PNoy Speech at the La Salle Centennial opening celebration


Talumpati
ni
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagbubukas ng pagdiriwang para sa ika-100 anibersaryo ng Pamantasang De La Salle
[Inihayag sa De La Salle University, Taft Avenue, Manila noong ika-16 ng Hunyo 2011]
Batid naman po ng marami sa atin na isa po akong Atenista. At kahit sino naman po sigurong Blue Eagle ang dumayo sa lugar ng mga Green Archers, hindi po siguro mawawala ang konting kaba. Sa kabila po nito, hindi po ako nagdalawang-isip na paunlakan ang inyong paanyaya dahil alam kong nagtapos man ako sa isang pamantasan sa may Katipunan, asul man ang nananalaytay sa aking dugo, at mahirapan man pong maghanap ng parking space ang aking convoy, hindi ko mapapalampas ang pagkakataon na makasama ang buong komunidad ng mga Lasalista, upang sabayan kayong magdiwang at sumigaw ng “Animo La Salle!” sa inyong sentenaryo.
Sa loob ng isandaang taon, nagsilbing lunsaran ng husay at talino ang De La Salle University. Patuloy ninyong hinuhubog ang maraming Pilipino upang magtagumpay, hindi lamang sa kanilang piniling propesyon at sa iba’t ibang larangan, kundi sa anumang hamon na maaari nilang makaharap sa buhay. Ang mahabang tradisyon ng mataas na kalidad ng edukasyon mula sa DLSU ay nagbubukal sa inyong hangarin na paglingkuran ang kapwa at mag-ambag para sa kapakanan ng bansa. Kaya naman ngayon, marami sa ating mga kabalikat sa pagtitimon ng bayan ay produkto ng La Salle. Andiyan na nga po ang ating Kalihim ng Edukasyon, Brother Armin Luistro, na talagang hinugot natin mula sa pagiging University President dahil alam nating mapapakinabangan ng mas maraming Pilipino ang mga inobasyon at repormang ginawa niya sa DLSU.  Kayo rin po ang humubog kina Justice Secretary Leila De Lima, Spokesperson Edwin Lacierda, Agrarian Reform Secretary Gil delos Reyes, Tourism Secretary Alberto Lim, Finance Secretary Cesar Purisima, DILG Secretary Jesse Robredo, at ang Director-General ng NEDA na si Cayetano Paderanga, Jr. Marami pa pong taga-La Salle ang naglilingkod sa bayan, at ipagpaumanhin po ninyo kung hindi ko na sila mababanggit isa-isa; aabot po ng ilang pahina ang listahan ng kanilang mga pangalan, at kung kailangan talaga ninyo, bibigyan na lang namin po kayo ng kopya mamaya. Patunay lamang ang mahabang hanay ng inyong magigiting na alumni sa hindi matatawarang dedikasyon na ibinubuhos ng De La Salle University para gabayan ang Lasalista tungo sa mas maunlad at kapaki-pakinabang na kinabukasan.
Mulat ako sa tapang ng DLSU, lalo na ang mga De La Salle Brothers nang nanindigan kayo para sa pagbibitiw ni Ginang Arroyo bunsod ng Hello Garci scandal. Pinukol man kayo ng kaliwa’t kanang akusasyon; kinuwestiyon man ng ilang grupo, maging ng iba’t ibang religious order ang inyong posisyon; hindi kayo nagpatinag; hindi kayo nagpahila sa agos ng takot o pangamba. Nanalig at lumaban kayo dahil alam ninyong tama ang inyong ipinaglalaban, at mali—kahit saang anggulo pa tignan—ang pakikikuntsaba at panlalamang para imani-obra ang resulta ng halalan, lalo pa kung ang mismong akusado ay ang Pangulo ng bansa. Nagsitakbuhan na po ang lahat dahil sa takot, ngunit ang De La Salle Brothers, hindi bumaliktad, at hindi tumigil sa paglalahad ng tunay na sentimyento ng bayan.
Ganito rin ang nangyari nang lumantad sa publiko ang isang mamang may pangalan na Jun Lozada. Nang naglakas-loob siyang tumestigo at isiwalat ang mga katiwalian ng NBN-ZTE deal, sunod-sunod ang naging banta sa buhay niya at sa kaniyang buong pamilya. At nang humingi siya ng saklolo, mabilis pa sa alas-singko ang pagsasara ng mga bintana, at pagkandado ng mga pinto. Nang magkagipitan na, iniwan po sa ere si Jun Lozada. Ang tanging may tapang na magbukas ng pinto at kumupkop kay Jun at sa kaniyang pamilya ay walang iba kundi ang De La Salle Brothers. Kapag bayan na ang nakataya, hindi natatakot sumugal ang mga Lasalyano (tama nga ba ang Lasalyano?).
Kaya naman gagamitin ko na rin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang La Salle na nagsilbing sandigan ng aking Ina at ng aming pamilya sa di-na-mabilang na pagkakataon. Salamat sa pagkandili ninyo sa NAMFREL sa St. Benilde Gym mula pa nooong 1984 upang matiyak na ang tunay na boses ng taumbayan ang lalabas sa mga balota, at hindi ang nilutong dagdag-bawas ng diktadurya. Higit sa lahat, maraming salamat sa inyong dasal at pakikiramay nang nagluluksa ang aming pamilya, kasama na ang buong bansa, dahil sa paglisan ng aming pinakamamahal na Ina. Dinamayan ninyo ang isang bansang nangungulila, at muling pinatuloy ang taumbayan sa St. Benilde Gym upang sa huling pagkakataon ay masilayan ang Ina ng demokrasya. Sa maliwanag o sa makulimlim man na kabanata ng aming buhay, hindi n’yo iniwang mag-isa ang aming pamilya. Kaya naman tanggapin po ninyo ang aming taos-pusong pasasalamat.
Hindi naman po makatarungan kung ang isusukli ko sa lahat ng tiwala, tapang at paninindigang ipinakita ng mga Lasallians ay kaduwagan, pananahimik, o pagbubulag-bulagan. Hindi tayo maaaring magkibit-balikat sa mga bodegang puno ng nabubulok na bigas habang may apat na milyong Pilipino ang nag-aalmusal ng buntong-hininga at naghahapunan ng kabag. Hindi ko maaatim na sabihing “hayaan na natin iyan” sa mga Heneral na gabi-gabing humihiga sa limpak-limpak na pabaon, habang ang mga sundalo at pulis ay binabangungot dahil nagsisiksikan sa isang-dipang silid ang asawa’t mga anak nila. Hindi ko puwedeng sabihing “kalimutan na natin yan” kung paikot-ikot lamang ang Mindanao sa siklo ng mala-pyudal na sistema, habang ang mga pamilya ng biktima ng Maguindanao Massacre ay hindi pa nakakaahon mula sa hukay ng nangyaring trahedya.
Nandito ako ngayon para magdulot ng reporma’t pagbabago, gaano man kahirap ang mga desisyong ito; gaano man kalaki ang makakabangga ko.
Kaya nga inuungkat na natin ang puno’t dulo nitong pag-aangkat ng doble sa kailangang bigas. Kung dati, 2.5 milyong metriko tonelada ang binibili natin mula sa ibang bansa, ngayon, 800,000 metriko tonelada na lang. Sa katunayan, 600,000 metriko tonelada lamang po ang kailangan natin, pero sinobrahan natin para lang may buffer kung sakaling may mga sakuna o di-inaasahang pangyayari. Mantakin po ninyo kung gaano karami ang nasasayang na bigas at nawawaldas na pera sa kaban ng bayan dahil sa mga gahamang opisyal.
Kaya nga tinututukan na rin natin ang mga tunay na pangangailangan ng mga sundalo’t kapulisan, sa halip na ibulsa ng mga Heneral o ipambili lamang ng tiket ng misis nila para makapaglamyerda sa kung saan-saan. Ngayong taon, makakapagpatayo na tayo ng higit sa 20,000 pabahay para sa ating magigiting na kawal at pulis. Umaasa po tayong bago matapos ang ating termino, lahat sila ay may matitirahang marangal na tahanan bilang kapalit ng kanilang sakripisyo sa bayan.
Kaya nga po, sa tulong ng ilang kaalyado natin sa Senado at Kongreso, hindi na muling magdurusa pa ang Mindanao sa mga hokus-pokus na patakaran. Dahil sabay na ang eleksiyon sa ARMM sa pambansang halalan, pinuputol na natin ang siklo ng panlalamang ng mga matagal nang nasa katungkulan, at binibigyan natin ng patas na boses ang mga taga-Mindanao para makatikim ng malinis na halalan. Napag-uusapan na rin lang po ang Mindanao, nais ko na ring magpasalamat sa Korte Suprema at pinakinggan nila ang mungkahi nating isahimpapawid ang coverage ng Maguindanao massacre. Dahil dito, masusubaybayan na ng pamilya ng mga biktima ang pag-usad ng kaso na walang dagdag na bagahe mula sa pamasaheng kakailanganin nila kung dadayo pa sila dito sa Maynila.
Pursigido ang kasalukuyang administrasyon na sumuong sa mga masusukal na anumalya at bigyang-linaw ang mga isyung sadyang itinago ng ilang dekada dahil, una, ito ang tama at nararapat na gawin; at pangalawa, wala naman pong magtutulak sa mga reporma at pagbabagong ito kundi tayo rin. Simple lang po ang punto kung bakit natin ginagawa ito: nang minarkahan ni Juan de la Cruz ang bilog na espasyo sa tabi ng aking pangalan noong eleksiyon, ipinagkatiwala niya na rin sa akin ang pangarap niya para sa kaniyang pamilya. At hangga’t nasa panig ko ang taumbayan, hindi ako gagawa ng anumang ikasisira ng tiwalang ipinagkaloob sa akin ng mga Pilipino.
Marami pang kailangang gawin at marami pang unos na kailangan nating pagdaanan. Pero hangga’t handa nating isantabi ang mga kulay na pumapagitan, at magkaisang tumindig sa ilalim ng iisa nating bandila, siguradong mas mabilis nating maaabot ang katuparan ng ating mga pangarap. Kapag ang nakataya ay ang kinabukasan at dangal ng lahing Pilipino, hindi na mahalaga kung berde o asul o pula o dilaw ang kulay na pinapanigan mo; ang mahalaga lamang ay ang pagkakaisa ninyo para sa kapakanan ng mas maraming Pilipino.
Muli’t-muli, pinatunayan ito ng De La Salle University, dahil ito ang puso ng taga-La Salle: pumipintig ayon sa liwanag at wagas na pagmamahal ng Poong Maykapal, at tumitibok para sa diwa at dangal ng lahing Pilipino.
Ulitin ko lang po: maraming, maraming salamat, at sana po, sa mga darating na araw ang Poong Maykapal ay magdulot sa inyo ng dagdag grasya pa, dahil marami pa ho tayong kailangang gawin. Maraming salamat po, at magandang araw sa inyo.

No comments:

Post a Comment