Nakakakasa na ang mahigit sa apatnapung Job and Livelihood Fairs ng Kagawaran ng Paggawa at Panghanapbuhay o DOLE na isasagawa sa ika-1 ng Mayo sa buong kapuluan.
“Sa Mayo 1, Labor Day o Araw ng Paggawa, isa sa mga mahirap na ‘di mapansin o kaya’y mapuntahan ay ang isa sa 49 na Job and Livelihood Fair na idaraos ng DOLE bilang paggunita sa makasaysayang araw,” ito ang sinabi ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ilang araw bago Araw ng Paggawa.
“Hinihimok ko ang mga bagong gradweyt, naghahanap ng trabaho, balik-bayang OFW na nais magkatrabaho, out-of-school youth, at mga manggagawa sa impormal na sektor na dumalo sa DOLE 2012 Job and Livelihood Fair sa kanilang mga rehiyon o lalawigan,” ani Baldoz.
Ang pinakamalaki sa mga Job and Livelihood Fairs ay idaraos sa National Capital Region, sa World Trade Center sa Pasay City, kung saan may mahigit 100,000 bakanteng trabaho, lokal man o overseas, mula sa 300 employers.
Sa mga rehiyon, ang Job and Livelihood Fairs ay idaraos sa mga sumusunod na lugar: Baguio Convention Center, Baguio City; Santiago City Hall, Isabela; People’s Center, Balanga City, Bataan; Camp Servillano Aquino, Tarlac; Rizal Triangle, Olongapo City; Freedom Park, Old Capitol Compound, Cabanatuan City; Punzalan Gymnasium, Pinamalayan, Oriental Mindoro; Abellana Sports Complex, Cebu City; Cebu International Convention Center; Tagbilaran City, Bohol; Tacloban City Convention Center, Tacloban City; City Commercial Complex, Pagadian City; Western Mindanao State University Gymnasium, Zamboanga City; Abreeza Mall; Gaisano Mall, Davao City; KCC Mall, Gen. Santos City; Kidapawan Provincial Gymnasium, Kidapawan; South Seas Mall, Cotabato City; Grand Gaisano, South Cotabato Field Office; at AMA Computer Learning Center, Butuan City.
Bukod dito, ang ibang regional offices ng DOLE, sa pakikipagtulungan sa SM Super Malls, ay magdaraos ng mga Job and Livelihood Fair sa 24 na sangay ng SM sa Baguio City; Rosales, Pangasinan; Marilao at Baliwag, Bulacan; San Fernando at Angeles City, Pampanga; Tarlac City; Rosario, Molino, Dasmarinas, at Bacoor City, Cavite; Sta. Rosa City, Calamba City, at San Pablo City, Laguna; Lipa City at Batangas City, Batangas; Taytay at Antipolo City, Rizal; Lucena City, Quezon; Naga City; Iloilo City; Bacolod City; Cagayan de Oro City; at Davao City.
Ang mga iba pang regional Job and Livelihood Fair ay magaganap sa tatlong sangay ng Robinson’s Place sa mga lungsod ng Imus, Dumaguete, at Tacloban.
“Bilang paggunita sa ika-110 taon ng Araw ng Paggawa sa bansa, ang DOLE ay magdadala sa mga pook na pagdarausan ng [mga] Job and Livelihood Fair ng mga employer na nangangailangan ng mga manggagawa […],” ani Baldoz.
“Hindi lang isang araw ang Job and Livelihood Fair, dahil sa mga susunod na araw pagkatapos ng Mayo 1, susubaybayan pa rin DOLE ang mga kumpanyang sumali sa lahat ng Job and Livelihood Fair kung talagang napunan na nila ang kanilang mga bakanteng posisyon. Kaya walang dapat ipag-alala ang mga pupunta sa Job and Livelihood Fair,” dagdag pa ni Baldoz.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na magkakaroon na ng paunang interview at assessment sa job fair upang higit na marami ang magkaroon ng tsansang makapagtrabaho.
Magkakaroon din ng mga livelihood counseling, franchising opportunities, skills training, at livelihood skills demonstration sa nasabing okasyon.
Sa Metro Manila, titiyakin ang mabilisan at episyenteng proseso ng paga-aaply, lalo na sa dokumentasyon, dahil inanyayahan ng DOLE ang National Bureau of Investigation, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, National Statistics Office, Pag-IBIG, at PhilHealth na lumahok sa nasabing okasyon.
Muling hinikayat ni Baldoz ang mga aplikante na dadalo sa mga Job and Livelihood Fair na mag “preregister online” sa Phil-JobNet website, www.phil-job.net. Maaari ring magtungo at mag-preregister sa pinakamalapit na Public Employment Service Office (PESO).
Upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga job seekers ukol sa Job and Livelihood Fair, nakipag-partner ang DOLE sa mga taga-suporta nito katulad ng Centrex; Asia Brewery; Cobra Energy Drinks; Globe Telecom; Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry; Sykes Asia, Inc.; Suyen Corporation; Max’s; Golden Arches Development Corporation; PESO Association of Metro Manila; SM; PALSCON; SSS; Pag-IBIG; at PhilHealth.
Media partner ng DOLE ang Philippine Daily Inquirer, Business Mirror, Philippine Star, at Manila Bulletin.
No comments:
Post a Comment