Pahayag ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa pagkakapanalo ni Manny Pacquiao laban kay Shane Mosley
[Ika-8 ng Mayo 2011, Jakarta]
Kasama ko ang sambayanang Pilipino na taos-pusong bumabati kay Manny Pacquiao sa kanyang panibagong tagumpay laban kay “Sugar” Shane Mosley sa Las Vegas, Nevada, USA.
Sa kaniyang pagdepensa sa WBO world welterweight belt, hindi lamang ang likas na tatag, lakas at tapang ng mga Pinoy ang muling ibinandila ng ating Pambansang kamao sa buong mundo. Bagkus, ipinamalas din niya ang disiplina, determinasyon at tunay na galing ng mga Pilipino.
Higit pa itong pinatingkad nang pinili niyang magsuot ng dilaw na boxing gloves, na sumasagisag sa pakikiisa ni Manny sa ating laban kontra kahirapan. Sa kabila ng kaniyang tagumpay, hindi kinakalimutan ni Manny na lumingon at ibangon ang mga kababayan niyang pinabagsak ng mga suliranin. Mulat siyang may mga laban na hindi natatapos sa loob ng ring— na may obligasyon siya para sa Inang bayan, kung saan malasakit at mahusay na serbisyo sa kapwa ang pangunahin niyang sandata.
Walang dudang isang bayani si Manny Pacquiao: ang Pound for pound King na patuloy na naghahatid ng papuri sa bansang Pilipinas, at bumubuhay sa diwa at dangal ng lahing Pilipino.
No comments:
Post a Comment