Binigyang-diin kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Panghanapbuhay ang pagbabayad ng tamang pasahod sa mga manggagawa sa Martes, Agosto 30, 2011, kaugnay ng pagkakatalaga sa naturang araw bilang isang regular na pambansang pista-opisyal.
“Itinatakda ng batas ang pagbabayad ng tamang pasahod sa mga manggagawa sa araw na ito na isang regular na holiday sa buong bansa, batay sa Proklamasyon Blg. 234 na ipinalabas ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Agosto 11, 2011,” ani Baldoz, ang nabanggit na proklamasyon ay naaayon sa Republic Act No. 9177 na siyang nagbigay katatagan sa pagdiriwang ng Eid’lFitr bilang isang regular na pambansang pista-opisyal sa Pilipinas.
“Ito ay sa dahilang ang ating mga kapatid na mga Pilipinong Muslim ay magdiriwang ng Eid’lFitr (Kapistahan ng Ramadhan) sa araw na ito,” dagdag pa ng Kalihim.
Ang Eid’lFitr ay nakasalalay sa Nivata o pagbanaag sa buwan sa ika-29 ng Ramadhan 1432H ng kalendaryong Muslim na pumapatak sa Agosto 29, 2011. Bunga nito, ang ika-30 ng Agosto ay idineklara bilang isang regular pista-opisyal.
Sa araw na ito, sinabi ni Baldoz na ang sumusunod na alituntuntunin at regulasyon tungo sa wastong pasahod sa mga manggagawa, kabilang na ang mga minimum wage earners ay nararapat ipatupad:
a. Kung ang pista-opisyal sa Martes, Agosto 30, 2011 ay pumapatak sa regular na araw ng trabaho ng empleyado at siya ay nagtrabaho sa araw na ito, siya ay may karapatan sa kabuuang dalawandaang porsiyento (200%) ng kanyang antas ng sahod sa unang walong oras (8) ng trabaho, at karagdagang tatlumpong porsiyento (30%) kung higit sa walong oras ang trabaho sa naturang araw. Kung hindi siya nagtrabaho, ang empleyado ay may karapatan lamang sa isandaang porsiyento (100%) ng kanyang regular na araw ng pasahod, sa kondisyong siya ay nagtrabaho, o nagbakasyon nang may bayad (on leave with pay) sa araw bago sumapit ang naturang pista-opisyal.
b. Kung ang Agosto 30 ay araw ng pahinga (o rest day) ng empleyado at siya ay pinagtrabaho, siya ay may karapatan sa kabuuang dalawang daan at animnapung porsiyento (260%) ng kanyang araw ng pasahod sa unang walong oras. Siya ay mayroong karagdagang tatlumpung porsyento (30%) ng arawang pasahod ng para sa kada oras na lampas sa walong oras na trabaho sa araw na nabanggit. Sa kabilang dako, kung hindi siya nagtrabaho, ang naturang empleyado ay may karapatan lamang sa isandaang porsyento (100%) ng kaniyang regular na pasahod, sa kondisyong siya ay nagtrabaho o nagbakasyon nang may bayad (on leave with pay), sa araw ng trabaho bago sumapit ang regular holiday.
c. Kapag ang araw bago sumapit ang regular holiday ay araw nang walang trabaho (non-work day) sa establisimiyento, o kaya’y itinakdang araw ng pahinga ng empleyado, ito ay hindi ituturing na nasa bakasyon (leave of absence) ang empleyado sa araw na iyon, at siya ay may karapatan sa regular pay.
No comments:
Post a Comment