Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Noong siya ay nanguna sa pakikilahok sa programang “Ehersisyong pangkalusugan para sa lahat” ng Kagawaran ng Kalusugan
[Inihayag sa Quezon Memorial Circle, Quezon City noong ika-15 ng Mayo, 2011]
Binabati ko po ang Department of Health, sa pangunguna ni Kalihim Ona sa inisyatibang ito na pangalagaan ang atin pong kalusugan. Talaga naman pong hindi ako makatanggi kapag nanggaling ang imbitasyon kay Secretary Ona.
Alam ho ninyo, [...] si Secretary Ona po, pansinin po ninyo, parating palangiting tao. At pag mayroon pong mga issue sa kalusugan sa atin pong bansa, bago ko pa siya matanong, inaksyunan na niya, ginagawa na po ‘yung solusyon. Kadalasan po, pag nagkita kami, bahagya lang iyong bad news na dala niya, karamihan po good news, puwede ho ba nating palakpakan si Secretary Ona? [Applause] Mayroon ho kasi akong ibang Secretary ho, kada makita ko, puro bad news ang dala. [Laughter]
Sinikap ko din pong makilahok sa programang ito upang makasama ang ating mga kababayan sa makabuluhang gawaing ito. Patunay ang pagtitipong ito sa pagkakaisa natin na sama-samang mag-ehersisyo, magsaya, at buong-pagmamalaking marating ang finish line. Sana po, maabot natin sa lalong madaling panahon.
Ang kalusugan po ay isang kayamanan na dapat nating bigyang-halaga, at isang paraan po ang regular na pag-eehersisyo para pangalagaan ito. Ayon sa mga pag-aaral, malaki po ang maitutulong ng pag-eehersisyo upang maiwasan natin ang Non-Communicable Diseases o NCD, tulad ng cardiovascular diseases, hypertension, at diabetes, na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay sa buong mundo. Maraming Pilipino po ang nalalagay sa peligro ang kalusugan dahil sa mga NCD, na dulot ng hindi pag-eehersisyo at hindi ho tamang pagkain. Kaya naman seryoso po tayo sa pagtutulak ng mga programa tulad ng isinasagawa natin ngayon.
Prayoridad din po ng ating gobyerno na tutukan ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa serbisyong pangkalusugan sa bansa, lalo pa’t ang sinasabing apatnapung porsyento ng mga Pilipino ay hindi man lang nakakaranas ng serbisyo ng isang health professional. Sa pamamagitan ng pagsusulong ng universal healthcare, sa halagang isandaang piso kada buwan, makakamit na ng mahihirap nating kababayan ang mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan. Sa pamamagitan naman ng RN HEALS Program ng DOH, halos sampung libong nurses na ang naitalaga natin sa mga lugar na sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Hiling ko lang po, marami din po sanang nurse ngayon ang nandito, para maalalayan ang mga kakapusin ng lakas sa sa mga darating na ehersisyo
Wala pang isang taon, nasaksihan na po natin ang magagandang resulta ng ating mga inilalatag na reporma. Patuloy po tayong naghahanap ng mga solusyon para malutas ang mga suliraning ating dinatnan. Kakailanganin natin ang isang malusog at matatag na sambayanan upang mapabilis ang atin pong pag-unlad. Handa na pong umarangkada muli ang ating bansa tungo sa finish line kung saan ang lahat ng Pilipino ay panalo, masigla, at masagana.
Maraming salamat po at magandang araw po sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment