinaharang ang mga isinusulong natin.
Sa ating sama-samang adhika, isinasabuhay din natin ang diwa ng bayanihan. Ito ang bagong People Power: isang barangay man o isang bayan, hawak-kamay tayong kumikilos upang makamit ang pagbabago.
Ang panawagan ko: iparamdam ninyo sa inyong mga kabarangay ang inyong propesyunalismo at dedikasyon sa trabaho. Bilang halal na mga opisyal, pinagkatiwalaan nila kayo. Sila ang Boss nating lahat.
Sa atin namang mga kabarangay: tumulong at makilahok po tayo sa mga agenda ng barangay assembly. Kaliwa’t kanan po ang mga seminar at mga programa upang turuan kayo sa pagnenegosyo at mga gawaing-pangkabuhayan. Itinataguyod po natin ang mga ito upang bigyan kayo ng lakas na balangkasin, hindi lamang ang inyong kinabukasan, kundi maging ang kinabukasan ng inyong mga anak.
Ako po ang mangunguna at nanguna sa inyong panunumpa. Nawa’y maisabuhay natin ito araw-araw.
Tulad ko, huhusgahan kayo hindi sa dami ng inyong mga sinabi. Titimbangin kayo sa dami ng inyong ginawa at sa laki ng pakinabang ng mga ito sa inyo pong kababayan.
Kahirapan pa rin po ang ating pinakamalakas na kalaban. At ang pangunahin nating sandata laban dito ay ang pagsusulong ng mabuting pamamahala. Kung wala nga pong corrupt, walang mahirap. Kung walang tiwali sa barangay, walang maghihirap na kabarangay. Umaasa akong sa ating ipinagdiriwang ngayon, mabubuo ang isang matibay na samahan sa pagitan ng ating mamamayan at mga pinuno. Kailangan ang suporta at pakikiisa ninyo upang ganap na maisulong ang mga pagbabago at higit na mapabilis ang ating pag-asenso.
Tapos na ang panahon ng pagtitiis at paghihinagpis. Sa tinatahak nating tuwid na landas na may gabay ng liwanag, hindi lamang po natin basta naiisip ang kaunlaran, napanghahawakan at nararanasan pa ito ng bawat isa sa atin. Basta’t hindi kayo bumibitiw, hindi namin kayo bibiguin. Huwag sana kayong mag-atubiling lumapit. Huwag sana kayong matakot na makipag-ugnayan. Maaari po nating pag-usapan at pasukin ang mga proyektong inyong isinusulong basta’t hindi naaagrabyado ang ating mga kababayan. Ito ang liwanag, ito ang tuwid na landas at ito ang ating binabagtas.
Bago po ako magtapos, hihingi ako ng paumanhin sa atin pong mga kabaranggay lalo na sa ating mga kabrobinsya. Maski na gusto ko po sanang umuwi lingo-linggo, eh talaga naman pong pahirapan makakuha ng permiso umuwi pero hindi naman po ibig sabihin noon nakakalimutan ko kayo. Inutusan po natin ang Regional Director ng DPWH. Balita ko po ang kalsada sa Paniqui ay masama na ang sitwasyon. Tinatanong ko, ano bang plano at kailan aayusin ‘to?
Nag-usap po kami ni Mayor Co kamakailan lang dahil sa kanilang kakulangan nila sa eskwelahan at ‘yun po ay pinapasuri ko na kung magkano ang gagastusin para sa panibagong annex ng kanilang National High School.
Dito po sa Tarlac City, may nabalitaan akong may krimen na nangyari sa Ramos Hospital kamakailan at doon po ay nagsawa na ako sa dati nating Provincial Director—pinapalitan na natin. Inatasan natin ang panibagong Provincial Director, huwag niyang kalimutang probinsya ko po ito. ‘Wag siyang tutulog-tulog at baka mapabilis din ang pagkatanggal niya.
Asahan po ninyo, wala man ako dito, kayo po ay nasa isip ko parati.
Magandang umaga po. Maraming salamat po sa lahat.
No comments:
Post a Comment