Hinimok kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Panghanapbuhay ang mga employers sa pribadong sector na magbayad nang tamang pasahod sa mga manggagawa sa Araw ng mga Bayani, Agosto 29.
Ang naturang araw ay isang regular holiday batay sa Proklamasyon Blg. 84 na ipinalabas ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Disyembre 20, 2010.
“Layunin ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani na ganap na parangalan ang kadakilaan,una sa
lahat,ng ating mga bayani na nag-alay ng kanilang pawis, dugo, at buhay upang makamtan ang ating kalayaan, gayundin ang mga Pilipino na patuloy na nagmamahal at namumuhay ng marangal sa kapakanan ng kanilang sariling bayan at kapwa mamamayan,” sinabi ni Baldoz.
Alinsunod dito, muling ipinaliwanag ni Baldoz ang patakaran tungo sa wasto at sapat na pasahod para sa mga manggagawa, kabilang ang minimum wage earners, na dapat sundin sa naturang regular holiday.
Ayon sa kalihim, ang mga umiiral na patakaran sa wastong pasahod sa regular holiday ay ang mga sumusunod:
a. Kung ang regular holiday sa Lunes, Agosto 29, 2011 ay pumatak sa regular na araw ng trabaho ng empleyado at siya ay nagtrabaho sa araw na ito, siya ay may karapatan sa kabuuang dalawandaang porsiyento (200%) ng kanyang wage rate sa unang walong oras (8) ngtrabaho, at karagdagang tatlumpong porsiyento (30%) kung higit sa walong oras ang trabaho sa naturang araw. Kung hindi siya nagtrabaho, ang empleyado ay may karapatan lamang sa isandaang porsiyento (100%) ng kanyang regular na araw ang pasahod, sa kondisyong siya ay nagtrabaho, o nagbakasyon nang may bayad (on leave with pay) sa araw bago ang naturang regular holiday.
b. Kung ang Agosto 29 ay araw ng pahinga (o rest day) ng empleyado at siya’y nagtrabaho, siya ay may karapatan sa kabuuang dalawandaan at sisenta porsiyento (260%) ng kaniyang araw ng pasahod sa unang walong (8) oras, at karagdagang treynta porsiyento (30%) para sa trabahong lampas sa walong (8) oras sa araw na nabanggit. Sa kabilang dako, kung hindi siya nagtrabaho, ang naturang empleyado ay may karapatan lamang sa isandaang porsiyento(100%) ng kaniyang regular na pasahod, sa kondisyong siya ay nagtrabaho o nagbakasyon nang may bayad (on leave with pay), sa araw ng trabaho bago ang regular holiday.
c. Kapag ang araw bago dumating ang regular holiday ay araw nang walang trabaho (non-work day) sa establisimiyento, o kaya’y itinakdang araw-pahinga ng empleyado, siya ay itinuturing na hindi nasa bakasyon (leave of absence) sa araw na iyon, kaya siya ay may karapatan sa pasahod ng regular holiday.
No comments:
Post a Comment