Speech of President Aquino during the AFP change of command ceremonies

Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapalit-atas ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at pagbibigay-pugay sa dating Chief of Staff, Heneral Ricardo David Jr.

[Inihayag sa Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City noong ika-7 ng Marso, 2011]

Huwag po kayong mag-alala, hindi ko hahabaan ang talumpati. Pipilitin ko hong mas maiksi kaysa doon sa paggri-greet natin kanina
.

Pinatanggal ko po ‘yung teleprompter. Gusto ko pong malaman ninyo na galing po sa aking puso lahat ng sasabihin ko itong araw na ito. Kaakibat po noon, kung may mali, solo ko pong kasalanan kung may mali ako sa sasabihin itong araw na ito.

Unang-una po, noong ako po ay itinulak, o minungkahi na tumakbo bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, talaga hong una pong pumasok sa aking kaisipan: Ang laki naman yata ng galit nitong mga nagtutulak sa akin nito. Ako magiging tagapagmana ng napakaraming problema. At sa totoo nga ho, kada magsuklay ako ng aking natitirang buhok araw-araw, napapansin ko nga ho ang dami ngang problemang iniwan sa atin.

Bibigyan ko kayo ng ilang halimbawa lamang: NFA [National Food Authority], 177 billion ang utang. Malaking kadahilanan po doon. Aangkat na nang sobra sobra pa sa kakailanganin natin, io-overprice pa ‘yung sobrang inangkat. Hindi raw po bababa sa US$60-$125 per metric ton. Resulta, 177 billion pesos—problema ko maghanap ng pambayad.

Pagdating po sa kuryente, at sa ating power sector, ang utang na raw ho ng power sector, iniwan doon sa PSALM [Power Sector Assets and Liabilities Management], hindi na raw po bababa sa—almost one trillion pesos. Noong narinig ko po, nagtanong ako: “Ano kamo? Billion ba, billion?” Umaasa po ako. Sagot sa akin, “Hindi ho. Trillion.”

Saan nagmula naman iyon? Dumating ang isang taong talagang lumobo ang utang dahil ayaw pataasin ang presyo ng kuryente na sinisingil ng NAPOCOR—pampapogi, pamumulitika. Dulo po niyan, ‘yung dapat sanang nabawasan na paggamit ng kuryente noon, nabawasan iyong utang nating makuha. Ang resulta, hindi ho sinunod ‘yung tama, nandoon sa tagilid na landas: ‘Eto po, tagilid tayo.

Alam ho ninyo, sa totoo lang, noong ako ay minumungkahi nga, ni hindi ako siguradong tatakbo pa ako ulit kung matapos ang termino ko sa 2013, noong ako po ay senador—dahil nga napakaraming problema ang ating dadatnan. Kaya naman po, unang bahagi po ng gusto kong sabihin sa inyo, gusto kong pasalamatan ang mga taong tumutulong sa atin para makapunta na nga tayo sa tuwid na landas at manatili sa tuwid na landas, tulad ni General Ricardo David.

Tinanggap niya ‘yung tungkulin. Alam po niya hindi na siya tatagal sa serbisyo, pero siya po ay isa sa pinagkakatiwalaan natin. Nakilala natin siya—huwag ko na ho sigurong banggitin kung gaano katagal na, pero noong panahong iyon talagang mas bata pa kami at mas mahaba pa ang buhok namin. Pero, ang punto po nito: Ric, ang assignment mo, manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa Sandatahang Lakas. Tulad ng nangyari matapos ang EDSA na kung saan mula sa martial law humiwalay, o tila humiwalay ang Sandatahang Lakas sa taongbayan. Ngayon, tapos ng sampung taon ng ating paniniwalang maling pamamalakad, tulungan mo ako na maging kagalang-galang, pinagpipitiganan, at talaga naman pong inaarugang Sandatahang Lakas na nag-aaruga naman sa taumbayan.

At ano naman ho ang mapagmamalaki natin? Mayroon pong mga accomplishment reports; bibigyan ko nalang kayo ng dalawa:

Sa mga bagyong dumapo sa atin, ang ating Office of Civil Defense kailangan mangasiwa sa mga kawani ng ating Sandatahang Lakas at Kapulisan. At talaga namang mapagmamalaki natin na totoo sa kanilang sinumpaang tungkulin na maglingkod, kasagsagan ng bagyo tulad ni Juan, nandoon na kaagad sa mga kalsada, binubuksan muli ang mga saradong kalsada, nang makarating ang pangangailangan ng ating mga kababayang nasalanta. Idadagdag ko pa doon: May mga barangay, pupuntahan at mumungkahi sa ating mga kababayan, “Kailangan na po tayong lumikas.” Ang sagot ng marami nating kababayan dito sa mga liblib na lugar, “Bahala na ang Diyos sa amin,” dahil hindi nga ho maitago ‘yung kanilang mga ari-arian na kakaunti. Babalik ulit ang ating mga miyembro ng Sandatahang Lakas at Kapulisan, dahil talagang sobra na ang panganib para mailikas nang maayos ang ating nalagay sa panganib na mga kababayan. Punto po nito, sa loob ng panunungkulan ni General David, nakita na natin hindi ho naghahanap ng ginhawa ang ating mga nangakong maglilingkod sa taumbayan. Isinusugal nang totohanan ang kanilang buhay para lang maaruga ang ating mga kababayan. At idadagdag ko pa po, kahapon nasa PMA [Philippine Military Academy] kami, sa huli pong activity namin bago lumuwas, nakausap ko po ‘yung mga bagong graduate at nagkaroon kami ng open forum. May mga katanungan po sila, at ang talagang ikinagagalak ko po doon: ‘Yung demokrasya daw po, sabi ng aking ama, “Mayroon kang ideya, mayroon iyong katunggali mong ideya. Magtalo kayo. ‘Pag natapos kayo sa pagtatalo niyo, pagkakasunduan niyo iyong isang ideya na hindi hamak mas maganda kaysa sa pinagmulan.” So, kahapon po, ipinamalas sa akin ng mga graduate na bago ng PMA, hindi po “Yes sir, no sir” lang ang kayang sagutin: mga nag-iisip—mga taong talagang pinadadama na sa atin, malasakit sa kapwa.

Ulitin ko po: Sila po hindi nahiyang magtanong sa kanilang Commander in Chief. Maganda pong nagkaugnayan kahapon. Maganda po na magkasundo sa ating tatahaking landas, para naman sa mga darating na araw talagang, paghakbang natin, iisa ang direksyon.

Ako po ay buong tiwala kay General Oban, ang ating hinirang na bagong Chief of Staff. Siya po, noong Commander sa Basa Airbase sa Pampanga, hindi naman po natin siguro masasabing pangunahin niyang tungkulin na ayusin ang insurgency problem sa paligid po ng kampo niya. Mga, hindi ho bababa yata sa pito o walong mga barangay ang sumasaklaw sa Basa. Doon po, hindi lang naman po New People’s Army ang kanyang katunggali, mayroon pang mga ibang insurgent groups. Pero sa dinatnan niyang heavily influenced, iniwanan niyang hindi na po influenced itong mga barangay na ito dahil tinugunan at tumulong sa mga suliranin na nakikita niya doon—mayroon pong makabagong pag-iisip kung paano talakayin ang ating anti-insurgency program. Kaya naman po, sa nagawa na niya, sa galing po niyang magpaliwanag ng mga konsepto bilang Deputy Chief of Staff, ay talaga naman pong ako’y buong-asa na ipagpapatuloy niya ang mga polisiyang atin pong ibinahagi sa kanila at tatapusin ang mga naiwanan ni General David. ‘Yan po, kaya siya ang hinirang nating bagong Chief of Staff.

Lumampas na po yata ako sa isang minuto. [Laughter]

‘Eto nalang ho ang talagang mensahe natin: Kailangan ho talagang magkatulungan sa mga dami ng problemang ating pong hinaharap. Mayroon pong problemang lokal, dinagdagan pa ng problemang international. Pero ako po ay naniniwala, tulad nga ng inyong IPSP [Internal Peace and Security] Plan, habang tayo ay nagdadamayan, habang tayo ay nakatutok sa atin pong kapwa, wala tayong malalaktawan.

Sa kasundaluhan at kapulisan, nandyan na nga po ang pabahay niyo at dagdag na combat pay. Pero hindi pa ho nagtatapos diyan. Ang lipunan na inyong inaaruga ay gusto namang sumukli sa inyong pagmamahal. Kaya naman po pinag-aaralan sa ngayon, at sana malapit na magkaroon ng kakayahan ang atin pong gobyerno, na pati iyong pag-aaral ng kahit man lang tig-iisa sa inyong mga pamilya ay matustusan ng Estado hanggang kolehiyo. Sa pagtahak ko, hindi ko pa po maipangako sa inyo ‘yan. Talaga pong napakarami pa ho tayong babayarang utang, bago po magdagdag ng gastos.

Pero sa pagtutulungan nga po: Noong ako po ay bata pa lang, grade school, nag-iisip na kami, “Ang dami na nating utang.” Eh ang layo na po ng utang noong grade school ako sa ngayon, dahil malayo na rin po noong grade school ako. Pero ang punto nga ho dito, mayroon na ring magandang liwanag na atin pong nakikita.

Ang ating Economic Managers, lalo na ang ating Secretary of Finance, unang-una po pinagtulungan na magkaroon po tayo ng bond issues denominated in pesos. Ang halaga po noon, hindi na tayo naapektuhan ng fluctuating foreign currencies. Ang nagawa po nila, may nalalapit tayong problema na kung saan magma-mature itong mga utang ng bansa. Dadagdag ang babayaran, mababawas ang puwedeng gugulin sa bansa. Pero sa galing po nila, ‘yung dollar na utang at iba pang currencies nagawang piso. Itinulak ‘yung two years, magiging 25 years. At ‘yung dulo po niyan, ‘yung interes napababa pa mula 8+% to 6+%; makakatipid pa tayo nitong utang, matutugunan natin ‘yung pangangailangan po ng ating bansa.

Mahaba na ho tayong nagsalita nitong araw na ito. Marami pa naman tayong pagkakataon na magkakahalubilo at magkakausap.

Mga kasama, lalo na sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, inaasahan po kayo ng ating mga kababayan na talaga namang mabigyan sila ng katahimikan at kapayapaan. Sila naman po ay handang tumulong, makiisa sa inyo. At ako naman po ang nangangako rin sa inyo: ‘yung saklaw niyo tugunan niyo; ‘yung hindi po niyo saklaw, tulad ng mga local government official na nakikita lang ‘pag eleksyon, isumbong niyo sa akin, ako na ang bahala sa kanila. Tulad ng tiwaling mga miyembro ng iba’t-iba nating ahensya, sagot ko na rin po iyon. Mayroon pong palalakihin nating National Bilibid; malapit nang matapos ang plano. [Laughter]

At sa dulo po nito, maging kaakibat ko sana kayo. Talaga naman pong mali ‘yung naging eksperimento noong martial law; sinelebrate [celebrate] po natin ang 25th anniversary ng EDSA, oras na naman, oras na ngayon, para talagang madama ng lahat ng ating kababayan na talagang buong demokrasya ang siyang susi ng ating pong kaunlaran, kapayapaan, at kaligayahan. Nasa inyo pong mga balikat ang isang kumpuni. Kayang-kaya niyo po niyo ‘yan sa pamumuno nga ng ating bagong Chief of Staff na si General Oban.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.


P.S.
Speech of General Eduardo Oban Jr. during his Assumption of Duties as AFP Chief of Staff

No comments:

Post a Comment