Statement of His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
Upon his departure for his state visits to Indonesia and Singapore
[Delivered in Ninoy Aquino International Airport on March 7, 2011]
Ngayong gabi, lilipad tayo patungong Indonesia at Singapore upang makipag-ugnayan sa kanilang mga pinuno ng estado. Nararapat lamang nating patibayin ang ating relasyon sa mga karatig-bansa, maging sa mga kaibigan sa ASEAN, upang mapanatili ang kapayapaan at tuloy-tuloy na pag-unlad ng Timog-Silangang Asya.
Dadalawin din natin ang mga kababayan nating Pilipino sa Indonesia at Singapore. Kakamustahin natin ang kanilang kalagayan, papakinggan ang kanilang mga hinaing upang mabigyan ng angkop na tugon. Ipapaabot din natin sa kanila ang mga good news sa ating bansa, at nang malaman nilang, habang kumakayod sila sa ibayong-dagat, inaalagaan natin ang kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.
Dahil sa kadilimang bumalot sa ating bansa ng halos isang dekada, matagal ding nangamba ang mga bansa mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon na makipag-ugnayan sa atin. Kaya naman mahalagang maipabatid sa kanila ang panibagong sigla at liwanag na namamayani sa Pilipinas. Sa ating masigasig na paglilinis at pagsasa-ayos ng burukrasya, sa ating tapat at responsableng pamamahala, mahihikayat din natin ang business sector ng Indonesia at Singapore na mamuhunan sa ating bansa. Alam kong sabik din silang malaman ang nag-uumapaw na oportunidad para sa paglago ng kanilang mga negosyo, na siya namang magbibigay-daan upang magkaroon ng trabaho at pagkakakitaan ang ating mamamayan. Bukas nang muli ang ating pinto sa kanilang mga negosyo; handa na muli tayo sa tuloy-tuloy na pag-asenso.
Mahalagang bahagi ng ating pagbisita ang pakikipag-usap natin sa mga pinuno ng Indonesia at Singapore. Pagkakataon ito upang mailatag sa kanila ang ating mga hakbang upang lalo pang mapabuti, at mas maging kapaki-pakinabang ang ugnayan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ang ating aktibong kooperasyon at maaliwalas na relasyon sa mga karatig-bansang Indonesia at Singapore ay may makabuluhang ambag sa pagkamit ng mithiin nating maging mapayapa at progresibo, hindi lamang ang ating bansa, kundi maging ang kinabibilangan nating rehiyon.
Wala man ako dito sa Pilipinas, sinisiguro kong ang bayan natin ay hindi mawawaglit sa aking puso at isipan. Kaya naman nagtitiwala akong ipagpapatuloy din ninyo ang responsibilidad ninyong magtiyaga at magpursigi para i-angat ang ating bayan. Marami pa tayong kailangang kumpunihin. Hindi pa tapos ang laban. Malayo man tayo sa isa’t isa, magtrabaho tayo nang may dedikasyon at may kolektibong pagkilos, upang sama-sama nating maibalik ang reputasyon ng Pilipinas bilang isa sa mga bansang tunay na tinitingala ng buong mundo.
Maraming salamat po.
Home
/
Indonesia
/
PNoy Statement
/
Singapore
/
State visit
/
Statement of President Aquino upon his departure for his state visits to Indonesia and Singapore
Statement of President Aquino upon his departure for his state visits to Indonesia and Singapore
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment