Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Noong pagtatapos ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, 2011
[Inihayag sa UP Amphitheatre , Diliman, Quezon City noong ika-17 ng Abril 2011]
Tatay ko na nga po ang minsang nagsabi: Iisa lang talaga ang pamantasan sa Pilipinas—UP lang raw po, wala nang iba. [Applause]
Bata pa po kami ng aking mga kapatid, iyan na ang bukambibig ng aking ama. Heto nga po ang isang kuwento:
Tinanong ng tatay ko ang panganay naming si Ballsy: “Saan mo gustong mag-aral, iha?”nang siya’y papasok sa kolehiyo.
Ang sagot, “Dad, gusto kong sundan ang mga yapak mo. Gusto ko sa UP.”
Sagot ng tatay ko: “Maganda ‘yan.” At pagkatapos po, paglabas po ng aking ate sa kuwarto, kinausap agad ng aking tatay ang aking ina: “I-enroll mo na ‘yan sa Assumption.”
Sa totoo lang po ako po ay medyo mas bata pa noong mga panahon na iyon. Nanonood malamang ng cartoons, napalingon sa naguusap kong magulang at nagtaka: Ano kaya iyong dialogue na iyon?
Hindi ko naman po masisisi ang aking ama kung nagkaroon siya noon ng agam-agam. Natural lang naman pong mag-alala ang isang ama sa kanyang anak, lalo na’t matagal nang nakakabit sa UP ang imahen nito bilang pugad at kanlungan ng mga malayang isip. Hindi magiging UP ang pamantasang ito kung wala ang kultura ng aktibong pagmamasid at pagbabantay sa karapatan ng bayan. Ang tagumpay ng UP ay nagbubukal, hindi lamang sa mataas na kalidad ng edukasyon, kundi dahil sa kalayaang hawak ng mga Iskolar ng Bayan na magpahayag ng kanilang opinyon at pananaw sa kinabibilangan nilang lipunan.
Ilang beses na rin bang UP ang naglantad ng mga palpak na desisyon ng nakaraang administrasyon? Kung maaalala ninyo, hinimay ng UP Law Center noong 2005 ang kuwestyonableng kontrata ng Northrail project. Siniyasat at pinag-aralan nila ito, at dahil sa tulong nila, nabigyan tayo ng pagkakataon na muling pag-aralan ang kontrata ng Northrail. Iisa rin po ang pananaw natin pagdating sa pangongopya o paggamit sa anumang akda na walang pahintulot o wastong pagkilala sa tunay na may-ari nito. Hindi porket nasa taas ka, puwede mo nang baluktutin at angkinin ang gawa ng ibang tao.
Wala naman po siguro ditong magdududa na ang UP, pinaka-dalubhasa sa napakaraming larangan. Sa puntong ito, nais ko na rin pong magpasalamat sa iginawad na titulong Doctor of Laws sa akin ng UP. At aabutin pa po tayo ng siyam-siyam kung iisa-isahin natin ang matatagumpay ninyong alumni. Halimbawa na si Supreme Court Justice Meilou Sereno, at bagong Commission on Audit Chairperson Grace Tan na parehong mula sa College of Law, at si Heidi Mendoza na proud alumna naman ng NCPAG [National College of Public Adminstration and Governance]. Nariyan sila para ituwid ang baluktot, itama ang mali at tumulong upang maabot ang minimithi nating kinabukasan: Isang kinabukasan kung saan kung may pangarap ka, maaari kang magtrabaho tungo sa katuparan nito. Isang lipunan kung saan, nagbukas ka ng ilaw, may kuryente; nagbukas ka ng gripo, may aagos na tubig; nagbukas ka ng wallet, may laman itong salapi na pinagpaguran mo nang marangal, at hindi mo kinailangang magsanla ng prinsipyo para makamit.
Ngayong araw, kabilang na kayo, at ang summa cum laude ninyong si John Gabriel Pelias, sa hanay ng mga Isko na magkakaroon ng pagkakataong baguhin ang sistema mula sa loob. Kay John: Napatunayan mo nang kaya mong lampasan ang anumang pagsubok. Tiwala akong marami ka pang makakamit na tagumpay, lalo pa ngayong gumagawa na tayo ng paraan para baguhin ang situwasyong kinakaharap ng Pilipino.
Marami nang nagaganap, kaya minsan nadidismaya ako na hindi umaabot sa inyo ang magagandang balita. Huwag na po sana ninyong masamain kung gagamitin ko ang pagkakataong ito upang bawasan ang negatibismo.
Nagkalat na rin lang naman po ang mga puno ng acasia dito, simulan na natin ang good news sa ating kapaligiran. Nitong huli ko rin lang po naintindihan kung bakit sa pagkatagal-tagal ng Clean Air Act, siya pa ring sama ng kalagayan pagdating sa polusyon. ‘Yung mga science major po, malamang alam ito: ang dumi sa hangin, nasusukat sa total suspended particulates. Tama ho ba? Ang UN standard po, 90 micrograms per cubic meter of air. Pagpasok po natin, nasa 166 ang sukat natin dito sa Pilipinas. Bakit? Ganito pala ang nangyari. Kada makina sa emissions testing center, kayang magtest ng otsentang sasakyan lamang bawat araw. Pero LTO na rin ang nagsabi, umaabot sa tatlong daan hanggang anim na raan ang binibigyan ng certificate ng mga testing center kada araw. Sa madaling sabi, daan-daang certificate ang ina-under-the-table, kaya napakarami pa ring sasakyang nagbubuga ng maitim na usok ang lumalarga sa lansangan.
Ano ang ginawa natin? Sa tulong ng DENR at LTO, ipinasara natin ang mga testing center na kasabwat sa kalokohan. Kaya sa huli ngang balita, ang suspended particulates natin sa hangin nitong Pebrero, bumaba na sa 120 micrograms per cubic meter. Simple lang po ang solusiyon. Hindi natin hihintayin iyong punong tumubo, dahil matatagalan iyon. Pero iyon namang tiwali, isara na natin. Hindi po natin tinawag si Captain Planet para solusyonan ito. [Laughter]
‘Di po ba’t kapag may nakikitang binabakbak na mga daan, agad na naiisip ng tao ay pinagkakakitaan ito ng mga nasa ahensya ng gobyerno? Buti na lang, produkto rin ng Peyups si DPWH Secretary Babes Singson. Ang utos ninyong mga Boss sa kanya, ayusin mo naman ang sistema. Ang ginawa ni Babes, binuklat lahat ng kontrata, at ang mga maanumalya, ipinarebid niya. Ang resulta: 1.3 billion pesos na ang nailigtas mula sa tiyak na pagkakanakaw, na maaari pang umabot sa anim hangga’t pitong bilyong piso para sa buong taon. Itinututok na niya ito ngayon sa mga serbisyong pakikinabangan talaga ng amin pong mga Boss.
Sa edukasyon naman po, dahil alam nating sa elementarya nabubuo ang mga batayang kaisipan na humuhubog sa estudyante, pinalaki natin ang budget ng basic education, mula 175 billion noong nakaraang taon, paakyat sa 207.3 billion pesos ngayong 2011.
Dahil din sa marami nating kababayang naghihikahos, binuhusan natin ng pondo ang Conditional Cash Transfer (CCT) program. Noong isang taon po, isang milyong pamilya ang benepisyaryo nito. Ang panata natin, bago matapos itong taon na ito, aakyat ang bilang na iyan sa 2.3 million na pamilya. Ito po ang magandang balita: sa diperensya pong 1.3 million na pamilya na idadagdag para sa 2011, nasa 500,000 na ang naidagdag natin. Way ahead of schedule po tayo dito, dahil na rin sa pangunguna ni DSWD Secretary Dinky Soliman, na isa ring proud alumna ng UP.
Lilinawin ko lang po na ang kundisyon naman ng CCT ay hindi “iboto mo si ganito sa susunod na eleksyon.” Ang mga kondisyon: papasukin sa eskuwela ang anak; magpacheck-up ang mga buntis na nanay; at pabakunahan ang mga sanggol. Wala namang talo dito, di po ba?
Naaalala ko tuloy ang batang nakilala ko sa Baseco. Talagang nakapinta sa mukha niya ang hinagpis. Papaano po ba naman, labing-anim na taon lang pala siya, dalawa na ang naging anak niya. Paano niya papakainin ang mga bata, paano paaaralin, gayong wala silang trabaho ng kanyang asawa?
Sino po ba ang nagkulang? Sino ang nagtulak sa kanila sa ganitong situwasyon? Paano nabagsak sa kanilang mga balikat ang ganitong pananagutan? At ang pinakamahalagang tanong: Ano ba ang aking magagawa?
Buo ang loob ko na maisabatas ang prinsipyo ng Responsible Parenthood. [Applause]
Mulat ako na may mga tutol dito. Subalit obligasyon ko bilang pinuno na lumapit sa lahat ng sektor, para kausapin at magpaliwanag sa kanila nang mahinahon—kahit pa ang sabi ng iba’y dapat i-excommunicate na ako. Kailangan po nating pakinggan maski na ang mga taong, sa pananaw ng marami, ay sarado na ang isipan. Pero sa huli, kailangan kong magdesisyon. Kailangan ko pa ring sundin ang aking kunsensiya. Kailangan kong gawin ang tama.
Kung sa paninindigan lang po, hindi nagkukulang ang Peyups. Kaya nga senador pa lang ako ay bumoto na ako para sa pag-amyenda ng UP Charter. Nagbigay ito sa inyo ng awtoridad na i-retain ang kita ninyo, kasama na ang kita mula sa lote ninyong nakatengga sa may Commonwealth. Kung dati, tinutubuan lang ng talahib, ngayon bukod sa nagdadagdag ng kita sa inyong pamantasan, ay nagbibigay pa ito ng trabaho sa napakaraming Pilipino. Pasalamatan ko po si Senador Angara, si Senador Escudero, at marami pang graduate ng UP na ipinaalala sa aking tulungan ang UP.
Mahirap po ang tungkuling magpasok ng reporma, dahil malalim pa sa mga ugat ng puno sa Sunken Garden ang pagkakabaon ng mga latak ng lumang sistema. Pero sino naman po ba ang hindi iinit ang ulo, kung ang mismong mga dapat nagtatanggol sa karaniwang tao, ay bumabantay-salakay lang sa mga ninakaw ng makapangyarihan? Alam na po ninyo siguro kung sino ang tinutukoy ko, kaya huwag na tayong magtagal pa sa isyung ito. Isang simpleng “OMG” ang kolektibong buntong-hininga natin dito.
Simple lang ho, di ba? Nakatutok tayo sa mandato nating maghatid ng hustisya sa lahat, at sasailalim ang lahat sa patas at tapat na proseso. Walang kampo-kampo, walang parti-partido sa harap ng nakapiring na hustisya. Ngayon, kung sa tingin ng iba ay sila lang ang pinagtutuunan natin ng pagod at panahon, baka naman napapraning lang sila. Sa tingin ko po, ang tanging humahabol sa kanila, ay ang kanilang kunsensya na sa wakas ay gumising na muli.
Aaminin ko po: hindi madaling humarap sa inyo, lalo na’t tila ba may tradisyon na ang Republika ng Diliman na magbigay ng mainit at masalimuot na pagsalubong sa mga dumadalaw na opisyal ng pamahalaan. Tanggap ko naman po iyan: Minsan talaga, iba ang ating pinanggagalingan. Pero sana naman po ay iisa ang nais nating patunguhan.
Heto po para sa akin ang proseso sa loob ng isang demokrasya: Mayroon akong sa tingin ko’y magandang ideya. Ang iba naman, mayroon ding ideya, na sa tingin nila’y maganda rin, ngunit salungat kaysa sa akin. Kaya naman ang lagi kong bukambibig: Halika rito, umupo tayo, mag-usap tayo, dahil pag nagkasundo na tayo, siguradong ang resulta ay lalong mas magandang ideya na sama-sama naman nating ipapatupad.
Magtapatan po tayo: May mga isyung umaantala sa paglago ng ating lipunan, at hindi ko naman po masisi ang lahat ng nag-aalburoto dahil dito. Pero sana naman po ay malinaw sa inyo: Anumang landas ang tahakin ng aking administrasyon, hindi naman sarili ang iniintindi namin. Mabigat po ang aming trabaho, pero ginagawa namin ito nang bukas ang puso at isip. Ginagawa namin ito nang hindi nagnanakaw. Wala kaming ibang iniintindi kundi kung paano mag-iwan ng isang Pilipinas na hindi na sinlaki ang problema ng dinatnan namin, ang mga balakid, sa tuluyang pag-unlad.
Ako naman po ay hindi dito nag-aral. Pero malinaw pa sa alaala ko ang mga sinabi sa akin ng aking ama: UP ang tumulong humubog sa kanyang mga prinsipyo, sa kung paano siya mag-isip, at sa kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na manindigan. Nagdurusa ang Pilipino noong mga panahong iyon. Maaari naman siyang nanahimik na lang sa Boston. Pero ang sabi niya, and I quote, “I hear my motherland crying.” Hindi siya umuwi nang dahil sa paghahangad sa kapangyarihan; umuwi siya dahil gusto niyang maging bahagi ng solusyon.
Ang hirap tanggapin na ang isang tao na napakadalisay ng hangarin ay parang karne na ibinagsak sa tarmac at ibinalibag sa AVSECOM van. Mas lalong mahirap tanggapin, na sa kabila ng kanyang sakripisyo at ng marami pang tulad niya, ay kung walang mangyayaring pagbabago. Ang araw-araw pong nasa isip ko, mula nang paslangin ang aking ama: Kung hindi ako magiging bahagi ng solusyon, parang walang-kuwenta na rin siguro ang buhay ko.
Nandito na po tayo ngayon, maaaring dahil sa tadhana, pero higit sa lahat dahil sa ating mga naging desisyon sa buhay. Kayo naman, mga magtatapos ngayon, ay may pagkakataon nang magdesisyon sa kung saan natin nais tumungo bilang isang bansa. Maaari nating piliing magpamana ng isang lipunang maihahalintulad sa isang Jeep UP Ikot—umiikot lamang sa di-nagbabagong ruta habang ang mga pasahero nito ay walang ibang nararating kundi ang nakasanayang kanto ng pagdurusa. O maaari nating piliin na kumpunihin ang kinakalawang na mekanismo ng minana nating lipunan; magdesisyon tayong lumihis sa pabalik-balik na sistema ng pagtitiis, upang sama-sama tayong umarangkada tungo sa kaunlaran. Hinihikayat ko po ang lahat: Maging bahagi tayo ng solusyon. Samahan ninyo kami, nang mapabilis ang pagdating natin sa minimithing paroroonan.
Hiling ko lang po sa inyong mga Isko at Iska: Habang umaaksyon kami at humahakbang sa pagkukumpuni sa pamahalaan, maisabuhay din sana ninyo ang inyong mga obligasyon bilang mga Iskolar ng Bayan. Malaki po ang inaasahan mula sa inyo. Masuklian po sana nang husto ang ipinuhunan sa inyo ng taumbayan.
Ang tanong ngayon: kung nasa mataas na pusisyon na kayo, maalala kaya ninyo ang mga slogan na inihiyaw ninyo habang bumoboycott ng klase? Kung puwede mong ilusot sa kalaboso ang brod, sis, o ka-org mong nagkasala naman talaga, ilulusot mo kaya? Kung kumikita ka na ng limpak-limpak na salapi sa ibang bansa, maisip mo pa kayang umuwi? Manatili kayang bulwagan ng dangal ang inyong mga puso, lalo na kung may mga uma-under the table na sa inyo, at kung hinahabol na ninyo ang quota ng pinagtatrabahuhan ninyong mga kumpanya?
Tandaan na po sana natin, na tulad naming mga nasa gobyerno, nandito kayo dahil sa taumbayan—para sa taumbayan. Utang ng loob ninyo sa Pilipino ang karangalang mag-aral at magtapos sa Unibersidad ng Pilipinas. Balang araw, haharap kayo sa napakaraming bulong at tukso. Sa araw na iyon, sana maalala ninyo ang hamon ng isang nakatatandang Atenistang nasa harapan ninyo. [Laughter] Patuloy po sana ninyong dalhin nang taas-noo ang pangalan ng inyong pamantasan: ang Unibersidad ng Pilipinas.
Sa mga Isko at Iska na kinupkop at hinubog ng UP: congratulations. Inaabangan na kayo ng inyong Bayan.
Salamat sa pakikinig, at magandang araw po sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment