Ipinaalala kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Panghanapbuhay na ang Agosto 21, 2011, araw ng Linggo, ay isang espesyal na araw sa buong bansa bilang pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day.
“Walang pasok ang mga manggagawa sa buong kapuluan sa espesyal na araw na ito bilang pagdiriwang sa kabayanihan ni Benigno ‘Ninoy’ Aquino,” pahayag ni Baldoz.
Ayon sa Kalihim, nauna nang opisyal na ipinahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong Disyembre 2010 sa pamamagitan ng Proclamation No. 84 na ang Agosto 21, kasabay ang iba pang regular at espesyal na holiday ng Pilipinas para sa 2011, ay espesyal na araw.
“Ang wastong pasahod sa mga manggagawa sa mga espesyal na araw, katulad ng Ninoy Aquino Day, ay dapat ipatupad, alinsunod sa layunin ni Pangulong Aquino III na patatagin ang proteksyon ng mga manggagawa tungo sa produktibong kapayapaang-industriyal,” pahayag ni Baldoz.
Ipinaalala ni Baldoz sa mga employer sa pribadong sektor na umiiral ang patakarang “walang pasok, walang bayad” sa espesyal na araw na ito, lalung-lalo na para sa mga empleyadong sumasahod ng arawan.
Subalit sa kabila ng umiiral na “no work, no pay”, mariin namang ipinahayag ni Baldoz na dapat sundin ang mga sumusunod na patakaran tungo sa wastong pasahod kung ang empleyado ay nagtrabaho sa espesyal na araw.
1. Kung nagtrabaho ang isang manggagawa sa Agosto 21, siya ay may karapatan sa 130 porsiyento ng kanyang arawang pasahod sa unang walong (8) oras ng pagtatrabaho, at karagdagang 30 porsiyento ng kanyang sahod bawat oras, para sa trabahong lampas o higit sa walong oras.
2. Kung hindi nagtrabaho ang isang manggagawa, walang siyang karapatan sa anumang sahod, maliban na lamang kung mayroong patakaran o sinusunod na alituntunin ang kumpanya, o kaya’y mayroong sama-samang pinagkasunduang usapan o collective bargaining agreement na nagbibigay ng sahod kahit hindi nagtrabaho sa naturang espesyal na araw.
3. Kung nagtrabaho naman at ito’y pumatak sa araw ng pahinga o rest day ng empleyado, siya ay may karapatan, sa unang walong (8) oras ng trabaho, sa 150 porsiyento ng kanyang regular o arawang pasahod, at karagdagang 30 porsiyento kada oras para sa trabahong lampas sa walong (8) oras sa nasabing espesyal na araw.
No comments:
Post a Comment