PNoy speech at the Palarong Pambansa 2012 Opening Program


Talumpati
ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2012
[Inihayag sa Lingayen, Pangasinan, noong ika-May 7, 2012]
Magandang umaga ho sa inyong lahat.
Iyong puwede hong maupo, maupo ho muna.
Former President Fidel V. Ramos; Bro. Armin Luistro; Secretary Jesse Robredo and Joel Villanueva; Governor Amado Espino; provincial governors present like E.R. Ejercito and Governor Yebes; Representative Sonny Angara; members of the House of Representatives present; former Representative Risa Hontiveros-Baraquel; former Representative Mark Cojuangco; Mayor Patri Chan of Dapitan City, Zamboanga; Chairman Amadito Perez of the Manila Economic and Cultural Office; Chairman Cristino Naguiat; Chairman Ricardo Garcia; other local government officials present; delegates-participants of the Palarong Pambansa 2012; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Sa Ilokano po: Naimbag nga bigat kada ka yo amin apo.  [Applause]
Pero nagpa-practice na rin ho ako ng kaunting Pangasinense, ‘wag ho sanang magagalit si President Ramos, pa-practisin [practice] ko lang nang kaunti: Masantos a kabawasan uhd sikayon amin. [Applause]
Iyong susunod po, turo naman ni Manay Gina de Venecia. Kaya kung nagkamali po, kasalanan ko po; kung tama, dahil sa kanya: Nen ibeneg ya kampanya nanonotan ko’y imbagak ya, “Amayamay manganganan bibii diad Pangasinan.” Mukhang pumayag kayo ho doon ah. Pero natan, mas lalon dimakael iray manganganan bibii diad sikayo. [Applause]
Galing talagang magturo ni Manay Gina.
Bababaleg ya salamat ed sikayon amin.
Iyon, mali na naman ‘yon? [Laughter]
Nagagalak po akong maparito sa Lingayen, Pangasinan, upang pasimulan ang pinakamalaking sports event sa Pilipinas ngayong taon: ang Palarong Pambansa 2012.
Unang-una po, congratulations sa lahat ng nandito ngayon—mula sa mga kabataang atleta, hanggang sa inyong mga mentor at coach, sa ating sports officials, at sa bawat indibidwal at organisasyong nagsumikap upang matagumpay nating mailunsad ang pagtitipon at paligsahang ito.
Ito pong Palarong Pambansa ang nagsisilbing pinakamalaking entablado upang maipamalas ng lahing Pinoy ang kanyang angking-kagalingan sa larangan ng palakasan. Sa mga susunod na araw po, masasaksihan ng sambayanan ang pagtatagisan ng galing, ang mga patalasan ng dunong, ang pagpapamalas ng husay ng mga atletang Pinoy mula sa iba’t ibang larangan, mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.
Mahigit anim na dekada na nga pong nagbibigay-daan ang Palarong Pambansa para malinang ang kakayahan ng ating mga atleta para sa mga lokal at internasyonal na kompetisyon. Ito rin ang nagsisilbing lunsaran ng ating pagtuklas sa mga kabataang Pilipinong magdadala ng karangalan sa bansa sa mga pandaigdigang entablado. Dito nga po sa Palarong Pambansa unang ipinunla ang mga alamat nina Lydia de Vega at Elma Muros para sa Athletics, Danny Ildefonso at Marlou Aquino para sa basketball; Susan Papa at Eric Buhain sa swimming; at Chiefy Caligdong at Kristopher Camcam ng Azkals para naman sa football.
Mulat po tayong lahat: Tulad nila, hindi lamang kayo bumangon isang umaga, at natuklasang kayo na ang pinakamahuhusay sa larangan na inyong kinabibilangan. Namuhunan kayo ng pawis at panahon; nagsakripisyo kayo para marating ang puntong ito. Alam kong hindi biro ang pagbabalanse sa paglalaro, at sa pagbabasa ng libro sa ekswela. Mulat akong may mga oras na kinakailangan ninyong isakripisyo ang panahon sa pamilya at mga kaibigan, para lang makatutok sa inyong kasanayan.
Pero tulad nga po ng kasabihan ng mga matatanda: “Kung may tiyaga, may nilaga.” Tagumpay ang bunga ng pagtatambal ng talento at pagsisikap. Kayo ang nagpapatotoo, walang pinanganak na kampeon—ang mga tropeo’t medalya ay nakakamit mula sa disiplina at puspusang dedikasyon.
Sa inyong lahat na nandito ngayon: saludo ako sa inyo. Nawa’y maging mabuting halimbawa kayo sa mga kapwa ninyo kabataan. Nawa’y maging bukal kayo ng inspirasyon sa iba pa ninyong mga kababayan.
Asahan naman ninyo na patuloy ang suporta ng inyong pamahalaan sa pagpapabuti at pagpapaigting sa larangan ng sports sa bansa. Para nga po sa Palarong Pambansa 2012, naglaan ang Department of Education ng mahigit 200 milyong piso. Ito po ay upang matiyak na sapat ang mga kagamitan ng ating mga atleta, at masigurong tatakbo nang maayos ang paligsahan.
Bukod naman sa pakikituwang sa DepEd sa pangangasiwa sa mga kompetisyon, nakalatag na rin po ang 2011–2016 Philippine Sports Roadmap ng Philippine Sports Commission. Kabilang dito ang tinatawag nating “focus sports policy,” kung saan … (pasensya na po kayo, dapat yata sumama ako sa inyong magensayo para lumakas ang atin pong kalusugan. Para mabawasan rin ho ang mga problema natin, puwede rin ho iyon [laughter]) … kung saan tututukan ang pagpapaunlad sa ilang napiling larangan, kabilang na ang boxing, taekwondo, athletics, swimming, wushu, archery, wrestling, bowling, weightlifting, at billiards … (mayroon ho yatang nakaalala po sa akin [laughter]). Halos dalawandaang milyon po, o 33 percent ng tinataya nating annual remittance sa ilalim ng National Sports Development Fund ang ilalaan para sa pagpapaunlad ng mga sports na nabanggit.
Pagdating po sa larangan ng palakasan at kalusugan, hindi rin po natin kinakalimutan ang mga kababayan nating higit na nangangailangan—kasama na rin ang mga inmates, Persons with Disabilities, at iba pang mga kabataan.
Nitong taong 2011, muli na po nating nailunsad ang Batang Pinoy, isang programang nakasentro sa paghuhubog sa kaugalian ng mga kabataan sa pamamagitan ng sports at iba pang mga laro.  Ibabalik din po natin ang Philippine National Games bilang national try-out para sa mga atleta natin mula sa grassroots level—upang mabigyan sila ng pagkakataong makalaro sa Philipine team. Gaganapin po ang mga susunod na paligsahan sa Dumaguete City sa buwan ding ito.
Aabot naman po ng 5,000,000 piso ang inilaan nating pondo para sa mga Persons with Disabilities, upang maipagpatuloy ang kanilang pakikilahok sa iba’t ibang sports events. Gayundin, halos 8,000 inmates mula sa iba’t ibang piitan sa bansa ang regular nating binibigyan ng fitness regimen upang mapangalagaan ang kanilang pangagatawan at kalusugan.
Nais ko naman pong magpasalamat sa probinsya ng Pangasinan, sa pamumuno po ni Governor Espino, sa inyong pagsusumikap sa pagiging host ng Palarong Pambansa sa taong ito, at sa mainit ninyong pagtanggap sa bawat isa sa atin ngayon dito.
Sa inyo namang mga kalahok sa Palarong Pambansa 2012: pagkatapos ng kompetisyon, ito sana ang maging bitbit ninyong pabaon—hindi natatapos ang laban sa tunog ng pito, sa hudyat ng batingaw, o pagtapak sa Finish Line. Hindi nagtatapos ang inyong laban sa palaro, marami pang pagsubok sa tunay na buhay at kalakhang lipunan ang makakaharap ninyo. Nawa’y gamitin ninyo ang lahat ng inyong natutuhan dito sa pagdaig sa mga hamong humaharap sa ating bayan.
Patuloy sana kayong mangarap. Patuloy kayong mangahas sa pag-abot sa kung anumang minimithi ninyo sa buhay. Tuloy lang ang pagsisikap, tuloy lang ang disiplina, tuloy lang ang sakripisyo, at tiyak na sa mas malaking entablado na kayo paparangalan at hahakot ng mga medalya’t tropeo.
Ngayon po, pormal na nating binubuksan at pinasisimulan ang Palarong Pambansa 2012.
Sa inyong lahat: good luck sa inyong mga laban. Mabuhay po ang kabataang Pilipino; mabuhay ang atletang Pinoy.
Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment