Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
Nang magsimula po tayo sa panunungkulan, nang sinamahan ninyo ako sa pagbagtas sa tuwid na daan, madalas ko pong sinasabi: Puwede na muli tayong mangarap. Ang tanong marahil ng ilan: Sa dinatnan nating sitwasyon, sa pinagdaanan natin sa mga nakalipas na taon, hindi ba’t ang iminumungkahi nito ay panaginip ng gising? Sa isang banda, naiintindihan ko po sila. Sa mga hinarap na madidilim na kabanata ng ating bansa, para bang suntok sa buwan na lamang ang mapanghawakan ang liwanag ng pansarili at pambansang kaunlaran.
Ngunit wala po tayong plano na paasahin lamang ang taumbayan. Kapag nagbitiw tayo ng salita, pinapantayan natin ito ng gawa. Simple lang naman po ang hangarin natin: na ang bawat Pilipino, kapag mayroon silang pangarap, mayroon din silang sapat na lakas at kakayahan upang maabot at marating ang mga pangarap na ito. Hahawakan nila ang sarili nilang mga tadhana, maaaruga nila ang kanilang pamilya, at magkakaroon ang bawat Juan at Juana Dela Cruz ng kapasidad upang mas makatulong sa kapwa at sa bayan. Ito na nga po ang ating tinatrabaho: ang makamit ang kaunlaran nang mayroong pantay-pantay na pagkakataon sa bawat isa.
Ito pong pagturn-over natin ng Banana Chips Processing Facility sa Baluntay Women’s Association (BAWA) ay isang tagumpay, hindi lamang para sa inyong mga taga-Sarangani, hindi lamang para sa mga ahensiyang tumulong sa inyong maipagawa ito, ngunit para rin sa lahat ng Pilipino. Isang kongkretong patunay ito sa kasabihang kapag mayroon kang itinanim, talaga namang mayroon kang aanihin. Nagtanim kayo ng pangarap, diniligan ninyo ng pawis at panahon, at nagbunga na nga po ito ng magandang pagkakataon.
The banana industry is an integral part of our economy. The Philippines is actually the third largest exporter of bananas in the world; and we are the only Asian country in the top five. In 2009, we were able to export 1.664 million metric tons of Cavendish bananas worth more than 344 million dollars. This is proof that we are capable of competing with other developed countries, and it is just right that we take advantage of this so that we may give the Filipino people more opportunities to make a living.
Ang maganda pa nito, kapag iprinoseso natin ang mga saging na Cardaba, at idinaan sa pasilidad upang gawing banana chips at banana pretzels, na ubod po ng sarap, tumataas po ang halaga nito. Hindi lamang natin itinataas ang kaledad ng ating mga produkto, naiaangat din natin ang kita ng ating mga manggagawa. Sa kasalukuyan, nakakagawa ang BAWA ng halos 12,500 kilos ng banana chips taon-taon, na nagkakahalaga ng lampas 300,000 piso. Sa pagbubukas ng pasilidad na ito, maaari pang tumaas ang produksyon ninyo sa halos 50,000 na kilos bawat taon, na aabot sa humigit-kumulang 1.4 milyong piso. Mahigit isang milyong piso po kada taon ang maidadagdag nito para sa inyo. Lahat nang ito ay pagmumulan ng dagdag na pagkain sa mesa, dagdag na matrikula at baon para sa inyong mga anak, dagdag na puhunan para sa kinabukasan ng inyong pamilya. Malaki ang potensiyal nitong lumago, kaya po hinihikayat ko kayong bantayan at pangalagaan ito. Hindi na rin po ako magugulat kung sa susunod baka naman may isang banana ketchup processing facility naman ang pasinayaan dito sa Sarangani.
The United States Agency for International Development – Growth Equity in Mindanao (USAID-GEM) has been a valuable partner in community development. On behalf of the Filipino people, I thank the USAID-GEM and the United Nations Development Programme – Action for Cooperation and Trust (UNDP-ACT) for Peace Program, both of whom have helped us in responding to many of your needs and concerns.
Panahon na para bigyang-lakas ang mga komunidad dito sa Mindanao. Panahon na upang pagtuunan ng kaukulang pansin ang mga kababaihan. At lahat po ng inihahain natin ngayon ay hindi po panandaliang solusyon sa inyong mga problema. Malinaw naman po ito sa proyektong inaabot natin ngayon: hindi PO ito limos. Hindi pagkain na iaabot sa inyo at isusubo niyo na lamang. Bagkus, itong pasilidad ang magiging kasangkapan ninyo sa pag-unlad. Nasa mga kamay ninyo ito, at hawak ninyo ang pagbibigay direksyon sa inyong kapalaran. Alam kong marami sa inyo sa BAWA ay mga asawa o anak ng mga dating miyembro ng MNLF. Maging halimbawa nawa ang proyektong ito upang mas guminhawa ang inyong mga buhay nang hindi kinakailangang umasa sa karahasan.
Upang makaagapay sa mga naghihikahos na pamilya, naglabas din po tayo ng malaking pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nitong Marso, lumampas na sa isa’t kalahating milyong pamilya ang naitalang nakikinabang mula rito. Alam po niyo, one milyon lang noong isang taon ang miyembro, 1.5 million families na po ang nailagay natin. Ang natitira pang mga benepisyaryo, mula sa 2.3 milyon nating mga pamilyang target sa taong ito, ay layon naman nating maiparehistro pagpatak ng Mayo. At muli, hindi po ito hulog ng langit na basta-basta na lamang lalapag sa kanilang harapan. May ilang kondisyong kaakibat sa pagtanggap ninyo dito: papasukin sa eskuwela ang anak; magpapacheck-up ang mga buntis na nanay; pabakunahan ang mga sanggol. Ginagawa po natin ito para maghatid ng pangmatagalang solusyon sa pangunahin nilang mga pangangailangan. Binibigyang-lakas kayo ng pamahalaan, kaya’t samantalahin ninyo ang pagkakataong ito para sa mas maginhawa ninyong kinabukasan.
Ito rin po ang ating layunin kung bakit natin itinutulak ang postponement ng ARMM elections. Ayaw naman po nating pabalik-balik ang problema. Mas lalong hindi tayo umaasa lang sa tsamba, kaya masusi po nating pinag-aralan ito. Alam nating may palpak sa sistema, alam nating may bulok sa pamamalakad, kaya nililinis natin ang proseso at nagpupunla tayo ng pagkakataon para sa pagbabago.
Narito na ang bagong pagkakataon para sa inyo, pitasin na ninyo ito. At kasabay nito, bantayan ninyo, alagaan ninyo, patubuin ninyo nang may maipunlang mas magandang kinabukasan para sa inyong lahat, sa inyong mga pamilya, at sa inyong mga komunidad. Makakaasa po kayong umulan man o umaraw, gagabayan kayo ng liwanag ng atin pong gobyerno.
Ipadayon nato ang pagsubay sa tul-id nga dalan, ngadto sa katumanan sa atong mga pangandoy. Sana ho’y nagkaintindan tayo. [Laughter]
Maraming salamat. Mabuhay po kayong lahat.
No comments:
Post a Comment