Speech of President Aquino, UP Law Grand Alumni Homecoming

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
At the UP Law Grand Alumni Homecoming
[November 19, 2010, Makati Shangri-La Hotel, Makati City]
[Please check against delivery]
Magandang gabi po.
Una sa lahat, lubos po akong nagpapasalamat sa inyong paanyaya na makasama kayo ngayong gabi. Ikinalulugod kong makasalo ang magigiting na abogadong naririto ngayon sa inyong 2010 UP Law Grand Alumni Homecoming. Nagpapasalamat din po ako sa bumubuo ng UP College of Law Silver Jubilarian Class of 1985 sa kanilang masusing paghahanda sa pagtitipong ito. Tunay na maipagmamalaki ang “all-star cast,” na batch ninyo. Patuloy kayong nagtatagumpay sa inyong mga karera, at sa katunayan, marami sa inyo ay kapwa nating nagsisilbi para sa pagpapabuti ng bayan.
Sa darating na 2011, ipagdiriwang naman ng buong pamayanan ng UP law ang inyong sentenaryo. Kasama ninyo ako at ang sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ikasandaang taon ng pagtataguyod ng walang-kinikilingang hustisya para sa ating inang bayan. Kasabay nito, umaasa rin ako na ang inyong institusyon ay magbunga pa nang mas maraming magigiting na abogado sa mga darating pang henerasyon.

Naalala ko po: kapag nagkukwento ang aking ama, hindi ko maiwasang mapansin ang taas-noo niyang paninindigang nag-iisa lamang ang natatanging Unibersidad sa bansa, at wala pong iba ‘yan kundi ang Unibersidad ng Pilipinas. Sa dami ng kwento niya tungkol sa mga karanasan niya bilang isang Iskolar ng Bayan, aaminin ko po, bilang isang Atenista, paminsan-minsan ko ring ninais na umalma sa mga sinasabi niya. Gayunpaman, hindi nagbago ang pananaw kong ang mga taga-Diliman at ang mga taga-Katipunan ay magkapitbahay lamang; kabalikat sa kabilang bakod ang kapwa, at isang katok lang ay nandiyan agad, tuwing may problema.
Walang itulak-kabigin ang hanay ng mga produkto ng Unibersidad ng Pilipinas, lalo na ng UP College of Law, kaya naman lubos ang paghanga ko sa institusyong ito. Sa halos sampung dekada, kayo ang nagsilbing lunsaran ng mga susunod na pinuno sa bansa. Apat na alumni ninyo ang naging pangulo ng Pilipinas, habang labindalawa naman ang naging Chief Justice ng Korte Suprema. Aabutin naman yata tayo ng hating-gabi kung iisa-isahin ko pa ang lahat ng Senador at Kongresistang miyembro ng inyong grupo. Kung tutuusin, hindi na mabilang ang mga kasapi ninyong nakilala bilang mahuhusay na law practitioners, mga opisyal at mga pinuno sa pamahalaan, at maging mga pioneers sa pribadong sektor.
Kamakailan lamang po, dumalo rin ako sa katulad na okasyon. Nagkaroon din kasi ng reunion ang San Beda Law, at naging bahagi rin ako ng kanilang salu-salo. Sa gitna ng mga pagdiriwang, habang ginagawaran ang kanilang mga natatanging alumni, hindi ko maiwasang mapansin: andami palang abogado sa bansa.
Natural, ang susunod na tanong ay: Eh, nasaan ba sila?
Nang sumagi ito sa akin, hindi ang dami ng abogado sa harap ko o bilang ng mga nakapasa sa bar ang naisip ko. Tiyak kong madali lang masagot ang mga ito. Sa halip, mas higit akong nabahala sa bilang ng mga pamilyang patuloy na naghihintay ng katarungan matapos silang mabiktima ng karahasan. Mas higit akong nabahala sa bilang ng mga patuloy na nang-aabuso, at hindi pa rin nasasampahan ng nararapat na kaso. Mas higit akong nabahala sa mga nakatambak na papel sa korte, mga kasong pagkalipas ng halos isang dekada, ay hindi pa rin umuusad.
Muli, nasaan na ang mga abogado? Nasaan na ang mga nanumpang itataguyod nila ang hustisya at pangangalagaan ang Saligang Batas?
Ilan ba sa inyo ang makapagbabalik-tanaw sa unang araw ninyo sa Malcolm Hall, pawisan pang tumatakbo nang di mahuli sa klase ninyo sa College of Law, walang ibang hangad kundi ang maging sandata laban sa katiwalian, laban sa mapang-abuso at laban sa mga kalaban ng katarungan?
Ngayon, abogado na kayo. Kaliwa’t kanan na ang mga okasyong kailangan ninyong daluhan. Sa ibabaw ng inyong mesa, sampung dangkal na marahil ang mga papeles na dapat ninyong pirmahan. Santambak na ang mga karaniwan at pang-araw-araw ninyong tungkulin sa law firms, sa korte, sa iba’t ibang pampubliko at pribadong opisina. Marami na sa inyo ang abala sa paninigurong sila ay bihis-abogado, gupit-abogado, amoy-abogado, galaw-abogado, pormang-abogado. Ang panawagan ko lang po, maalala sana natin palagi kung paano maging abogado.
Tiwala ko pong kaisa ko kayo sa aking paninindigan: Wala sa laki ng sahod, o gara ng damit o sasakyan ang pagiging abogado. Ang abogado ay kakampi ng katarungan. Ang abogado ay kakampi ng mga api sa lipunan. Ang abogado ay sumumpang pagsilbihan ang bayan.
Marahil, sa isang sulok nitong silid, may mga bumubulong na napaka-idealistic ng sinasabi ko. Sa katunayan, simple lang ang nais kong ipaabot na mensahe. Maging daan sana ang reunion na ito upang manumbalik, hindi lang ang saya, ang pait, ang mga alaala nang kayo’y nagsusunog pa ng kilay upang mairaos ang abugasya. Higit sa anuman, ang nais ko sana ay magbalik-tanaw din kayo sa tunay na adhika ninyo nang kayo ay inaaruga pa ng UP. Sa gitna ng inyong salu-salo, manumbalik din sana ang mithiin ninyong maging tapat na mga bantayog ng walang-pinapanigang hustisya at tagapaghatid ng katarungan para sa lahat. Huwag po sana ninyong bibiguin ang inyong mga kababayan. Huwag sana ninyong bibiguin ang inyong bansa. Huwag sana ninyong bibiguin ang inyong propesyon. Huwag sana ninyong bibiguin ang inyong mga sarili.
Nagtagumpay na kayo sa larangang inyong kinabibilangan. Umaasa akong mas makapag-aambag pa kayo, lalo na sa pagtataguyod natin ng tunay na demokrasya. Makakamit lamang ito kung naipagkakaloob ang hustisya para sa ating mamamayan. Maaabot lamang natin ito kung higit na napagtutuunan ng pansin ang kapakanan ng taumbayan. Huwag nating bigyan ng puwang sa ating burukrasya ang mga indibidwal na ginagamit lamang ang kanilang katalinuhan para sirain ang pundasyong itinatag ng marami sa inyong mga alumni.  Naniniwala ako na ang UP Law ay hindi nagkulang sa kaniyang responsibilidad sa bayan.
Hindi natin makalilimutan ang matalas at matapang na opinyong ligal na isinagawa ng UP Law center noong taong 2005 na nagsiwalat sa maanomalyang Northrail Project na nagkakahalaga ng 500 milyong dolyar na humigit kumulang ay katumbas sa 22 bilyong piso na  kung nagkataon ay pinapasan na natin ngayon.
Kabilang din ang UP Law sa mga nagbigay ng boses para ipagtanggol ang karapatang-pantao laban sa mga mapang-aping proklamasyon ng nakaraang administrasyon.
Upang lalong mapaigting ng UP ang kanilang pagbabantay sa bayan, tayo ay naglaan ng isang daang milyong piso para sa Faculty Development Fund nito para sa susunod na taon. Umaasa tayo na ang UP Law ay patuloy na magiging kaakibat ng administrasyong ito sa paglaban sa mga tiwali at baluktot, patungo sa tuwid na landas.
Hindi laging madali ang pagtahak sa tuwid na landas. Pareho po ang pananaw natin ukol dito: hindi dapat magsinungaling, hindi dapat mangopya at hindi dapat magnakaw o gumamit ng mga pagsusuring walang pahintulot o wastong pagkilala sa may-akda nito.  Hindi rin dapat sinisindak o tinatakot ng mga nakatataas ang mga taong nais lamang na ipahayag nang malaya ang kanilang opinyon at ilantad ang katotohanan.  Ang mga patakaran na nariyan na noon pang panahon ni Mahoma ay hindi dapat ginagamit para pagtakpan ang kasalanan ng mga naligaw sa baluktot na daan.  Kaisa ako ng buong UP Law, lalo na ang tatlumpu’t pitong miyembro nito, sa kanilang adhikain na ituwid ang baluktot na daan.
Inaasahan po ng taumbayan na maging totoo at pantay ang katarungan para sa lahat. Nagsusumikap po tayo na ibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyon, kaya nga po makikiusap tayo sa Korte Suprema upang maging bukas sa posibilidad ng pagbo-broadcast ng paglilitis sa Maguindanao Massacre.
Dalawa lamang po ang punto natin dito. Una, hindi naman po yata makatarungan na ilulubog pa natin sa kahirapan ang mga pamilya ng biktima, dahil sa paggastos ng pamasahe upang masubaybayan ang paglilitis. Ikalawa po, at higit sa lahat, nais po nating ilahad sa buong bayan na walang itatago at walang kikilingan ang hustisya sa kasong ito.
Batid po nating masalimuot ang daan tungo sa pagbabago. At aaminin ko pong hindi ko ito kakayaning mag-isa. Kailangan ko ang tulong ng mga gaya ninyong may kakayahang maitaguyod ang katarungan sa lipunan. Nakasalalay sa pagkakaisa natin ang tagumpay ng mandato nating makamit ang pagbabago. Walang dapat maiwan sa kaunlarang atin nang nararanasan at patuloy na pangangalagaan.
Naitakda na po natin ang direksyong ating tatahakin. Matagal-tagal din po tayong kinumutan ng kadiliman. Ang kagandahan nito, sa sobrang dilim ng kahapon, kitang-kita natin ngayon ang bawat kislap ng liwanag. Ito ang patuloy na nagbibigay sa atin ng pag-asa. Nasa panibagong yugto na tayo kung saan pinananatili nating nag-aalab ang liwanag na gagabay sa atin tungo sa makatarungan at tunay na kasaganahan.
Muli, binabati ko po kayo sa tagumpay ng pagtitipong ito. Maraming salamat at mabuhay po ang Unibersidad ng Pilipinas!