Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng pagtatalaga ng Court of Tax Appeals
[Inihayag sa Multipurpose Hall ng CTA Building II noong ika-16 ng Hunyo 2011]
Bahagi po ng selebrasyon ngayon ang pagkilala sa mas pinalawak ninyong tungkulin at kapangyarihan sa sangay ng katarungan. Ngayon, nadagdagan na ang mga ahensiyang sakop ng inyong pananagutan. Hudyat ito ng inyong pag-unlad na kaakibat ang higit na responsibilidad upang mapagsilbihan ang bayan.
Mahalagang papel ang ginagampanan ng Court of Tax Appeals upang hindi na maulit pa ang kapabayaan ng nakaraang dekada. Sa dinatnan po nating sistema, ganito ang karaniwang senaryo: Kung ayaw mong magbayad ng buwis, mag-abot ka lang ng pampadulas sa ahente ng BIR, puwede ka nang makalusot. Kapag na-jackpot ka naman sa tapat na empleyado, at kasuhan ka sa korte, magtutuloy-tuloy ang buhay mong malaya sapagkat usad-pagong ang kaso. Kung ganito po pala ang pabuya; kung ganito kaluwag ang butas ng karayom sa pandaraya, talaga naman pong may mangangahas na hindi magbayad ng tamang buwis. Hindi po ba?
Ito po ang baluktot na kalakarang gusto nating ituwid. Isipin na lang po kasi ninyo: kung nagbabayad lang ng tamang buwis ang bawat isa sa atin, at may gobyernong tapat na tinutupad ang kanyang mandato sa pangongolekta nito, pihado pong mapapabilis natin ang pag-unlad ng mga Pilipino. Gaya ng panawagan natin simula’t sapul pa lamang: Kung walang corrupt, walang mahirap. Kung walang negosyanteng allergic sa buwis, wala tayong mga kababayang magsisiksikan sa mga pagamutang kulang-kulang ang kagamitan; kung walang dinodoktor ang kanilang ITR para bumaba ang kaltas sa suweldo, walang gurong magtuturo sa ilalim ng puno at walang estudyanteng maghahati-hati sa isang libro; at kung walang kawani ng gobyernong nagpapasuhol sa mga gustong umeskapo sa parusa ng tax evasion, walang pulis at sundalong uuga-uga ang bahay at pupugak-pugak ang armas habang nakikipag-bunong braso kay kamatayan.
Buhat po ng tahakin natin ang tuwid na landas, marami na tayong naaaninag na pagbabago sa ating bansa. Sa pinagsamang lakas at pinagbuting kakayahan ng Court of Tax Appeals at ng mga kabalikat nitong ahensiya, naipatupad na natin ang mga hakbanging nakakatulong sa makatarungan at mabilis na pagdinig sa mga kaso ng pagbabayad ng buwis.
Pinapatupad rin po natin itong Run After Tax Evaders ng BIR at ang Run After the Smugglers ng Bureau of Customs. Upang imbestigahan ang mga alegasyon ng korupsyon sa Department of Finance at sa mga katuwang nitong ahensiya, mayroon namang Revenue Integrity Protection Service ang Department of Finance. Pamula Hulyo 2010 hanggang sa ika-siyam ng Hunyo ng taong ito, nakapagtala na ang BIR ng 50 kaso ng tax evasion, na umabot na sa taxable amount na halos 23 bilyong piso.
Gusto ko lang pong pagdiinan ‘yung 23 bilyong piso. Mayroon po tayong programa, ang itinatawag ay Conditional Cash Transfer Program. Mayroon po tayong 4.6 million families na nabubuhay sa itinatawag na ilalim ng poverty line. Tinutulungan po nitong programang ito ay kalahati: 2.3 million po na binibigyan ng stipend para panatiliin ang kanilang mga anak sa eskwelahan ay mapabakunahan. ‘Yung P23 billion pong iyon na kung makokolekta natin, ay sopisyente na para mabayaran po iyong programa ng 2.3 million na families na iyan.
Kung ganap nating maisasaayos ang sistema ng pagbubuwis, makakalikom po tayo ng sapat o dagdag na pondo para sa iba pang proyekto ng ating gobyerno. Kamakailan po, bumisita sina Secretary Dinky Soliman at Secretary Armin Luistro sa Mexico, at nalaman po nilang ang pondo ng Conditional Cash Transfer doon ay limang bilyong dolyar. Ulitin ko po: limang bilyong dolyar. Malayo man po ang limandaang milyong dolyar na nailaan natin sa ating CCT kung ikukumpara sa kanila, tiwala akong mapapabilis ang pagtataas ng pondo nating ito sa tulong ng kinukumpuni nating sistema sa pagbubuwis. Gayunding kapakinabangan ang maaaring maidulot nito para sa pagpapaunlad sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas. Sa paglinang sa kapasidad ng ating militar, hindi na tayo basta-bastang mabubulyawan ng ibang bayan sa oras ng mga di-pagkakaunawaan tulad ng salungatan sa West Philippine Sea.
Simple lang naman po ang lohika ng ating inisyatiba sa maayos at patas na koleksyon ng buwis: Katuwang ang inyong ahensiya, Tinatapalan na ng gobyerno ang mga tagas sa pambansang pondo. Tinututukan, at hindi na natin hinahayaang butas-butasin ang kaban ng bayan, at iwang nalulunod ang mga Pilipino sa pagtitiis at paghihirap. Sa tapat, tutok, at tuwid na pamamahala sa bawat sangay ng ating gobyerno, makakapag-impok tayo ng sapat na pondong sisiguro sa ating mas maliwanag na kinabukasan.
Muli, binabati ko ang bumubuo sa Court of Tax Appeals, at iuulit ko lang po ang ating apila:
Siguro ho lahat tayo talagang naghihintay na talagang sumalubong sa isang makabagong Pilipinas, hindi po ba? Mangyayari po ba iyon kung pananatiliin natin ang systemang hindi na nga talaga nagdulot ng maganda sa atin pong inang bayan? ‘Yung bata na makakapagaral sa silid-aralan na maayos, na may sapat na mga libro at iba pang kagamitan ay talagang mahuhubog na maging kapaki-pakinabang sa atin pong bansa. ‘Yung atin naman pong mga kawani ng tinatawag na security services—ang ating mga sundalo’t pulis—inaatasan nating sumugod araw-araw sa panganib, at pagkatapos naman ay napapabayaan. Paano nga naman sila mananatili sa tuwid na landas? Sa inyo pong pakikianib sa atin, at pakikisama, palagay ko naman po talagang hindi na nalalayo ang pagbati natin sa tunay na nagbagong Pilipinas.
Maraming salamat po. Magandang hapon sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment