Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos ng Philippine Military Academy “LAON-ALAB” class 2011
[Inihayag sa Fort General H. del Pilar, Baguio City noong ika- 6 ng Marso, 2011]
Ang araw pong ito ay isa na namang tagumpay ng ating bansa. Sa pagtatapos ng isandaan siyamnapu’t anim na kadete ngayong umaga, muli na nanamang pinatunayan ng Philippine Military Academy ang kanilang pambihirang kakayahan na magpanday ng mga tapat at matatapang na tagapagtanggol ng bayan. Nais ko ring bigyang-pugay ang mga magulang na gumabay sa mga magsisipagtapos ngayong araw. Dahil sa inyong pagsusumikap na magpamana ng mas magandang kinabukasan sa inyong pamilya, hindi lamang ang inyong mga anak ang binibigyan ninyo ng matiwasay na buhay; maging ang bansa ay binibiyayaan ninyo ng pag-asa.
Alam kong hindi biro ang mga pinagdaanan ninyong pagsasanay bago makapagtapos. Daan-daang mga pagsusulit ang kinailangan ninyong ipasa. Libu-libong mga pisikal na pagsubok ang matagumpay ninyong nilampasan. Sinubok ang hangganan ng inyong lakas, dunong, at pagtitimpi upang kayo ay hubugin, at maging karapat-dapat na bahagi ng sagradong tradisyon ng Philippine Military Academy. At ngayong handa na kayong lumabas sa bakuran ng Fort del Pilar, dapat kayong mamulat sa katotohanang may mga hadlang na ngayon lamang ninyo makakaharap; kurapsyon, kawalang-hustisya, at kahirapan. Reresponde kayo sa mga liblib at mahihirap na lugar, at kayo lamang ang magsisilbing mukha ng pamahalaan. Aasahan kayo ng mga mamamayan, hindi lamang para iligtas sila mula sa kapahamakan, kundi upang isalba sila mula sa kahirapan. May mga makikilala rin kayong mga nagbabalat-kayong mga pulitiko, sisilawin kayo gamit ang limpak-limpak na pera, at aalukin kayo ng kapangyarihan, upang akitin kayong tumaliwas at lumiko palayo sa tuwid na daan. Sasabak kayo sa giyera kung saan ang armas lamang ninyo ay ang inyong kunsensya. Hindi na ito pagsusulit. Tapos na ang mga pagsasanay. Sa tunay na mundo, hindi pataasan ng grado ang laban. Hindi nakasalalay sa ranggo o sa dami ng medalya at parangal ang inyong karera. Sa labas ng kampong ito, at sa mata ng ordinaryong Pilipino—katapatan, malasakit sa kapwa, at katapangan: ito ang magiging sukatan ng inyong kadakilaan.
Buo ang aking pagtitiwala sa lahat ng kasapi ng Class of 2011 “Lakas Tipon, Alagad ng Bayan” o LAON-ALAB, na hindi kailanman magmamaliw ang ningas sa inyong puso, at hindi kailanman mabubuwag ang tatag ng inyong integridad. Ang Presidential Saber na iginawad natin sa class valedictorian na si Cadet First Class Angelo Edward B. Parras ay sagisag na dahil sibilyan ang inyong Commander in Chief, ang pinagmumulan ng inyong kapangyarihan ay galing sa inyong tunay na Boss, ang taumbayan. At makakaasa kayong mananatiling pursigido ang inyong pamahalaan na isulong ang mga repormang nagtataguyod sa interes lamang ng sambayanan.
Dati, namayani ang sistema kung saan tila nahihikayat ang kaliwa’t kanan na pagnanakaw dahil wala naman pong nangyayari. Tila naging uso ang pagbubulag-bulagan, ang pagbibingi-bingihan, at ang pananahimik. Kaya naman ang mga dapat na hinahabol ng batas, labas-pasok sa ating bansa, nagbabakasyon ang misis sa kung saan. Ang mga dapat na nagpapatupad ng batas, pinapairal ang katamaran, at nagpapalaki lamang ng tiyan. Hindi ito mangyayari sa ating administrasyon. Ngayon, itatama natin ang mali, at itutuwid natin ang mga baluktot na patakaran. Pananagutin natin ang mga magnanakaw, sampu ng kanilang mga kakuntsaba. Wala tayong kukunsintihin; wala tayong sasantuhin. May mandato tayong dapat nating isakatuparan. May hustisya tayong hindi natin hahayaang yurakan ng kapalpakan ninuman. Alam kong sa kabila ng mga isyung kasangkot ang ilan sa inyong hanay, mananaig pa rin ang inyong katapatan sa bandila at taumbayan. Huwag ninyong hayaang dungisan ng iilang tao lamang ang kapita-pitagang institusyon na ito.
Ano nga ba ang bunga ng ating mga reporma? Ano nga ba ang idinudulot ng isang responsableng sistema? Dahil po seryoso ang krusada natin laban sa kurapsyon, dahil masinop tayo sa paggugol ng kaban ng bayan, nagawa natin sa loob lamang ng walong buwan ang hindi nagawa sa halos sampung taon. Nabanggit ko na po kamakailan ang hindi bababa sa 20,000 murang pabahay na handog natin sa kawani ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police nitong taon pong ito. At maganda na rin po nandito si [Vice President Jejomar Binay], dahil siya po ay malaking bagay sa paggagawa ng mga bahay na iyan.
Alam rin nating kahit gaanong kaganda ang itinuturong teorya at taktika, kung wala namang armas, at bagsak ang moral ng mga kawal, wala rin po itong kwenta. Kaya naman habang itinataguyod ninyo ang seguridad at buong tapang na nilalabanan ang karahasan at kriminalidad, sinusuklian namin ito ng pagtutok sa inyong mga pangangailangan. Ang mga botas at armas na inyong gagamitin sa pakikipaglaban, at ang sapat na sahod at benepisyong inyong matatanggap ay patunay na buo pa rin ang tiwala ng administrasyon sa kasundaluhan at kapulisan, at saludo po kami sa malasakit ninyo sa bayan.
Bilang mga susunod na pinuno ng ating bayan, naka-atang sa inyong mga balikat ang katuparan ng pangarap ng marami nating kababayan. Kaya naman itatalaga na natin bilang bagong AFP Chief si General Eduardo Oban, mula sa PMA Class of ‘79. At si General David naman po ay hindi natin pakakawalan sa serbisyong publiko.
Wala akong duda sa kakayahan niyang ipagpatuloy ang mga repormang sinimulan ni General Ricardo David, at lalo pang paigtingin ang mga programang pangkapayapaan ng Sandatahang Lakas. Nawa’y magsilbi siyang inspirasyon sa class LAON-ALAB upang mas mabilis nating makamit ang mga hinahangad natin sa atin pong bayan.
Alalahanin ninyo ang araw na ito. Palagi ninyong tanungin kung bakit magkakaharap tayo ngayon. Nandito kayo hindi para magpayaman. Kaharap ko kayo ngayon dahil pinili ninyong magmalasakit sa bayan. Kaya naman umaasa akong kapag may nagbagsak ng isang trak na salapi sa inyong harapan, kaya ninyo itong tanggihan dahil mas namamayani pa rin ang prinsipyong ipinunla sa inyo ng PMA: katapangan sa anumang laban, integridad sa kabila ng tukso, at katapatan sa bandila. May obligasyon tayong lahat dapat gampanan; may panata tayong sinumpaan. Isabuhay natin ang mga ito nang may dangal, at pagkalooban natin ng mapayapa at ginintuang kinabukasan ang susunod na salinlahi.
At bago po ako magtapos: Ako naman po ay galing rin po sa isang batch na may “1” sa dulo, kaya lang nga ho ‘81. Napansin ko tatlong dekada na pala ang pagitan natin. Pag-alis po ninyo sa institusyon na ito, susunod na mga araw parati po kayong mangangailangan gumawa ng desisyon. Siguro ho talagang napakatalino ng nagtalaga ng pangalang Fort del Pilar, ito pong campus niyo. Labas-pasok kayo dito nakatingin po si Gregorio del Pilar sa inyo; at kayo po tinitingala natin. Ang kadakilaan ni Gregorio del Pilar—namili siyang magmahal sa bayan keysa alagaan ang kanyang pansariling interes.
Kaya naman po sa mga darating na araw, ‘pag kayo po ay nagdududa, itatanong na lang ninyo sa sarili ninyo, kayo ba’y taga-sunod ni Gregorio del Pilar, tinitingala ng taong-bayan o kayo ho ba’y gagaya doon sa mga puro amnesia na lang ho ang napala?
Ulitin ko lang po, hindi ho kayo pupurihin o lalaitin dahil lang sa pakana ng iba. Lahat po yan ay nagmumula sa atin pong ginawa.
Congratulations po sa nagtapos, lalo na sa kanilang mga magulang, sa kanilang mga guro. ‘Yun pong talumpati ng ating class valedictorian, sana po isabuhay natin araw-araw.
Magandang umaga po. Maraming salamat sa lahat.
No comments:
Post a Comment