President Aquino Speech at the Commission on Audit 112th anniversary


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalaw sa ika-112 anibersaryo ng Kagawaran ng Pagsisiyasat
[Inihayag sa COA, Commonwealth Ave. Quezon City noong ika-10 ng Mayo 2011]
Talaga namang pong may bagong liwanag na yata sa Pilipinas. Kahapon ho bumabagyo; hindi n’yo ini-schedule kahapon; ini-schedule n’yo ngayon: talaga kayo ang magdadala sa atin sa liwanag.
Nang papunta po kami dito, binagtas namin ang kahabaan ng Commonwealth Avenue na binansagang “killer highway.” Sa matagal na panahon, naisugal ang maraming buhay dahil sa mga sakunang nangyari sa abenidang ito. Naging larawan ito ng kawalan ng disiplina at respeto sa batas ng mga Pilipino—mga kaskaserong bus driver, nagpapatinterong mga jaywalkers, at mga street vendors na bumabara sa atin pong mga bangketa. Masasalamin din dito ang palpak na pagpapatupad ng batas—mga peligrosong overpass, pundidong mga street lights, tamad na mga enforcers.
Pero kanina, kakaibang mukha ng Commonwealth ang dinaanan namin. May disiplina at sumusunod sa batas-trapiko ang mga nagmamaneho, walang sagabal sa mga bangketa, tumatawid ang mga mamamayan sa overpass, at aktibong nagbabantay ang mga enforcers natin. Hindi na po tulad ng dati ang reputasyon ng Commonwealth Avenue. May makabuluhang pagbabagong nangyari, at may pakinabang ito sa mga Pilipino.
Iyan din po ang pagbabagong nakikita sa maraming aspekto ng ating lipunan—at marahil, pinakamalinaw ito sa mga repormang isinasagawa natin sa gobyerno, lalung-lalo na dito sa Commision on Audit, na nagdiriwang ngayon ng ika-112 anibersaryo. Happy anniversay po. Nakakapagtaka, 112 years na pala kayo, ngayon palang kayo nadalaw ng Pangulo ng Republika. Okey lang naman iyung dumalaw, huwag lang ma-audit. [Laughter] At hindi lang kayo nag-iisa po sa hindi nadadalaw, at ako’y nagtataka. “Paano mo naaasahan ang hindi mo napapansin?”
Kung datirati po’y may agam-agam ang mga auditors na ilantad ang kanilang mga nakikitang anumalya sa mga transaksyon ng gobyerno, ngayon ay binibigyang lakas kayo upang maging malaya, matapang, at walang pangamba sa inyong tungkulin. Kung dati, pinagpipistahan ng mga tiwaling opisyal ang pagkamal sa kaban ng bayan, ngayon, marinig pa lang nila ang pangalang COA, masisindak at aatras na sila.
Alam ho n’yo, iyong isa sa pinakamabigat na kailangang nakasanayan natin mula noong tayong nag-umpisa sa gobyerno ay—bakit kaya ganito?—noong araw, may namomorsyento, tinawag na mali. Noong pinorsyentuhan na lang ang proyekto, parang naging tama. Ang labo naman yata ng lohika niya.
Bilang mga mata ng burukrasya, batid ninyong wala nang pumipiring sa inyo upang subaybayan ang tiwali; wala nang bumubusal sa inyo upang magsalita laban sa mali; at wala nang gumagapos sa inyo upang tuparin ang mandato bilang tapat at mapagkakatiwalaang tagapagbantay sa kaban ng bayan.
Nangyari ito dahil sa mga audit team ng COA na nangahas tumaliwas sa nakagawiang baluktot na landas. Sila ang sinasaluduhan natin ngayon. Nangyari ito dahil andiyan ang Audit Team 6 ng COA Regional Office No. 1 mula sa San Fernando City, La Union na bumusisi sa Home Development Mutual Fund ng Dagupan City, at nadiskubreng lampas 484 million pesos ang ginamit na pambayad sa mga housing loans. Tumataas ang kompiyansa ng taumbayan sa COA dahil sa mga katulad din ng Audit Team 3 ng COA Regional Office No. 8 mula sa Tacloban City, na masusing pinag-aralan ang Direct Development Loan Program, kasama na ang Sales, Contracts, Receivable, at Loans Receivables-Development Loan ng PAG-IBIG Fund sa kanilang lungsod. Dahil sa kanila, napag-alamang hindi nakapasok sa accreditation criteria ang developer para pondohan ang proyekto, kaya naman naisalba ang mahigit 53 million pesos ng taumbayan.
Basta po yata Heidi ang pangalan, hindi nasisindak, at hindi nasusuhulan ang prinsipyo. Siyempre, kilala na natin ang isa sa inyong mga bagong commissioner, si Miss Heidi Mendoza. Pero nariyan din si Miss Haydee Pasuelo, State Auditor 4 mula sa Iloilo City. Maliban po sa pagharang sa 97.8 million pesos na wawaldasin lamang sana ng tatlong ahensya ng gobyerno, natuklasan din niyang may mahigit isang milyong piso pang kinulimbat ang dalawang opisyal ng pamahalaan. Mantakin po ninyo: halos isandaang milyong piso po ang nailigtas ng isang matalas, matapat, at walang sinisinong COA auditor.
Isipin na lang po natin kung mayroon tayong sampung Haydee Pasuelo na hindi nagbubulag-bulagan. O ‘di kaya ay isandaang Heidi Mendoza na handang i-report nang buong loob sa mga Boss niya, na ang taumbayan, na “ninanakawan kayo, nilalamangan kayo at hindi ako matatahimik hangga’t hindi nabibigyan ng kaukulang parusa ang abusadong mga opisyal na ito.”
Bilang mga mata ng burukrasya, huwag po sana kayong panlabuan ng mata kapag sinuhulan kayo ng bahay, o kotse, o sandangkal na pera. Ito ang tapat na serbisyo. Ito ang tuwid na landas. Ito ang katuparan ng layunin nating pagbabago, at kayong mga auditor ang nasa frontline sa labang ito.
Hindi po nilunod ng sunod-sunod na isyu ang panata nating sugpuin ang kurapsyon upang supilin ang kahirapan. Mahalagang bahagi ng krusadang ito ang pagtatalaga ng mga mapagkakatiwalaan at walang sinasantong miyembro ng gabinete at iba pang opisyal at kawani ng gobyerno. Kaya po hindi ako nagdalawang-isip na italaga si Atty. Grace Tan bilang inyong Chairman. Malaki po ang tiwala natin sa kanya. Malaki rin po ang inaasahan natin sa kanya, at ako po’y nakaksiguradong siya po’y magde-deliver. Nang nakilala natin si binibining Heidi Mendoza, hindi na rin natin pinalampas ang pagkakataon upang gawin siyang commissioner. Kaya naman kung ehemplo at paninindigan ang pag-uusapan, mahirap tapatan ang pamunuan ng COA.
Walang sinayang na oras si Commissioner Tan sa paglalatag ng mga inisyatiba, hindi lamang para labanan ang katiwalian, kundi para rin mas epektibong magampanan ng COA ang mandato ninyo sa bayan. Maliban sa paglilinis sa inyong hanay upang iwasan ang red tape at putulin ang mga ugnayang padron-kliyente, napag-alaman po nating nirerebisa na ang inyong pre-audit policy upang hindi madiskaril ang inyong atensyon sa iba pang gawain, at mas matutukan ninyo ang inyong primary audit duties. Isinasaayos na rin po natin ang Management Information System o MIS upang maihatid ng COA ang mga napapanahong serbisyo at proseso sa iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno. Saludo rin ako sa inyong Participatory Audit Project na kumikilala sa publiko bilang aktibong kalahok ng COA sa paniniguro ng katapatan at pananagutan sa paggamit ng pampublikong yaman. Higit sa lahat, ikinagagalak ko ang nagsisimula nang pagpapa-igting sa ugnayan sa pagitan ng COA at ang magiging Ombudsman natin sa Office of the Ombudsman ngayon. Ngayon, kapag may inilapag na kaso ang COA sa mesa ng Ombudsman, inaasahan nating mabibigyang-pansin ito at masusing pag-aaralan—hindi maisasantabi, hindi pagtatakpan, hindi maglalabas ng resolusyong lugi ang taumbayan.
Kakampi po ninyo ang marami pa sa ating mga ahensya ng gobyerno sa agenda ng tapat na pamamahala. Wala pa pong isang taon, may nalikom nang 250 million pesos ang DBM dahil sa masinop na paggugol ng pondo. Hindi rin po nagpahuli ang DPWH sa tuwid na paggugol. Pinabuklat ni Secretary Babes Singson ang lahat ng kontrata, at ang mga kuwestyonableng transaksyon, ipinarebid po niya. May 1.3 billion pesos po siyang naisalba mula sa tiyak na pagkakanakaw lang, na maaari pang umabot sa anim hanggang pitong bilyong piso bago matapos ang 2011. Mula Hulyo 2010 hanggang Abril 2011, may 38 kaso ng tax evasion na nagkakahalaga ng 12.5 billion pesos ang naisampa ng BIR, habang ang Bureau of Customs naman ay may nasamsam na kontrabando na nagkakahalaga ng 45.1 billion pesos. Malinaw po ang direksyon ng mga hakbang natin: Wala po tayong sasantuhin sa tinatahak nating tuwid na landas. Haharap tayo nang tapat, lalaban tayo nang patas, at isasaalang-alang natin ang interes ng nakakarami.
Naniniwala akong wala sa lahi natin ang pagiging corrupt. Lahi tayo ng mga maka-Diyos, tapat, matulungin, at masisipag. Huwag na tayong magturo sa kung saan nag-ugat ang kurapsyon; walang ibang tutugon sa problemang ito kung hindi tayo rin lang. Samahan ninyo ako: palayain natin ang ating bayan sa rehas ng kadamutan at pagkakanya-kanya; huwag tayong magpa-alipin sa kultura ng panlalamang at pagbabatuhan ng sisi.
May lampas limang taon pa po tayo para sama-samang buwagin ang mga balakid sa tinatahak nating daan tungo sa pagbabago. Huwag nating sayangin ang pagkakataon para ayusin ang mga matagal na nating gustong ayusin. Alam ninyong iba na ang sitwasyon ngayon. Sa buong COA: wala na kayong dapat katakutan; alam ninyong sa labang ito, kakampi ninyo ako, at ang mamamayang Pilipino.
Hayaan ninyo akong sa pagtatapos ay ipagdiinan lamang ang isang bagay: Tumakbo nga ho tayo sa slogan na “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Ano ho ba talaga ang mahirap? ‘Yung iba ho klaro sa atin: walang tiyak na tirahan, walang trabaho, kada kilos na gagawin, lalo pang napapasama ang situwasyon. Pero bigyan ko pa ho kayo ng kaunting ibang halimbawa pa na baka hindi ninyo nabatid. Iyong atin pong isla na ang tawag ay Reed Bank, 80 km from Palawan. Sa UNCLOS po, may tinatawag na Exclusive Economic Zone na 200 km. Maliwanag po: Saklaw natin at atin po itong Reed Bank na ito. Iyan po ay nasa may Spratlys. Binigyan po ng nakaraang administrasiyon ng service contract ang isang Kumpanya para i-explore ang potential bilang sa langis o sa natural gas. So nandoon po, ginagawa iyong kanyang inatasan na tunkulin, o pinahintulutang gawain ng ating gobyerno, dumating po ang dalawang coast guard vessel ng ibang bansa, itinaboy po iyong ating pinagbigyan ng service contract. Natural, kailangan nating pangalagaan at panindigan ang ating sovereignty. Inatasan natin ang Coast Guard—para hindi ho armadong sasakyan—na tumungo doon at siguraduhing malayo sa kapahamakan ito hong sasakyan na nag-e-explore po doon sa banda ng Reed Bank. Awa ng Diyos po, nag padala ang Coast Guard natin ng dalawang sasakyang pandagat. Ang umabot po doon, isa—problema po kasi, talagang napakaluma na ng ating mga sasakyang pandagat, at talaga naman pong … talagang symbolo: ‘Yung Coast Guard natin, nagtitiis; Iyong taong bayan kadalasan, sabi nga’y, wala na raw hong justice, puro tiis. Wala na raw justice, “just tiis.” [Laughter] Iyan po ang binabago natin.
Alam ho ninyo, dahil nagkaroon tayo ng savings, iyong combat pay po sa kasundaluhan, naitaas natin nang halos doble. Mula P240, naging—P260 ang dinagdag—P500 na po ang tinatanggap nila. Iyong kakulangan nila ng pabahay: Bago ang SONA ipinapangako sa akin ng NHA, magkakaroon tayo ng hindi bababa sa 4,000 bagong tahanan doon sa ipinangako ko sa kanilang 20,000 tahanan. Marami pa ho na nagagawa natin dahil mas masinop ang paggugol. Iyong pagiging masinop ng paggugugol nagmumula naman dahil sa ginagawa ninyong pagsama sa ating itinatahak na landas, kung saan hinihinto ninyo ang maling paggugol at pagsamantala sa kaban ng bayan.
Kayo po ang nagbibigay ng lakas sa gubyernong magawa ang tama. Sana po ituloy-tuloy po natin ito.
At ako naman po ay hindi manhid: Umasa po kayo hindi naman puro thank you ang aabutin n’yo sa atin, ano? Habang lumalaki ang ekonomiya, lumalakas ang kakayahan ng inyo pong pamahalaan. Sa totoo lang po, iyong Salary Standardization Law 3, noong aming itinatalakay sa Senado, itinanong ko, “Paano ba popondohan iyan? Magdadagdag tayo ng umento, wala namang dagdag na kita ang gubyerno.” Tinatamad na po iyong sponsor, ang sabi sa akin: “Ano pa? ‘Di i-uutang natin iyan.” Aba, okey ito! Magdadagdag tayo ng suweldo, iyong pangdagdag, i-uutang natin. Paano kaya natin mapapagpatuloy iyan? Pero, magaling po talaga si Butch Abad. Maganda po iyong nagagawa natin. Na-i-advance, hindi ho ba, ng isang buwan iyong 3rd tranche ng Salary Standardization Law 3. Kaya naman, kamakailan po, mayroon pong tumatayo para sa mga kawani po ng gubyerno, nagpasalamat sa SSL3 noong Labor Day—ininanong, kalan ho ba iyong Salary Standardization Law 4? Sabi ko “maawa ka naman, binabayaran pa lang namin iyong 3, may 4 ka nang gusto.” [Laughter]
Pero simpleng-simple lang naman po eh. Habang ginagawa ninyo ang trabaho ninyo, kumukonti ‘yung “just tiis” ng ating kapwa Pilipino. Habang noong araw, may inaasam na wala na pong katapusan kung kailan maaabot; ngayon po nakikita na ang liwanag na palapit na nang palapit. Iyon, dapat naman, ibahagi sa kanilang pamahalaan. Kayo po ang nagbibigay ng lakas. Lumakas sana kayo, nang lalong lumakas pa ang ating pamahalaan sa paglilinkod sa taong bayan.
Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment