PNoy Speech at the inauguration of the R1 Extension of the Manila-Cavite Toll Expressway Project


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng R1 Extension ng Manila-Cavite Toll Expressway Project
[Inihayag sa Kawit, Cavite noong ika-27 ng Abril 2011]
Mr. Noynoy AquinoTalaga naman pong masaya itong araw na ito. Napakahalaga po ng pagkakaroon ng maayos na kalsada sa ating bansa. Ito ang daan para sa paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga komunidad. Ito ang nag-uugnay sa mga magkakahiwalay na pook para mapabilis ang mga paglalakbay. Nakataya dito kung magiging maaliwalas at madali para sa mga pasahero ang pag-uwi sa kanilang mga pamilya at pagluwas para naman sa paghahanap-buhay. Malaking tulong din po ito para sa mga negosyong nakadepende sa bilis ng transportasyon ng mga produkto ang paglago ng kanilang puhunan. Kaya naman isa sa mga prayoridad ng ating gobyerno ang pagkukumpuni ng mga kalsada, para sa maayos na kabuhayan ng ating mamamayan at sa paglago ng ating ekonomiya.
Buo po ang suporta ng ating gobyerno sa proyektong pinapasinayaan natin ngayon—ang R-1 Expressway Extension Project na bahagi ng Manila Cavite Toll Expressway Project (MCTEP). Nagpapasalamat po tayo sa Philippine Reclamation Authority sa Cavite, at sa iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsisikap nilang matapos ang proyekto. Ang daan pong ito ang siyang magtutulay sa kasalukuyang R1 Expressway o Coastal Road sa Zapote, Las Piñas City, patungong Kawit at Noveleta.
Mahigit dalawampu’t limang kilometro po ang haba ng MCTEP, na saklaw ang tatlong magkakahiwalay na mga expressway. Pinag-uugnay nito ang Maynila at Cavite, na kapwa sentro ng komersyo sa Pilipinas. Kaya naman ang mga taga-Caviteng nangungupahan pa sa Maynila, na minsan sa isang linggo lamang nakakauwi sa kanilang mga asawa at anak, ay maaari nang makapiling ang pamilya nila araw-araw. Hindi na alintana ang mahabang biyahe o mahal na upa. Kung dati ay nalulugi ang mga negosyante dahil naiipit ang kanilang produkto sa buhol-buhol na trapik, ngayon ay mabilis nang aarangkada ang mga kalakal mula at patungong Bacoor, Kawit, at Cavite Export Zone. Malinaw po ang punto ko: bukod sa mabilis na paglalakbay, lunsaran ito ng mas maginhawang pamumuhay para sa mga Pilipino: de-kalidad na daanan para sa mga biyahero, at mauunlad na negosyong magdudulot ng mga trabaho.
Sa mga residente ng Cavite at iba pang magagawi dito, malaki po ang igagaan ng inyong pagbiyahe. Halimbawa na lang ang biyaheng Coastal Airport papuntang Kawit. Kung dati inaabot kayo ng lampas dalawang oras—masuwerte na ang isang oras—sa biyahe, aabutin na lamang kayo ng halos dalawampung minuto sa bagong expressway nating ito. Samantala, kapag nasa Zapote ka naman at tutungong Kawit, ang dating inaabot ng halos isa’t kalahating oras ay babaybayin mo na lamang sa loob ng sampu hanggang labinlimang minuto—ang ganda hong palkinggan! Ang oras na dati ay nasasayang sa loob ng sasakyan ay mailalaan na ninyo sa mas mahahalagang bagay: dagdag na oras upang makapiling ang pamilya, maging produktibo, at makapagpahinga. Sa tulong din po nito, baka po ang Filipino Time, o ang kultura na laging nahuhuli sa oras ang Pilipino, ay tuluyan na nating maiwasan.
Alam po nating hindi overnight tinapos ang proyektong ito. Batid nating inaabot ng siyam-siyam ang pagbuo ng malakihang proyektong tulad nito. Tila ba ang pag-usad sa pagkuha ng mga lisensiya at pag-apruba ng mga permit ay mas mabagal pa sa pinakamahinang pagong. Kaya naman, sa tulong ng ating economic team at pakikipag-ugnayan sa NEDA, paiikliin at gagawin nating mas malinaw ang mga proseso nito. Sa ganitong paraan, mas mahihikayat nating pumasok ang mga negosyante sa bansa, mas mapaparami pa ang trabaho, at mas mapapabilis ang pag-angat ng estado ng mga Pilipino.
Patuloy pa po nating pinagbubuti ang kondisyon at daloy ng ating transportasyon. Sa katunayan, nag-utos na po si Secretary Jesse Robredo na mag-imbentaryo ng lahat ng mga daan natin, mapa-munisipal man o mapa-probinsyal, upang matulungan at masuportahan ang planong pangkaunlaran ng mga LGUs. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maayos na basehan sa pagbibigay prayoridad at tulong sa pagkukumpuni ng ating local road network, mas mabibigyan ng karampatang tulong ang mga nangangailangang LGUs. Mayroon pa po tayong dalawang road rehabilitation project na ilulunsad sa taong ito sa pangunguna ng DPWH: ang Ternate-Nasugbu Road at ang Molino-Bacoor Boulevard. Bukod pa rito, buong-pagsusumikap ding isinasakatuparan ni Kalihim Babes Singson ang hangarin niyang maisaayos ang lahat ng ating national roads bago matapos ang ating termino. Ibig sabihin na po noon konkreto na ang lahat ng national roads.
Anumang programa ang itaguyod natin, maigi po nating sinusuri at hinihimay ang bawat detalye nito upang matiyak na hindi dehado si Juan dela Cruz. Puspusan po ang pagpupursigi nating maghatid ng mga proyektong kapaki-pakinabang sa lahat ng mga Pilipino. Sa katunayan, inaasahan nating matapos ang bidding process ng Privatization of MRT 3 Operations and Maintenance bago mag-Hulyo ng taong ito, nang sa gayon ay makapaghatid na ito ng mas mainam na transportasyon at epektibong serbisyo sa taumbayan sa lalong madaling panahon.
Tapos na po ang panahon ng “puwede na ‘yan.” Sinusugpo na natin ang mga katiwalian sa mga proyekto; ibinabasura na natin ang mga bitak-bitak at tagpi-tagping mga plano. Itinatakwil na natin ang liku-likong mga pangangatwiran, na dinadala lamang ang pera ng bayan sa kung saan-saan. Tanda itong hindi tayo nandadaya, at hindi tayo padadaya.
Hindi po magwawakas dito ang paghahatid natin ng mga repormang kapaki-pakinabang. Ipagpapatuloy natin ito sa maayos at marangal na paraan. Kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno, ang pribadong sektor at ang sambayanan, isasagawa natin ang mga pagbabago nang walang perang nilulustay. Hindi tayo magpapakaladkad sa mga latak ng nakaraan. Sa ating pagsusumikap at patuloy na pagtahak sa tuwid na daan, sama-sama tayong uusad at aarangkada tungo sa maunlad at mapayapang destinasyon na ating inaasam.
Bago po ako magtapos, alam ho ninyo, ako rin naman po ay nakaranas ng traffic dito sa Cavite—traffic ho papunta, traffic ho pabalik At ito naman ho’y inaasahan kong talagang magiging malaking ginhawa. Alam ho ninyo, malapit-lapit na rin hong maumpisahan iyong pag-a-award doon sa tinatawag na NLEX-SLEX connection. Isipin niyo, ako pong taga-Tarlac ay baka puwedeng maki-beach dito sa Cavite. Hindi na masyadong problemang bumiyahe mula Tarlac hanggang Cavite. Nandiyan na po ‘yung Cavite-Laguna, o CALA, na kalsadang pinaplano at malapit-lapit na rin ho tayo sigurong matatapos sa feasibility studies para ma-i-award na rin po iyan. Mayroon pa hong LRT South. Talaga naman po kayong dito sa Cavite ay napaka-lucky n’yo. Pati ho iyong Sangley ay mukhang magiging airport na rin ho—‘yung private ang iniisip. Congested na po kasi iyong NAIA. Kailangan na po natin ng landing na espasyo doon.
Pero ganoon pa man din ho, palagay ko sila rin ang matutuwa na mas madali na po makatikim ng—ano iyong ibinibigay mo, Jun, na chips?—tahong chips! Na sasabayan pa ng Amadeo coffee.
Pero, simple lang po naman iyan e. Marami po tayong pangangailangan. Tiyak, pinagtulungan natin, ginawa natin nang maayos at matino. Hindi na ho magtatagal, matatapos ang karamihan ng pangangailangan natin.
Magandang araw po, maraming salamat sa inyong lahat

No comments:

Post a Comment