Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa 2012 Brigada Eskwela
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa 2012 Brigada Eskwela
[Inihayag sa Apolinario Mabini Elementary School, Maynila, noong ika-24 ng Mayo 2012]
Magandang hapon po sa lahat. Maupo ho tayo.
Secretary Bro. Armin Luistro; Mayor Alfredo Lim; Representative Zenaida Angpin; Mr. Rizalino Rosales; Dr. Ponciano Menguito; Dr. Concepcion Vasquez; fellow workers in government; teachers, parents, and students; representatives of nongovernmental organizations and volunteers; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang hapon po ulit sa inyong lahat.
Kung hinihintay po n’yo ako kaninang umaga, pagpapasensyahan ho n’yo ‘ko. Sabi sa akin ngayon hapon tumungo dito. Kaninang umaga po ay mayroon tayong ibang lakad. Nasa Diamond Hotel ho kami kanina hindi para kumain o makitulog doon. Mayroon po akong kumperensya para maiayos natin ang sistema natin ng edukasyon nga kung saan ang ating mga estudyante ay may katiyakan na papasukang trabaho ‘pag nag-graduate. Iyon po ay isang kumperensya para lalong mapaigting ang ating mga pagsusumikap na ‘pag nagsumikap ka sa iyong pag-aaral ay mayroon ka naman talagang patutunguhan.
Kanina po ay nabanggit nga ang mga napansin kong ilang bahagi na dapat nakumpuni na yata dahil iyon nga ang pinagmamalaki natin ngayon—Brigada Eskwela. Inaayos ang ating mga gusali. Pinangako po sa atin, bago ang pasukan ay maiayos ang mga nakita ko po at babalikan ko naman para makita kung naisaayos na ‘yung pinangako sa atin. [Applause]
At kung saka-sakaling kukulangin pa ho ang napagsumikapan, bagama’t over two billion ang inaasahan ni Bro. Armin this year, handa ko naman pong isama na rin ang suweldo ko kung kakailanganin para mapuno. [Laughter] Ngayon, baka pagdating ho ng suweldo ko sa inyo, sabihin n’yo bakit ito lang ang pinadala—hindi ho malaki ang suweldo ng Pangulo ng Republika, alam po naman n’yo ‘yan.
Noon pa man, kilala na ang lahing Pilipino sa kakayahan nating magkaisa para matupad ang malaking adhika para sa atin pong minamahal na bansa. Ginawa natin po ito sa EDSA noong 1986, para buwagin ang diktadurya. Ipinakita natin ito noong halalan ng 2010 upang tapusin ang halos isang dekada ng kurapsyon at paglilinlang sa atin pong pamahalaan. Ngayong hapon, muli nating pag-aalabin ang diwa ng bayanihan sa pamamagitan ng Brigada Eskwela 2012. Sa aktibidad na ito, tinatayang may 45,000 na pampublikong paaralan mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kasabay nating mag-aambag ng tulong para sa lipunan.
Kung tinatawag na pangalawang magulang ng mga estudyante ang kanilang mga guro, natural lamang na tawaging pangalawang tahanan ang mga paaralan. At nais ko pong magpasalamat, hindi lamang sa mga nanay at tatay ng ating mga kabataan na nandito ngayon, kundi maging sa mga nagkusang mag-alay ng oras at pawis para sa programang ito. Maraming salamat sa pag-aaruga sa ating mga paaralan; [applause] maraming salamat po sa paninigurong ang pangalawang bahay ng ating mga kabataan ay nasa maayos, ligtas, at kaaya-ayang kondisyon. Maraming salamat dahil mulat kayong hindi natatapos sa pagbabayad ng buwis, o sa pagsunod ng batas ang responsibilidad nating lahat bilang mamamayan.
Sino nga po bang di matutuwa; dumarami ang nagbabayanihan para isaayos ang lipunan, tumataas ang bilang ng mga tumutugon sa tungkuling pagandahin ang ating kinabukasan?
Dati po, marami sa ating mga kababayan ang nagmamadaling mag-alsa-balutan dahil wala silang nakikitang pag-asang may magbabago sa atin pong bansa. Ang pagtitipon nga po natin ngayon ay isang kongkretong patunay ng pagbabagong tinatamasa natin. Salamat po sa inyong pakikibalikat para sa kapakanan ng inyo pong mga anak, ng inyong kapwa, at higit sa lahat, ng atin pong bayan.
Bilang bahagi ng brigada eskwela, ang mga hawak nating walis o martilyo o pamunas ang magbibigay-daan upang lalo pang ganahang pumasok ang mga estudyante dahil ligtas at maayos ang kanilang paaralan. Bawat pader na pinipinturahan ng bagong kulay, bawat mesa o upuan na nakukumpuni, bawat sulok na nalilinis, kapalit nito ay isang estudyanteng komportableng nakakatanggap ng kanyang mga leksiyon, isang gurong nakakapagturo ng mas maayos, isang Pilipinong naihahanda at nabibigyang-kakayahan na harapin ang mga hamon ng bukas.
Namumuhunan tayo sa edukasyon dahil dito nagmumula ang pangmatagalang kaunlaran ng ating bansa. Kaya nga nang napansin nating kulang ang 175 bilyong pisong budget noong 2010, ginawa natin itong 207.3 bilyong piso para sa 2011. At dahil ayaw nating kapusin ngayong 2012, tinaasan pa natin ang pondo sa basic education sa halagang 238.8 na bilyong piso. Paglapag po natin sa pwesto, mahigit animnapung libo ang kakulangan sa silid-aralan. Agad po natin itong tinugunan, kaya’t maliban sa mahigit sampung libong silid-aralan na naipatayo na natin, may tinatayang tatlumpung libong karagdagang classrooms pa po ang maipapagawa natin ngayong taon dahil sa pakikilahok ng iba’t ibang sektor. Sa madaling salita, kung tuloy-tuloy ang pakikipagbayanihan ng pribadong sektor sa pamahalaan, pagdating ng 2013—next year po ‘yan. Tama ba ‘to Brother Armin, next year na pala? Kala ko 2014, next year na pala. Bawat estudyante ay mabibigyan ng dekalidad na edukasyon sa loob ng dekalidad na silid-aralan. Ibig din pong sabihin, sa susunod na nga pong school year, mas kakailanganin ng mas maraming kabrigada-eskwela dahil mas marami na tayong lilinisin na mga classrooms.
Aarangkada na rin po ang K to 12 Basic Education Program, na magbibigay ng sapat na panahon sa ating mga kabataan na matutuhan ang iba’t ibang konsepto, kakayahan, at kaugalian. Hindi po magtatagal, dahil kaya na nating makasabay sa sistemang pang-edukasyon ng mga modernong bansa, lalo pa nating makikita ang pamamayagpag ng kabataang Pilipino sa iba’t ibang larangan. Uulitin ko lang po, nasabi ko na dati, sa buong mundo po tatatlo na lang ang bansa na mayroong ten-year basic education program. Sa Asya po nag-iisa tayo. Sa Africa po ‘yung dalawang natitira. Tayo po ‘yung tatlo. Kawawa naman po ang ating kabataan.
Naalala ko nga po ang laging payo ng aking ama tungkol sa halaga ng edukasyon. Sabi niya po: maaaring sikat ka ngayon, pero bukas makalawa, baka laos ka na; maaaring mayaman ka ngayon, pero baka dumating ang panahon na maghihikahos ka. Pero kung nakapag-aral ka, siguradong ‘di mawawala sa’yo ang karunungan at kakayahang itaguyod ang sarili, baliktarin mo man ang ikot ng mundo, ikaw ay handa.
Ano po ba ang prinsipyo sa likod ng lahat ng ito? Lahat tayo ay may itinataya para sa kinabukasan ng bansa, kaya angkop lamang na nagkakasundo at nagkakaisa tayong sumagwan para matupad ang ating hangarin. Samakatuwid, kapag kumakayod ang mga magulang para sa pantustos sa eskwela; kapag nagsusunog ng kilay ang mga kabataan para ma-perfect ang kanilang pagsusulit; kapag nagtataguyod ng kapaki-pakinabang na programa ang pamahalaan, walang duda sa tagumpay ng atin pong bansa. Bakit? Dahil siguradong paglabas ng mga estudyante sa apat na sulok ng silid-aralan, may kakayahan silang magtagumpay sa kanilang piniling larangan at daigin ang hamon ng kinabukasan.
Ngayong nagkukusa ang taumbayan na kabigin ang Pilipinas sa landas na makatuwiran at makatarungan, wala tayong hindi kayang abutin. Ang pakikilahok ninyo sa brigadang ito, ang pagbuhay ninyo sa diwa ng boluntirismo ay patunay sa paglalim at pagyabong ng lakas ng ating demokrasya. Hindi na po tayo mga Juan Tamad na hinihintay lamang malaglag ang nabubulok na bunga ng bayabas. Pinipitas na po natin ang bunga sa tamang kahinugan, dahil maayos natin itong itinanim. Huwag po sana tayong magsawang makiisa at magtiwala sa isa’t isa. Sa ating pagkakapit-bisig, hindi lang bibilis, kundi talagang aarangkada tayo tungo sa ‘di hamak na mas maayos na buhay at mas masaganang lipunan. Ipagpatuloy natin ang bayanihan; ipagpatuloy natin ang pagsulong sa tuwid na daan.
Maraming, maraming salamat po at magandang hapon sa lahat.