Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng programang “Para Paaralan” ng YesPinoy Foundation
[Inihayag sa NBC Tent, Bonifacio Global City, Taguig noong ika-27 ng Pebrero, 2011]
Sa nagdaang linggong ito, ginunita natin ang ikadalawampu’t limang anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution. Para sa mga Pilipinong nakaranas ng Martial Law, isa itong pagbabalik-tanaw sa mga sakripisyong kinailangan nilang pagdaanan upang muling mabawi ang demokrasya mula sa mahabang panahon ng diktadurya. Para naman sa mga kabataang hindi na dinatnan ang rebolusyon, kayong mga EDSA babies, isa itong pagkilala at pagbibigay-pugay sa katapangan na ipinamalas ng inyong mga magulang, ng inyong mga kamag-anak, at ng iba pang mga nakatatanda sa inyo.
Pagkatapos mapakinggan ang mga kuwento ng People Power veterans; pagkatapos sariwain ang mga tagpo ng rebolusyon mula sa mga libro, dokumentaryo at larawan; pagkatapos muling umawit ng mga kantang makabayan; pagkatapos paliparin ang mga dilaw na lobo sa kalangitan, ang tanong: Pagkatapos ng linggong ito, ano na nga ba ang magiging halaga ng EDSA sa bawat isa?
Ang nais natin, hindi maipit sa mga pahina ng libro ang mga kuwento ng EDSA. Ang nais natin, hindi magtunog sirang-plaka ang himig nito na papasok lamang sa isang tenga at lalabas sa kabila. Ang nais po natin, manatiling matingkad ang kulay ng dilaw bilang simbolo ng katapangang ipinamalas ng Pilipino noong Pebrero 1986. Ang nais natin, hindi mauwi sa pagbabalik-tanaw lamang ang EDSA.
Habang tinatamasa natin ang pamanang kalayaan ng EDSA, may mga bagong pagsubok tayong kailangang harapin bilang isang bansa. Isa na rito, at pangunahin para sa akin, ang kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit may mga pamilyang maswerte na kung makakain ng isang beses kada araw, maswerte na raw. Ito nga ang dahilan kung bakit napipilitang patigilin ng mga magulang sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Isama pa natin dito ang problema nila sa kalusugan at kakulangan sa nutrisyon. Ang resulta: Sa isandaang mag-aaral sa elementarya, limampu’t isa lang ang umaabot ng high school. Sa isandaang iyan, lalabing-apat na lang ang makakapagtapos ng kolehiyo.
Paano natin nilalabanan ito? Sa tulong ni Kalihim Armin Luistro, isinusulong na natin ang ating education reform agenda. Itinutulak na natin ang pagrerebisa sa basic education curriculum, o ang tinatawag nating Enhanced K + 12 Basic Education Program. Ang karagdagang karunungan na kanilang matututuhan ang siyang susi upang kahit high school lang ang kanilang matapos, may kakayahan pa rin silang makakuha ng disenteng trabaho. Edukasyon ang maglulunsad ng tagumpay ng ating mga kabataan; ito rin ang magpapataas at magpapanatili sa antas ng kakayahan ng ating mamamayan.
Iniangat na natin sa mahigit 200 bilyong piso ang budget sa edukasyon upang makapagpatayo pa ng mas maraming silid-aralan at makapagtaguyod ng karagdagang trabaho sa pagtuturo.
Kung ano pong dami ng mga isinusulong nating programa, siya rin pong bigat ng mga problemang ating minana. Marami pa pong kailangang gawin, at hindi ko po ito kakayaning mag-isa. Nitong nakaraang linggo, hindi lang paggunita sa EDSA ang ginawa nating selebrasyon. Isa rin itong paghimok at paghamon sa mga kabataan na makiisa sa pagkalinga ng bayan. At natuwa naman akong may handang makiisa sa ating agenda ng pagbabago. Pagdating po sa bolunterismo, sa pagkakapwa-tao—idagdag na rin natin ang kagandahang-lalaki—matunog po talaga sa atin ang pangalang Dingdong Dantes. Alam naman po natin, puwede namang ituon na lang niya ang kanyang oras sa pag-aartista o humarap buong araw sa kamera, o magrelaks, gumimik. Pero nandito siya, kasama natin ngayon, piniling makiisa sa pagsupil sa kahirapan. Kaya naman, taos-puso akong nagpapasalamat sa kaibigan nating si Dingdong Dantes, kasama ang iba pang masisipag na kabataang nasa likod ng itinaguyod niyang YesPinoy Foundation, sa mahalagang papel na kanila pong ginagampanan sa ating lipunan.
Magdadalawang taon pa lamang po ang YesPinoy, marami na ang kanilang mga natulungan. Noong 2010, nakapagbigay sila ng full college scholarships sa anak ng mga namatay na miyembro ng ating Philippine Marines. Nag-abot din sila ng tulong sa mga biktima ng Ondoy, at naglunsad ng Oplan Restore Paaralan sa mga public schools sa Eastern Metro Manila at Rizal. Nitong Disyembre, katuwang ang Department of Social Welfare and Development, inilunsad din nila ang Paskong Ligtas sa Batang Kalye program, upang mailayo sa kapahamakan ang mga kabataan sa lansangan.
At sa paglulunsad ng inyong flagship program na Para Paaralan ngayon pong gabi, naniniwala akong aarangkada ang adbokasiya ninyong maghatid ng edukasyon sa mas maraming kabataan. Gamit ang alternative class program modules, tiwala akong maraming bata ang matuturuan ninyo ng mabuting asal, ng pagmamahal sa bayan, at ng pagkakaroon ng pag-asa sa kinabukasan. Patunay ang Para Paaralan na sa ating matibay na kolaborasyon at mabisang komunikasyon, kaya nating mapagtulungang labanan ang kahirapan. Inaanyayahan ko kayong muli: tulad ngayon, magsama-sama kayong mga kabataan (at ‘yung mga medyo bata noong araw tulad ko), gamitin ninyo ang inyong lakas, talino, at sigla upang kapit-bisig na makatulong sa pagtataguyod ng bayan. Ipamalas ninyo ang isang modernong People Power laban sa kahirapan.
Malinaw po: Ang pamana ng EDSA ay nasusukat sa pagkukusa nating iangat ang bayan. Huwag nating kalimutan na ang kalayaang tinatamasa natin ay may kaakibat na responsilidad. Obligasyon nating pangalagaan, at patuloy na pagyamanin ito upang makaambag sa pag-unlad ng lipunan. Tulad ng sa EDSA, sama-sama tayong nagmalasakit sa kapwa Pilipino; dito natin nakamit at makakamit ang inaasam nating pagbabago. Nasa atin pong mga kamay ang pagbabagong iyan, kaakibat ang magandang kinabukasan.
Muli: Congratulations po sa ating kasamang Dingdong Dantes at ang kanya pong kasamahan.
Magandang gabi po sa inyong lahat. Maraming salamat po.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment