Speech of President Aquino, Philippine Air Force Aviation Cadet and Officer Candidate Alumni Association

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
Annual Awarding Ceremonies of the Philippine Air Force Aviation Cadet and Officer Candidate Alumni Association, Inc.
[November 20, 2010, Fiesta Pavilion, Manila Hotel]
Ikinagagalak ko pong maging bahagi sa pagtitipon ng mga tapat at mahuhusay na mga miyembro ng Philippine Air Force Aviation Officer Alumni Association, o PAF-ACes. Hindi lamang po ito pagdiriwang sa dedikasyon ng inyong mga kasapi, kundi isang pasasalamat na rin sa kanilang patuloy na pagsasakripisyo at pagbabandila sa galing ng mga Pilipinong piloto, lalo na sa ibayong dagat. Sa loob ng animnapu’t limang taon, pinatunayan ninyong pang-world class ang inyong kakayahan at serbisyo. Bagaman may ilan sa inyong hanay ang piniling subukin ang kapalaran sa ibang bansa, pinapatibay lamang nito na marami pa ring mga dayuhan ang walang sawang namumuhunan at nagtitiwala sa mga pilotong Pinoy.
Noong ika-isandaang araw ng ating panunungkulan, ibinalita kong handa nang umarangkada tungo sa kaunlaran ang bansa. At nais kong malaman ninyong malaki ang naiaambag ninyo sa pag-arangkadang ito, lalo na po sa larangan turismo.

Maraming, maraming, maraming salamat po sa inyong lahat. Lahat ng nababalitaan nating paglakas ng piso, bawat frontpage na nababasa ukol sa paglago ng ekonomiya ay nagiging posible dahil sa inyong pakikiisa at pakikipag-ugnayan sa mandato nating makamit ang tunay pong pagbabago. Dahil sa patuloy na pakikilahok ng nakararami, handa na muling kilalanin ng buong mundo ang tunay at likas na galing po ng Pilipino sa anumang larangang nais pasukin nito.
Bilang mga piloto, batid ninyong imposibleng makabwelo at makalipad kung baku-bako, madaming lubak, at hindi matuwid ang inyong paliparan. Ika nga nila, naghahanap lang kayo ng disgrasya. Katulad din po ito ng ating gobyerno. Bilang inyong bagong piloto, kailangan ko munang tiyakin na maayos ang makina, at walang makakasagabal sa runway para sa mapayapang take-off ng bansa natin. Ang mga kailangang ayusin sa makina, kinukumpuni na natin. Ang mga lubak at butas, pinapatag na po natin. Ang mga sagabal, tinatanggal agad natin. Dahil dito, handa na po ang tuwid at patag nating paliparan. Naghihintay na po ito para sa paglipad natin tungo sa isang bayang may mas malakas na kalakalan, mas maraming trabaho at higit na malaking pagtitiwala ng publiko sa kanilang gobyerno.
Hindi lang po tayo ngayon kinikilala; tinitingala na po tayong muli ng ibang mga bansa. Subalit hindi magiging madali ang pagpapanatili ng ganitong sitwasyon. May mga pagkakataong magiging mauga ang paglipad natin. Umaasa ako sa inyong tiwala at lakas ng loob sa mga pagkakataong ganito. Kumapit tayo at manindigan sa kakayahan ng bawat isang mapagtagumpayan at malampasan, gaano man kalakas ang humahagupit na pagsubok sa atin.
Kamakailan lamang po ay iniutos kong pag-aralan kung paano mapapadami ang mga international airlines na makakapasok sa ating mga paliparan. Maliban sa pagbubukas nito ng pinto sa higit na madaming turista na magpapalakas sa turismo natin—alam ho niyo kasi, ang Pilipinas tatlong milyon ang turista, ang Malaysia, 22 milyon lamang—mas mapapabilis din nito ang pag-angkat ng mga produkto at komersyo, papasok man o papalabas ng bansa. May mahalagang papel na gagampanan ang repormang ito sa pagpapaunlad sa apat sa sampung pinakamalaking Public-Private Partnership Programs na isinusulong ng ating administrasyon. Ang pagsasaayos ng mga airport ng Bohol, Puerto Princesa, Legaspi at Laguindingan ang magsisilbing pinto sa pagkatok ng kaunlaran. Papasok ang mas maraming international carriers at dadagsa rin ang mas maraming negosyo. Kakailanganin natin ng mas maraming hotel na tutuluyan ng mga bisita, mas maraming tindahan na bibilhan nila ng mga pagkain at souvenirs, mas maraming serbisyong maaaring pagkakitaan ng ating mga kababayan. Kaugnay nito, nagsimula nang pagandahin at gawing moderno ng Manila International Airport Authority ang kanilang mga tourist lounge, at mga immigration areas. Maging ang mga lumang signages ay isinalin na rin nila upang mas madaling maintindihan ng mga turista mula sa China, Japan, at Korea. Sa ganitong hakbang, tinutulak din natin na pagbutihin ng mga local at domestic airlines ang kanilang mga gamit, serbisyo, at higit sa lahat, ang mga pribilehiyo ng mga piloto at ng kanilang mga empleyado.
Gaya nga po ng nasabi ko, hindi nagkakalayo ang galing at kalibre ng mga pilotong Pilipino sa mga banyaga kung sa pagpapalipad lang naman ang pag-uusapan. Marahil ay higit na mas mahusay pa nga tayo sa kanila. Ang problema lamang po, oras na inihambing nila ang kanilang mga sahod at benepisyo sa mga natatanggap ninyo, magkakaiyakan lang yata po tayo.
At hindi nalalayo dito ang kabuuang estado ng ating Philippine Air Force—isama na po natin ang buong Sandatahang Lakas. May kakulangan sa modernong mga gamit, may kakulangan sa sweldo, may kakulangan sa pabahay at benepisyo. Sa kabila nito, nananatili kayong tapat sa inyong sinumpaang tungkulin. Handa pa rin kayong ipagtanggol ang ating teritoryong-himpapawid, walang takot na pinapalipad ang mga luma nating mga eroplano, kahit na batid ninyo ang panganib na maaaring dulot nito. Hindi naman po tamang kulitin namin kayo sa magandang antas ng serbisyo niyo kung ang mga pinapalipad po niyo ay sanggol pa lang si Gen. Sutelo; matagal na sila sa serbisyo.
Alam po niyo, hindi naman kayo nag-iisa talaga. Tinatanong po ako kung ipa-prioritize ‘yung mga eroplanong ginagamit namin. Sabi ko, tama na muna tayo dito sa F-28 na ibinili po yata noong 1983. ‘Yung nagpapalipad po ngayon ay nag-graduate 1990 pa yata. Sumakay po tayo doon sa mga helicopter—‘yung 412. Maganda. May nahuhulog lang hong spring sa loob, pero ok lang po ‘yan. Basta sinabi po ng wing commander maayos, ako po ay may tiwala sa kanya. Katabi ko naman po siya, kaya sasakay po tayo diyan.
Ibig sabihin lang naman po niyan, mahirap naman ho kung hihingi ako ng sakripisyo sa inyo. Ako naman ay hindi makikibahagi sa sakripisyong dinadaanan niyo. Sama-sama po tayo dito sa landas ng pagbabagong ito. Kung mayroon akong ipapakiusap sa inyo, mauuna na muna ako.
Kaya naman po bilang bahagi ng AFP Modernization Program, maliban sa pagbili ng mga bagong air assets at surveillance equipment, magkakaroon na rin po ng mga mas modernong makina at kagamitan gaya ng Combat Utility Helicopter at Basic Trainer Aircrafts ang ating Philippine Air Force. Sinusuri na rin po ng GSIS, DBM, at AFP kung paano mapapabilis ang paglabas ng mga pensiyon ng ating mga retiradong sundalo. Wala po kaming papalampasin dahil hanggang sa mga benepisyong pangkalusugan at maayos na pabahay, titiyakin nating mapupunan ang mga kakulangang hindi nabigyang-pansin at nabalewala ng halos isang dekada. Pag-aaralan din po natin kung paano higit na mahihikayat ang mga kabataan na sumama sa hanay ng Philippine Air Force. Tiyak kong mas madali nating magagawa ito kung malinaw sa kanila na isang karangalan ang mabigyan ng pagkakataong manilbihan para sa kaunlaran ng bayan.
Sa labing-pitong natatanging kasapi ng PAF-ACes na gagawaran ng mga parangal ngayong gabi; kasama ko ang taumbayan sa pagsaludo sa inyong dedikasyon, integridad, at sa walang-pagdadamot na paninilbihan sa bayan. Magsilbi sanang sagisag ang inyong mga parangal sa tiwala at pasasalamat ng taumbayan sa inyo. Umaasa ako sa inyong patuloy na katapatan sa inyong sinumpaang tungkulin, at nawa’y maraming kabataan ang sumunod sa inyong mga yapak. Muli, maraming salamat po.
Hindi po madali ang pagtahak sa tuwid na daan. Gaya rin nito ang inyong paglipad; hindi araw-araw na maliwanag ang langit, hindi palaging bughaw ang kalawakan. Kaliwa’t kanan ang babalakid sa atin; may mga dambuhalang ulap na haharang sa ating payapang paglipad. Bilang inyong piloto, gagabayan ako ng tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin, gayundin ng aking lalong tumitibay na panata: hindi ko kayo bibiguin, kayo pa rin ang aking Boss. Payapa man o masungit ang panahon, umaasa akong hindi kayo bibitaw.
Kaya naman, fasten your seatbelts na raw po, Pilipinas. Tuloy-tuloy na ang arangkada natin sa tuwid na paliparan. Walang makapipigil sa paglipad natin tungo sa katuparan ng ating mga pangarap.
At bago po ako magtapos, pwede ho bang magtaas ng konting bangko?
Alam ho, nanggaling tayo sa Amerilka, naguwi po tayo ng hindi bababa ng 2.4-billion na investments, mayroon pa hong grant na 400-million plus. Nagpunta po tayo sa Vietnam, nakausap natin ang Prime Minister ng Japan. Mayroon po tayong 21-billion pesos na loan para sa upgrading ng ating mga kalsada sa buong kapuluan. At nangaling nga ho tayo dito naman sa APEC. Sa APEC po nakausap ko yung tatlo lang na malalaking korporasyon na Hapones. Awa ng Diyos po ‘pag pinagsama-sama ‘yung kanilang ipinangako’t ikinommit, at inumpisahan nang i-invest dito sa atin, hindi na po bababa ng mga $5.4-bilion. At hindi pa ho nagtapos doon. Pagdating ko po dito sa Pilipinas, nag-annibersaryo po ang Proctor & Gamble; 75th anniversary na po nila ito. At sila po ay kasalukuyang mag-e-expand ng kanilang Cabuyao plant to the tune of 2.5 billion pesos more.
Talaga naman ho yatang umaayos ang ating ekonomiya. Pati ho ‘yung Stock Market nandiyan na rin po, na ‘yung dating 4,000 na ipinagmamalaking nilang index na bahagya raw maaabot. Ngayon po, ‘yung mga nagdududang aabot tayo ng 4,000 ay hinihintay nalang raw po nila ay ‘yung 5,000 na malapit nang marating.
Pero, mayroon pa hong mga galit na tao diyan. Ayaw ho yata tayong umasenso. Ayaw nilang umangat sa kahirapan ang ating mga kabayan. Pasensyahan nalang po; hindi ko sila pagbibigyan. Tuloy-tulong nga ho ang arangkada natin.
At ang huling balita ko nalang ho sa inyo. Ako po sa reserve status ay miyembro at kahanay ng Air Force, kaya lang ‘pag nagkagiyera po, ako po’y Sergeant. Pero siguro ho, talagang damang-dama ko—hindi sa pagiging Air Force reserved status ko—damang-dama ko ho ang situwasyon ninyo. Ako po’y, noong pabalik galing Amerika, kausap ang isa sa mga piloto. Tapos, sabi niya sa akin, “Thank you for wanting to be President.”
Niliwanag ko po sa kanya, “I never wanted to be President, especially after the administration that I replaced.”
Sabi po niya, “Then thank you anyway for accepting it.” Mabigat ho talaga iyon. Nakikita ko sa situasiyon niyo. Sinanay kayo maging dalubhasang mga piloto, at iba-iba pang mga skills ang in-impart sa inyo. Ibibigay sa inyo eroplanong mine-measure ang edad hindi po sa taon kundi sa dekada.
So kumbaga namili kayo—sa isang hanay: pwede naman tayong komportable, pwede naman tayong mag-commercial lahat, pwede na tayo doon na lang sa puro ginhawa ang iniisip. Pero marami ho sa inyo napag-isip, ‘di ho ba? Kung hindi tayo, sino pa? Kung hindi ngayon, kailan pa? Hindi ko maipapangako sa inyong ngayong gabi nasa kadiliman pa tayo, bukas sobrang liwanag na. Hindi po. Marami ho tayong kailangang ayusin. Ang kaya ko lang ho ipangako sa inyo: bawat araw na tayo ay dumidilat, ‘yung sakripisyo niyo ay hindi masasayang, dahil pabawas na nang pabawas ang problemang hinaharap po ng sambayanan, dahil nga ho nandiyan kayo, handang pumila, magsakripisyo. Nandito po ako, kabalikat niyo sa tungo ng bagbabago sa ating bansa.
Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong lahat.