President Aquino Speech during the Commencement Exercises of Philippine National Police Academy Masaligan class


P-NoyImage via WikipediaTalumpati ni Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos ng Philippine National Police Academy Batch Masaligan, klase ng 2011
[Inihayag sa Camp General Mariano N. Castañeda, Silang, Cavite noong ika-26 ng Marso, 2011]
Kamakailan lang po, nagbigay tayo ng mensahe sa mga nagsipagtapos sa PMA. Kahapon naman po, nagtungo tayo sa graduation ng Ateneo. Sa araw na ito, kaharap ko naman ang panibagong hanay ng mahuhusay na estudyante mula sa Batch Masaligan ng PNPA. Binabati ko ho kayo sa inyong tagumpay, kasama na ang inyong mga magulang na kumayod nang husto, ang mga guro at ang institusyong naghulma sa bagong henerasyon ng mga tagapagtanggol ng bayan.
Mahirap ang pinagdaanan ninyo sa nakalipas na apat na taon. Maliban sa mga pagsusulit na nagpatalas sa inyong isipan, pinatibay din kayo ng mga pagsubok tulad ng paggapang sa putikan, o pagbibilad sa katirikan ng araw. Gayumpaman, kailangan kong ipagdiinang may mas marami at malalaking pagsubok pa kayong kakaharapin matapos ang okasyong ito. Walang binatbat ang mga teoryang inyong natutuhan sa mga reyalidad na kakaharapin ninyo paglabas ng akademya. Sa pagsabak ninyo sa lipunan, hindi mababang grado o demerit ang kapalit ng inyong pagkakamali. Ang bawat kababayan na inyong ipagtatanggol laban sa krimen, o ililigtas mula sa sunog, o babantayan sa loob ng mga piitan, ay hindi mapapantayan ng anumang pabuya o medalya. Hindi matutumbasan ng grado ang buhay na inyong maisasalba.
Maliban sa dunong at talino na ibinahagi sa inyo ng PNPA, kakailanganin din ninyo ang prinsipyo upang magapi ang katiwalian at kahirapan sa lipunan. Susuhulan kayo ng limpak-limpak na salapi para tapatan ang inyong karangalan; aalukin kayo ng sangkaterbang kapangyarihan para baliktarin ang inyong paninindigan. Sa ganitong mga tukso, umaasa akong hindi kayo magpapatalo, at mananatili kayong masaligan. Ngayong nasa posisyon na kayo para pairalin ang tama, huwag ninyo ito sanang kalimutan at abusuhin; huwag ninyo itong balewalain. Buong-puso at katapatan ninyong tuparin ang inyong katungkulan. Maging katuwang kayo ng ating administrasyon sa paglibing sa mga bulok na kalakaran.
Huwag po sana ninyong mamasamain kung prangkahin ko kayo. Nitong nakaraang dekada, nagduda ang marami sa kakayahan at integridad n gating kapulisan. Ngunit alam kong may malilinis at tapat sa inyong hanay. Batid ko ang mabubuting nagagawa ng pulisya. Hindi man ito masyadong naibabalita sa media, sinisiguro ko sa inyong bida kayo sa paningin ko, at bayani kayo sa mga pamilyang natutulungan ninyo.
Batid ko rin pong may mga pulis na kumakapit sa patalim, hindi dahil sa pagiging likas na tiwali, kundi dahil na rin sa kakulangan sa umento at benepisyo. Paano nga naman kayo magiging alagad ng batas kung wala naman kayong sapat na kasanayan at panahon pa ni Magellan ang inyong kagamitan? Mali naman po sigurong iatang sa inyong balikat ang kapakanan ng taumbayan kung ni ang sarili ninyong pamilya, hindi ninyo mauwian ng sapat na hapunan. Huwag po kayong mabahala; tapos na ang ganitong kalakaran. Hindi ko hahayaang kayo ang umako sa mga kakulangan na dulot ng maling pagpapatakbo ng nakaraang pamahalaan. Habang pinaglilingkuran ninyo nang tapat ang mga Pilipino, kasangga ninyo ako sa pagpapabuti ng inyong estado, at sa tuluyang pag-aangat sa dangal ng institusyong ito.
Dahil po sa ating mga reporma, nakakapagpakitang-gilas na po ang ating pulisya. Noon po, malubha ang kaso ng carnapping sa bansa. Sa masusing pagtutok sa mga kasong ito, kasama na ang pagtatalaga ng mga responsableng pinuno ng PNP, napababa natin ang kaso ng car napping mula sa halos limandaang kaso sa unang semestre ng 2010, hanggang sa halos dalawandaang kaso na lang nitong huling bahagi ng nakaraang taon. Siyempre, hindi ho tayo titigil hanggang wala nang kaso ng car napping.
Agad ding nabigyang-linaw ng ating kapulisan ang kaso ng pagpatay sa isang miyembro ng media sa Malabon na si Marlina Sumera Flores. Naresolba na rin nila ang tatlo pang media killings na kinabibilangan naman ng pamamaslang kina Gerardo Ortega, Jose Daguio, at Miguel Belen. Sa mga kasong ito, natukoy at nahuli ang mga maysala dahil sa sipag at dedikasyon ng PNP. Talaga naman pong wala tayong mai
tulak-kabigin sa mga pagpupunyaging ito.
Kitang-kita po ang panibagong sigla ng mga Pilipino dahil sa mga pagbabagong dinulot natin. At habang walang patid ang serbisyong hatid ninyo sa bayan, hindi rin po sasablay ang mga kaukulang reporma at pag-agapay ng pamahalaan sa inyong hanay.
Patuloy tayong magsasagawa ng mga training para hasain pa ang inyong mga kakayahan. Hindi na rin dapat kayo maging kawawang cowboy na nasasabak sa labanan nang walang sapat na kagamitan. Tapos na po iyong panahon na ‘yung kawawang cowboy may kabayong hikain at baril na hindi pumuputok. Tutugisin natin ang mga nagnanakaw at nanlalamang sa pondong dapat sana ay napapakinabangan ng marami sa inyo. Sinusuri na natin ang proseso ng procurement sa pulisya at iba pang mga serbisyo, at itinatag ang Internal Audit Service sa inyong ahensya upang maiwasan ang korupsyon. Sa ganito pong paraan, nakatipid tayo ng halos 400 milyong piso. Dito nga po nagmula ang 10 libong pisong Christmas bonus na natanggap ng ating mga pulis kamakailan. [Light applause] Parang kokonti ho yata nakatanggap noong … baka maimbistigahan ho iyong dapat nagpakalat ng dagdag na ito. [Laughter]
Unang pagkakataon ito na naibigay nang buo ng gobyerno ang benepisyong ito ng PNP. (Pati ho pala sa PNP mayroon na hong “drop-drop.”) Isinasaayos na rin natin ang burukrasya upang maging matagumpay ang Modernization Program ng mga tanggapang nangangalaga sa kaligtasan ng bayan. Hindi na tayo magpapakulong sa nineteen kopong-kopong; sasabay tayo sa pag-usad ng panahon.
Hindi rin natin nakaligtaan na problema pa rin ng ating pulisya ang kawalan ng maayos na tahanan. Sa taong ito, magpapatayo tayo ng di-bababa sa 20,000 housing units para sa kasundaluhan at pulisya, sa presyong sobrang abot-kaya. ‘Yun pong dati nilang binabayarang upa na tatlong libo hanggang limang libong piso, magiging 200 hanggang 500 piso na lang para ariin ang sariling tahanan. Maliban sa programang pabahay na ito, naglunsad din tayo ng karagdagang educational assistance programs para sa mga anak ng ating kapulisan. Siyempre susunod na po ‘yung “Fire” at yung “Jail” [agencies]. Mula Hulyo ng 2010 hanggang Marso ng 2011, mahigit tatlong daang mga anak na ng mga pulis ang napag-aral sa tulong ng mga katuwang na ahensya ng PNP. Sisikapin pa po nating mapag-aral kahit isang miyembro ng bawat pamilya sa hanay po ng ating mga serbisyo.
Sa inyong pag-aaral, tinuruan kayong pairalin ang marangal na paglilingkod sa bayan. Tiwala akong matibay ang pundasyong ipinamana sa inyo ng institusyong ito. Nawa’y maging saligan kayo ng mabuting mga gawa, at maging kakampi kayo ng matuwid at tapat na pamamahala. Sagipin natin ang taumbayan sa mga ganid sa lipunan—na siya rin naman pong pangalan ng inyong klase.
Liwanag mula sa mabuting pamamahala ang isinisiwalat natin sa bayan. Hindi tayo magdadalawang-isip na labanan at parusahan ang mga nagpapakasasa pa rin sa yaman at kapangyarihan. Dumadaan man tayo sa butas ng karayom sa pagresolba sa sangkaterbang problema na ating dinadatnan, walang dudang malalampasan natin ito dahil kasama ko po kayong lahat, ang buong Batch Masaligan, sa krusadang ito.
At payo lang po sa nakakatanda sa inyo: Kayo po ay inaruga ng inyong mga magulang at ng Estado, hindi para manlamang sa kapwa kundi makatulong sa ating kapwa. Sa inyo pong mga desisyon, gawin po natin sanang batayan: Nakatulong ba ako sa aking kababayan o ako ba’y kasama sa nagpahirap? Piliin po natin ‘yung makatulong at tiyak na talagang tapusin na natin ang panahon ng kakulangan dito po sa ating bansa.
Magandang umaga. Maraming salamat po sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment