PNoy departure statement for official visit to United States of America


Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago ang kanyang pagbisita sa Estados Unidos
[Inihayag sa NAIA Terminal 2 noong ika-18 ng Setyembre 2011]
President Benigno Aquino and United States Ambassador ThomasImage via WikipediaKagalang-galang Jejomar Binay, Vice President; Senator Franklin Drilon; Executive Secretary Paquito Ochoa; other members of the Cabinet present; Mayor Tony Calixto; Congresswoman Emi Calixto-Rubiano; General Manager Jose Honrado; Chief of Staff, General Oban; Police Director-General Nicanor Bartolome; our service Commanders present; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen:
Magandang gabi po.
Lilipad po tayo ngayon, sa ikalawang pagkakataon, sa Estados Unidos upang paunlakan ang imbitasyon nina Kagalang-galang Pangulong Barack Obama ng Amerika at Pangulong Dilma Rousseff ng Brazil sa Open Government Partnership (OGP). Kasama ang Indonesia, Mexico, Norway, South Africa, at United Kingdom, isa po ang Pilipinas sa mga bansang inanyayahan ng Amerika at Brazil para pangunahan ang paglulunsad ng OGP. Patunay lamang po ito sa pataas nang pataas na pagtingin sa atin ng ibang mga bansa.
Sa pagbisita nating ito, maipapahayag natin sa buong mundo ang tinatamasang sigla at kompiyansa ng Pilipinas tungo sa pagginhawa ng mga Pilipino. Ibabahagi natin sa kanila ang pinakamahalagang leksyon na natutuhan natin nitong mga nakaraang panahon: na ang tapat at mabuting pamamahala ay nagbubunga ng maayos na ekonomiya. Taas-noo nating ihahayag ang katuparan ng ating paninindigan: sa pagsugpo ng katiwalian, maiibsan ang kahirapan.
Tiwala po tayo na sa pagpunta natin sa Amerika, gaya ng una nating pagbisita, marami tayong maiuuwing good news sa ating mga kababayan. Bilang isang kalahok sa Open Government Partnership, makakaasa tayong tataas pa ang kompiyansa sa atin ng mundo sa kakayahan nating umasenso at makipagtulungan sa ibang bansa sa iba’t ibang larangan.
Yaman din lamang na bibisita tayo sa Amerika, hindi na po natin palalampasin ang oportunidad na makipagdiyalogo sa mga negosyante doon, upang mamuhunan pa sila lalo sa Pilipinas.  Muli’t muli po nating ihahayag sa kanila na bukas at maaliwalas na ang ating bansa sa larangan ng pagnenegosyo; sa malinis na pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno, patas ang magiging laban para sa mga itatayo nilang negosyo, at hindi masasayang ang kanilang pagtitiwala sa atin pong bansa. Mahalaga po ang pamumuhunan nila dito: sa bawat negosyong ipapatayo nila sa bansa, maraming trabaho ang malilikha na magbibigay ng kabuhayan sa mga Pilipino.
Sabik din po tayong makipagkita sa ating mga kababayan sa Washington. Pasasalamatan natin sila sa napakahalaga at napakalaking tulong nila hindi lamang sa kanilang pamilya, kundi pati sa ating ekonomiya. Pasasalamatan din natin sila sa kanilang walang humpay na pagpapamalas ng sipag at husay ng mga Pilipino sa mundo.
Pinapatunayan na po natin sa loob at labas ng bansa na iba na ang Pilipinas sa kasalukuyan. Tinutumbasan na ng kongkretong pagkilos ng gobyerno ang kanyang mga pangakong reporma para sa mga Pilipino. Pinag-aalab na natin at lalong binubuhay ang liwanag ng pag-asa ng ating mamamayan na makamit ang kanilang mithiin para sa marangal at masaganang buhay. Nakahanda na tayo para sa pag-arangkadang makakasabay ang bawat isa nating kababayan.
Hindi magbabago ang ating paninindigan at nakahanda tayong ipagsigawan sa mundo: marangal, tapat, at may disiplina ang mga Pilipino, handa itong makipagsabayan sa anumang larangan at makipagbayanihan sa ibang bayan. Sa ating walang patid na pagtatrabaho para sa kapakanan ng mas nangangailangan, walang makapipigil sa pagginhawa ng ating bansa at ng nakakaraming Pilipino.
Muli, maraming salamat sa inyong lahat. Magandang gabi po.

No comments:

Post a Comment