PNoy speech at the 33rd commencement exercises of the PNPA – Batch Sinagtala


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtatapos ng 
National Police Academy Batch Sinagtala 2012
[Inihayag sa Silang, Cavite, noong ika-24 ng Marso 2012]
Hayaan po ninyong simulan ko ang aking talumpati sa mungkahi ng isang dating hepe ng PNP nang siya ay nanunungkulan pa, na hanggang ngayon ay hindi ko po sigurado kung pabiro niyang sinabi. Sabi po niya noog araw: Dahil parang wala raw kalaban-laban ang ating mga detachment sa mga rebelde, at paulit-ulit ang pag-atake ng mga armadong grupo sa atin pong mga presinto’t detachment para magnakaw ng mga baril at bala, ang naging instant solution ng ating butihing hepe: “E kung nagiging magnet lang ng mga rebelde ang armas nila, bigyan na lang kaya natin ng mga batuta ang mga pulis para tumigil na ang mga pagsalakay?” [Laughter] Kaya hanggang ngayon po ay hindi ko alam kung nagbibiro o seryoso siya.
Ang tanong: Kung sundin natin ang ganitong payo, hindi ba’t parang ang kapulisan na rin mismo ang sumuko sa masasamang elemento? Hindi ba’t sa halip na patatagin ang kanilang gamit at kaalaman, tila tinanggalan pa natin sila ng kakayahan na ipagtanggol ang taumbayan?
Iba na nga po ang kuwento sa kasalukuyan. Kaliwa’t kanan po ang patunay na talagang matindi at lumalaban ang atin pong kapulisan sa kasalukuyan, at talagang nakahanda na silang tuparin ang kanilang tungkulin sa bayan. Isang halimbawa po rito si Police Senior Inspector Jay G. Dema-ala ng PNPA Class 2004. Kasama ang labintatlong pulis, pinamunuan niya ang pakikipagbakbakan at pagpapaatras sa humigit-kumulang tatlumpung rebeldeng sumalakay sa kanilang estasyon sa Panabo, Davao del Norte noong Marso 19, 2011. Mas kaunti man ang kanilang bilang, hindi umubra kina Police Senior Inspector Dema-ala ang mga sumalakay na miyembro ng CPP-NPA-NDF. At tila pangkaraniwan na nga po ang ganitong pagpapakitang gilas ng atin pong kapulisan. Nariyan din si Senior Inspector Charity Galvez na pinamunuan naman sa pakikipaglaban ang tatlumpung pulis nang sinalakay ang kanilang estasyon sa Agusan del Sur noong Hulyo 30, 2011. Napaatras din nina Senior Inspector Galvez ang umatakeng dalawandaan at limampung rebelde, kahit higit sa walong beses pa ang bilang ng mga kalaban. 
Nito naman pong Pebrero, sinalakay din ng armadong grupo ang BJMP sa Kidapawan para itakas ang isang preso. Nagpasabog man ang mga rebelde ng rocket-propelled grenade at nagpaputok ng mga high-powered rifles, nangibabaw pa rin ang puwersa ng BJMP. Hindi po ba’t kahanga-hanga naman talaga ang pinakikitang gilas ng mga tagapagtanggol ng bayan? [Applause]
Ito na nga po ang nangyayari sa kasalukuyan dahil sa pagtahak natin sa tuwid na daan. Kaya naman sa dalawandaan at dalawampung graduates ng Class Sinagtala na pinanday ng PNPA, tularan ninyo ang mga nauna sa inyong patuloy na nagpapamalas ng katapangan at kabayanihan para sa bayan. Sa mga magsisipagtapos ngayon, kompiyansa akong taas-noo ninyong maisusuot ang bagong uniporme at maipagmamalaki ang inyong papel sa lipunan. Bilang mga bagong pulis, bumbero, at warden, maipagmamalaki ninyong bahagi na kayo ng propesyong kinikilala at nirerespeto ng mamamayan, hindi dahil sa kurapsyon o pangongotong, kundi dahil sa inyong sakripisyo at katapatan.
May ilan man pong nagdududa sa galing ng ating mga tagapagtanggol, at sinasabing baka swerte lang ang lahat ng ito, ako po ang mangungunang maghaharap sa kanila ng mga ebidensya. Isa na nga rito ang patuloy na pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang crime volume po noong 2009 na dati ay umabot sa mahigit 500,000, nangalahati sa halos 247,000 pagdating ng 2011.
Ang 2,200 kaso ng carnapping noong 2010, naging 966 na lang o mahigit sa kalahati ang ibinaba nitong 2011. Ang masaklap nga lang po dito, kapag nabiktima ng carnap ang isang sikat na tao, mas pinupuna pa nila ang bilang ng mga natirang kaso, kaysa sa mas malaking naibawas na.  ‘Di po ba’t mas magandang purihin ang ating mga kapulisan na nagsasakripisyo para mapababa ang mga kaso, sa halip na magpakulong sa negatibismo? Hindi ba’t karapat-dapat din silang mailagay sa headline dahil sa matagumpay nilang operasyon kontra carnapping? Bunga po ito ng dedikasyon at malinaw na estratehiya ng ating kapulisan. Sa ganitong estado, hindi naman po siguro suntok sa buwan kung umasa tayong mapababa pa ng kalahati ang kaso ng carnapping sa taong ito.
Hindi ko na po iisa-isahin ang mga tagumpay ng ating kapulisan, at baka Semana Santa na, ay hindi pa kayo ganap na mga graduates. [Laughter] Ang punto ko lang po rito: mapalad kayo dahil magandang pagkakataon ang kasalukuyan para pumasok sa serbisyo. Sa inyong pagtatapos, papasok kayo sa isang sistemang tinitingala at hindi pinagbubulungan dahil sa katiwalian; tangan na ninyo ang pambihirang oportunidad na makiisa sa pagtahak sa tuwid na landas.
Bilang nakakatanda po sa inyo—siguro ng mga lima hanggang sampung taon [Laughter]—siguro naman ay hindi ninyo mamasamain kung magbigay ako sa inyo ng kaunting payo. Sabi ko nga sa mga ka-batch ninyong nagtapos sa PMA noong nakaraang linggo: Congratulations dahil tapos na rin ang apat na taong pagbabakasyon ninyo. [Laughter] Panahon na kung kailan paggising ninyo, hindi na mga mental at pisikal na eksaminasyon ang inyong paghahandaan, hindi na grado ang sukatan ng inyong kagalingan, at lalo’t higit, hindi na kayo nakasentro sa inyong sarili. Tapos na ang praktis, tapos na ang pag-aaral ng mga teorya, at haharapin na ninyo ang sangandaan sa totoong lipunan.  Paglabas ninyo sa akademya, bubulaga sa inyo ang mga tukso ng katiwalian—susubuking pahinain ang inyong propesyunalismo ng sistemang palakasan, at tutumbasan ng limpak-limpak na pera ang inyong dangal at prinsipyo.
Isipin po natin: Kapag ang inaasahang magpatupad ng batas ang siya mismong pasimuno ng pag-shortcut sa batas, pihadong mawawalan ng gana ang taumbayang magtiwala dito. Kung may mga utak wang-wang pa ring traffic enforcer, na imbes na hulihin ang lumabag sa batas trapiko, ay hihingi lang ng lagay para maareglo ang usapan, magiging usad-pagong ang ating pag-asenso. Tandaan lang po nating hindi libre ang pagiging corrupt. Hayaan po ninyo akong magkwento ng bahagi tunkol diyan sa traffic enforcer na nasa isip ko ngayon. Mayroon po siyang sinita; pinaliwanag doon sa sinita kung ano ang violation, at sinabi kaagad: “Magse-seminar kayo ng ilang linggo, and laking abala sa inyo. Baka magandang magusap na lang tayo.
Sagot po noong sinita, “paki-tiketan na lang po ninyo ako.”
Ang sagot po ng nanita, “wala po akong ticket dito.”
“Baka mayroon ang kasamahan mo?”
“Wala po akong kasamahan dito.”
“Baka puwedeng pumunta tayo doon sa presinto at doon mo na lang ako tiketan?”
Ang sagot sa kanya, “Hindi ho ako puwedeng umalis dito. Abandonment of post.” [Laughter]
Madaling salita, siguro’y inabot siya ng kalahati hanggang isang oras ng pakikipagtalakayan. ‘Yung dapat umaayos ng trapiko, sila pa ang gumawa ng trapiko.
Sa bawat panandaliang ginhawa na mula sa katiwalian, pangmatagalan ang perwisyo nito sa publiko. Kapag nagkibit-balikat kayo sa masasamang elemento, parang hinayaan niyo na ring dumami pa ang maaagrabyadong Pilipino. Kung sa bawat paglapit sa inyo ng taumbayan, puro “depende” at “saka na lang” ang inyong sagot, itinataboy na rin ninyo ang kanilang tiwala at paggalang sa inyong hanay. Ang resulta: ang mga nagpapanggap na tagapagligtas ang kanilang tatakbuhan. Sa halip na tulungan nila kayong sugpuin ang mga kriminal, maaari pa silang kumampi sa mga kalaban ng estado. At kapag nagpatuloy ang ganito, hindi matatapos ang bakbakan ng Pilipino kontra Pilipino. Pero kapag tapat sa tungkulin ang nagpapatupad ng batas, at ramdam ng mamamayan ang pag-iral ng katarungan, sigurado naman pong sa inyo papanig ang taumbayan.
Ang tanong: anong landas ang pipiliing tahakin ng Sinagtala Class of 2012? Magiging biktima ba kayo ng mga kamaliang dumungis noon sa reputasyon ng mga tagapagtanggol ng bayan? Alam ko pong hindi. Alam kong magpapakatatag kayo, at lagi ninyong tatandaan na kakambal ng tinatamasa nating kalayaan, may hinihiling sa ating katapatan at pananagutan. Alam kong hindi masasayang ang mga aral na natutuhan ninyo sa inyong mga magulang, mga guro at sa Philippine National Police Academy.
Katahimikan at kapayapaan ang susi ng ating pagunlad bilang isang bansa. Kung makakaasa ang mga Pilipino na masusunod ang mga batas—na ang bawat mali ay may kabayaran, at ang mabuting gawain ay may mabuti ring gantimpala—magiging matibay ang pundasyon ng ating mga sistemang panlipunan. Malinaw po: ang paggawa ng tama ay nagbubunsod ng mas matibay na lipunan, na may magandang ekonomiya. Magdudulot ito ng trabaho, ng mas masiglang kaban ng bayan, ng pondo para sa edukasyon, kalusugan at ibang programa pang mag-aangat sa atin mula sa kahirapan. Nararamdaman na po natin ito ngayon at ang inyong hanay mismo ay nakikinabang dito.
Tulad ng ating ipinangako, naitayo na natin ang 21,800 na pabahay, sa tulong ng ating Vice President, para sa ating kapulisan at kasundaluhan sa pangunguna ng National Housing Authority. Ngayong taon, tuloy-tuloy pa rin ang programang ito kung saan 31,200 na pabahay ang plano at inuumpisahan nang ipatayo. Kasama na po sa mga magiging benepisyaryo nito ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at huwag naman po nating iwan ang Bureau of Corrections sa buong bansa. [Applause] Nakatutok na rin tayo sa pagtugon sa mga kakulangan sa pagsasanay at kagamitan ng inyong hanay para sa mabilis ninyong pagresponde sa tawag ng katungkulan. Nitong nakaraang taon, sumailalim sa pagsasanay ang mahigit 37,000 kawani ng PNP, BJMP, at BFP. Sa taon namang ito, kasado na ang pagkakaloob natin ng Personal Protective Equipment sa atin pong mga bumbero, at ang pagbili ng mga karagdagang baril para sa ating mga kapulisan. Patunay lamang ito na kung walang delubyo, mas mapagtutuunan ng gobyerno ang benepisyo at serbisyong para sa inyo.
Marami kayong pagsubok na dinaanan bilang mga mag-aaral ng akademyang ito. ‘Di birong mga hamon pa ang darating sa inyong buhay sa pagtahak sa larangang pinili ninyo. Bilang mga indibidwal na may sinumpaang tungkulin, pasan ninyo ang responsibilidad na maging ligtas ang mga Pilipino, at ang mandatong panatilihing payapa ang Pilipinas.
Ngayong abot-kamay na ninyo ang inyong pangarap, kumpiyansa ako sa pakikiisa ninyo upang itaguyod ang isang patas na lipunan. Hindi po tayo papayag na muling magdusa ang maraming Pilipino. Sa abot ng ating makakaya, lagi nating gagawin ang tama, lagi nating unahin ang kapakanan ng kapwa, at lagi nating samantalahin ang bawat pagkakataon upang pagsilbihan ang atin pong bandila.
Tinatawag kayong Sinagtala—liwanag na nasisilayan sa pagtingala natin sa kalangitan, na siyang kanlungan ng ating mga pinakamatayog na adhikain. Nawa’y maging tanglaw kayo ng katapatan at pananagutan, at maging bantayog ng pagbabago sa ating bayang muling bumabangon sa ngalan ng integridad, katarungan, at kasaganahan.
Maraming salamat. Maligayang pagtatapos po sa inyong lahat.
Magandang araw po.

No comments:

Post a Comment