Pahayag ni Edwin Lacierda, Tagapagsalita ng Pangulo:Ukol sa pakikipagpulong ni Pangulong Aquino kay Ginoong Corona
[March 8, 2012]
Ngayong umaga, pinapa-ugong ni Ginoong Corona ang nangyaring pakikipagpulong sa kanya ni Pangulong Aquino. Totoo pong nakipagdiyalogo noong Hulyo 2010 si Pangulong Aquino kay Ginoong Corona para sa nag-iisang paksa: ang paglalatag ng kaniyang mga kinakailangang reporma upang isaayos ang mga lubak sa ating sistemang pangkatarungan. Nagkaroon sila ng palitan ng opinyon at kuru-kuro sa iba’t ibang paksa kung paano higit na mapapatibay ang ugnayan ng Ehekutibo at Hudikaturang sangay ng pamahalaan.
Dahil dito, isinantabi ng Pangulong Aquino ang anumang agam-agam niya kay Ginoong Corona. Sa katunayan, binigyan po siya ng Pangulo ng pagkakataong patunayan na wala siyang kinikilingan, katotohanan lamang ang kaniyang pinapanigan, at interes lamang ng nakararami ang mananaig. Subalit matapos ang pabagu-bagong desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Dinagat Island, ang pagharang ng Hudikatura sa nakatakdang paglilitis kay dating Ombudsman Merci Gutierrez, nagsimulang lumawak ang lamat sa katapatan at pananagutan ni Ginoong Corona. At nang naglabas si Ginoong Corona ng TRO na muntik nang magpatakas kay Ginang Arroyo, naging lantaran ang pagdududang hindi interes ng publiko ang inuuna ng Punong Mahistrado, kundi ang pagtatanggol kay Ginang Arroyo.
Habang maghapon na umiikot at nagsasalita sa mga istasyon ng radyo at telebisyon si Ginoong Corona, tila ba lalo lamang dumarami ang ‘di masagot-sagot na tanong ng mga Pilipino, at lalo lamang lumalalim ang pagdududa sa kaniya ng taumbayan: karapat-dapat pa bang manatili si Ginoong Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema?
Umaasa kaming papatotohanan ni Ginoong Corona ang kaniyang pahayag sa loob mismo ng Senado. Harinawa’y mabigyang linaw niya ang mga alegasyon laban sa kanya, at huwag na siyang magkubli sa mga teknikalidad.
No comments:
Post a Comment