PNoy Speech on the 150th birth anniversary of Jose Rizal


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Jose Rizal
[Inihayag sa Calamba, Laguna noong ika-19 ng Hunyo 2011]
Nagsimula ang kuwento ni Rizal hindi sa kanyang kapanganakan, kundi sa mga pangarap ng kanyang mga magulang na bigyan ng maginhawang buhay ang kanilang pamilya. Bago pa man italaga sa kanila ang apelyidong Rizal, tumungo ang mag-asawang Mercado dito sa Calamba upang itaguyod ang kanilang tahanan at sakahin ang lupaing ipinaupa sa kanila ng mga Dominikano.
Gawa na rin ng pagsusumikap, naabot ng mga Mercado-Rizal ang kanilang mga mithiin. Isinilang po si Jose Protacio Rizal sa isang bahay na bato, na bibihira noong mga panahong iyon. ‘Di tulad ng marami sa ilalim ng rehimeng Kastila, lumaki siyang nakakakain ng masasarap na pagkain, nakatira sa isang tahanang hindi natatangay ng bagyo ang mga pader at bubong, at nakapag-aaral sa mga tanyag na paaralan.
Ngunit ang kanilang marangyang pamumuhay ay hindi po nagtagal. Labing-isang taong gulang si Rizal nang dakpin ang kanyang ina, palakarin ng limampung kilometro patungong Sta. Cruz, at itapon sa bilangguan. Wala po siyang naging sala, napag-initan lang ng isang alkaldeng sinasabing alipores ng mga prayle. Hindi pa dito natapos ang kalbaryo ng kanilang pamilya. Di nagtagal, nagsimula na rin ang pagsamsam ng mga prayle sa mga lupain at ilang ari-arian ng mga Mercado-Rizal.
At kung sa may-kayang pamilya, nagagawa ng mga nasa katungkulan ang ganitong kalupitan, paano pa kaya ang mga Pilipinong sa kubo lamang nakatira? O ang mga pamilyang ni hindi makapag-paaral ng kanilang mga anak? Silang mga nakuntento na sa bansag na Indio; silang yumuyukod sa pagdaan ng prayle o guwardya sibil; silang mga kayumangging nakayapak na kinukutya ng mga de-kalesang Kastila.
Marahil, ang ganitong mga sitwasyon ng kawalang-katarungan ang unang gumising sa malay at damdamin ni Jose Rizal: May mali sa lipunang kanyang kinabibilangan; may ilang nasanay na sa baluktot na utos at panlalamang ng mga nasa kapangyarihan; at may mga Pilipinong tila manhid at bulag na sa kanilang pagiging alipin at sunud-sunuran.
Humarap din sa sangandaan si Jose Rizal: sa isang banda, maaari niyang huwag pansinin ang mga nangyayari sa kaniyang paligid. Puwede niyang gamitin ang mga pinag-aralan niya sa iba’t ibang pamantasan sa Maynila at sa ibang bansa para magpayaman at maghanap ng magandang mapapangasawa. Maaari siyang magpatangay na lamang sa agos ng baluktot na sistema, at kahit pa alam niyang mali, ay makipagplastikan na lang sa mga prayle tuwing may handaan.
At sa sunud-sunod na pagharap niya sa sangandaan—mula sa pagkabinatang pinagkaitan ng ilang karangalan, hanggang sa pagkabayaning tinawag na mag-alay ng buhay para sa bayan—hindi naligaw si Rizal mula sa tuwid na daan.
Nasanay tayo na ang ipinagdiriwang ay ang araw na barilin si Rizal sa Bagumbayan. Marahil, pinakatanyag nang sagisag ng kanyang pagkabayani ang pagharap niya sa balang babaon sa kanyang dibdib. Maaari siyang naglupasay o lumuhod, ngunit hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, buong-tapang siyang nagpamalas ng paninindigan.
Sa harap ng sinasagisag ng kanyang pagkabitay, madaling matabunan ang marami pang ibang pagpapasyang ginawa ni Rizal na nagsilbing punla ng atin pong kalayaan.
Kung sa loob ng isang silid na puno ng insulares ay itrato kang mababang uri dahil sa kulay ng iyong balat, ilan po kaya sa atin ang makatagal upang magtapos ng medisina? Kung sa harap ng taglamig ay napilitan tayong pagkasyahin ang isang latang biskuwit mula almusal hanggang hapunan, mapili pa kaya nating magtapos ng nobelang magsisilbing mitsa ng himagsikan? Kung pagmalupitan ang iyong mahal sa buhay, magawa mo kayang tumugon sa paraang mapakikinabangan ng buong bayan?
Pang-araw-araw na sangandaan po itong kinaharap ni Rizal, at di nalalayo rito ang mga sangandaang kinakaharap ng marami rin sa atin. Maaring may ilang bagay na sa unang tingin ay simple at walang agarang epekto sa malawakang sakop ng lipunan, ngunit paglaon ay mag-iiwan ng bakas at magdudulot ng malaking ginhawa sa kapwa. Mga simple at pang-araw-araw na desisyon gaya ng: gagamit ba ako ng overpass, o magjaywalking lang? Magbabayad ba ako ng tamang buwis, o ilulusot ko ang puwedeng ilusot? Kung may makita akong mali, magwawalang-kibo ba ako, o gagawa ng paraan para itama ito?
Hindi po lahat ay pinapalad na tawagin upang magbuwis ng buhay para sa bayan. Subalit para sa nakararami, nasusukat ang pagkabayani sa araw-araw nating pagharap sa maliliit na sangandaan: Ang pagsunod sa batas, ang paggalang sa kapwa, ang paggawa ng tama sa sinumpaan nating mga tungkulin, at ang manindigan sa atin pong prinsipyo.
Marahil po, matapos ang isa’t kalahating siglo, mababaon lamang sa mga libro ang mga ginagawa ng inyo pong gobyerno. Ang pagpapasabay ng ARMM elections sa pambansang halalan; ang pagbabantay sa mga monopolya; ang pagbubuhos ng pondo sa edukasyon, kalusugan, at conditional cash transfer program—lahat po ito, sakaling mabasa o maikuwento natin sa ating mga apo, ay marahil tatapatan lamang nila ng hikab at kibit ng balikat. Hindi po mauukit sa ginto ang lahat ng ating mga Executive Order, ang mga batas na pinagpuyatan ng ating lehislatura, at maging ang pinakamalalalim na desisyon ng hudikatura.
Tinatanggap ko po ito, at ilang ulit ko na pong idiniin na hindi palakpakan o pagpupugay ang nagtutulak sa aking bumangon araw-araw upang maglingkod sa akin pong mga Boss. Nagtatrabaho tayo para sa bata sa lansangan na kayang maghibla ng isang kuwintas ng sampaguita, ngunit ni hindi pa nakakatapak sa loob ng eskuwela. Nagtatrabaho tayo dahil sa isang malayong baryo, sa isang maliit na isla ng Pilipinas, maaaring may sanggol na magiging tulad ni Rizal: tapat ang puso, walang-kapantay ang talino, walang-hanggan ang malasakit sa kapwa, at may wagas na pag-ibig sa bayan. Nagtatrabaho po tayo upang wala nang Pilipino ang kailanganin pang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng mga susunod sa kanya.
Noong ika-19 ng Hunyo, 1861, isang sanggol ang isinilang dito sa bayan ng Calamba. Wala pong kakaiba sa kanya: marahil kasinlaki lang ng isang nakakuyom na kamao ang kanyang ulo, at ni hindi kayang humawak ng panulat ang kanyang maliliit na kamay na paglaon ay lilikha ng dalawang dakilang obra.
Nabanggit ko na rin lang po, hinihikayat ko po kayong bisitahin ang mga orihinal na manuskrito ng mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo sa National library. Bukas po iyan ngayong kaarawan ni Rizal, at kung hindi kayo makadaan ngayon, puwede pa rin po ninyo itong bisitahin bukas. Kaya nga po natin idineklarang holiday ang bukas: para habang ginugunita natin si Rizal, mas makikilala rin natin ang mga gawa niya.
Malinaw po: Hindi ipinanganak na superhero si Jose Rizal. Walang prediksyon sa kaniyang kadakilaan; walang nakapagsabing ang anak ng mag-asawang Mercado ay magiging pambansang bayani ng lahing Pilipino. Isa’t kalahating siglo ang nakalipas, ginugunita pa rin natin ang kanyang kapanganakan, at tinitingala ang kanyang kadakilaan.
Kinikilala natin si Jose Rizal dahil sa harap ng mga sangandaan ng ating masalimuot na kasaysayan, may isang Pilipinong muli’t muli ay piniling gawin ang tama—ang unahin ang kapakanan ng kaniyang kapwa, ang itaguyod ang pagkakaisa para sa kalayaan ng atin pong bansa—kahit pa ang kapalit nito ay ang sarili niyang buhay.
Matagal na pong nakahanay si Rizal sa iba pang mga dakila ng kasaysayan. Ngunit sinabi po niya, sa bibig ng tauhang si Elias sa kanyang Noli Me Tangere:
“Mamamatay akong di man nakita ang maningning na pagbubukang-liwayway sa aking inang bayan! Kayong makakikita, batiin ninyo siya—at huwag kakalimutan ang mga nalugmok sa dilim ng gabi!”
Wala po akong dudang binabati na natin ang bukangliwayway ngayon, nang hindi nakakalimot sa mga nalugmok sa dilim, at sumusumpa: Sa bawat pagsubok, kapakanan ng Pilipino ang isasapuso namin; sa bawat sangandaan, tuwid na landas ang aming tatahakin.
Tandaan lang po natin sana: Kung ang mga dinadakila natin tulad ni Jose Rizal ay namili ng pangsarili, nasaan na kaya tayo ngayon? Nandito tayo dahil may mga nanindigan para sa atin. Maging kaaya-aya naman po ang gawin natin, para talaga naman pong sulit ang kanilang isinakripisyo sa atin.
Maraming salamat po. Mabuhay si Jose Rizal. Mabuhay ang Pilipinas na kanyang minithi at ipinaglaban.

No comments:

Post a Comment