Inihanda ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo noong Ika-30 ng Disyembre 2010
Nilagdaan kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay ang isang kautusan na nagtatatag ng isang code of conduct para sa mga opisyal at kawani ng Kagawaran, bilang pagtatapos sa taong 2010 at sa kanyang unang anim na buwan ng panunungkulan.
Inilarawan ni Baldoz ang kautusan bilang isang “istratehiya na naglalayong itaguyod ang tapat at mahusay na serbisyo publiko at upang ihanda ang lahat sa Kagawaran sa paglaban sa lahat ng uri ng katiwalian at korupsyon.”
“Ngayon, sa araw ng paggunita sa ika-114 anibersaryo ng kamatayan ng pambansang bayaning Dr. Jose Rizal, nakikiisa ang DOLE sa sambayanang Filipino sa isang panata upang tiyakin ang isang mahusay na pamamahala sa paggawa, alinsunod sa 22-puntong adyenda ni Pangulo Benigno S. Aquino III sa larangan ng paggawa at hanapbuhay, sa pamamagitan ng isang code of conduct na gagabay sa uri ng ating buhay bilang kawani ng pamahalaan sa susunod na anim na taon at sa darating na panahon,” pahayag ni Baldoz matapos niyang lagdaan ang Administrative Order No. 476, Series of 2010, sa Intramuros, Maynila.
Si Baldoz ang kauna-unahang Kalihim ng Kagawaran na nagpalabas ng code of conduct laan para sa DOLE, na sa nakaraang anim na buwan ay naglatag ng sunud-sunod na mga reporma ayon sa kautusan ng Pangulo sa usapin ng paggawa at hanapbuhay.
Bilang code of conduct, ang AO No. 476 ay naglalaman ng partikular na patakaran sa katapatan sa tungkulin; conflict of interest; panghihingi at pagtanggap ng mga regalo; hanapbuhay sa labas; nepotismo; kroniyismo; confidentiality; post-employment; procurement; consulting services; at proyektong imprastruktura; pagsusuplong ng katiwalian, korupsyon; at ibang protektadong pagsisiwalat; mga kaparusahan at pagpapatibay; at sistema ng mga insentibo at gantimpala .
Ang code ay sumasalamin sa mga probisyon ng Republic Act No. 6713, na lalong kilala sa tawag na Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na isinabatas noong panunungkulan ng yumaong Pangulong Corazon C. Aquino. Ang RA 6713 ang pamantayan ng wastong asal para sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Baldoz, layon nitong “magsilbing instrumento para maisakatuparan ang misyon, pananaw, at layunin ng DOLE; at isabuhay ang mga mahahalagang alituntunin; itakda ang mga pamantayan at limitasyon para sa mga 9,208 opisyal at kawani ng DOLE upang matugunan ang pinakamataas na pamantayan ng kahusayan at integridad sa kanilang pagsasagawa ng katungkulan; magsilbing tagapaghadlang sa mga tiwaling gawain; maglaan ng kaukulang parusang administratibo sa anumang paglabag; at magsagawa ng mga epektibong mekanismo para sa mahusay na pag-uugali at pananagutan at magkaloob ng gantimpala at insentibo.”
Ang code ay ginagabayan ng probisyon ng R.A. 9845 (Anti-Red Tape Act of 2007); R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); R.A. 9184 (Government Procurement Reform Act); 1987 Administrative Code; Civil Service Rules and Regulations; Presidential Decree No. 749 (Granting Immunity from Prosecution to Givers of Bribes and Other Gifts to their Accomplices in Bribery and other Graft Cases against Public Officers); P.D. No. 46 (Making it Punishable for Public Officials and Employees to Receive, and for Private Persons to Give, Gifts on any Occasion, including Christmas); P.D. No. 6 (Amending Certain Rules on Discipline of Government Officials and Employees), and Title VII, Revised Penal Code (Crimes Committed by Public Officers).
Bagaman pangkalahatan ang saklaw ng R.A. No. 6713, sinabi ni Baldoz na ang code of conduct ng DOLE ay partikular para sa mga opisyal at kawani nito.
“Ito ay nabubukod-tangi dahil ito ay may nilalamang probisyon bunga ng malawak at masusing pag-uusap at konsultasyon sa lahat ng kinauukulan,” aniya.
Isa sa mga bukod na katangian ng code ay ang mga probisyon nito na naghihikayat sa pagsusuplong ng mga tiwali at masasamang gawain at iba pang protektadong pagbubunyag, sa ilalim ng Rule X, na nagsasaad ng kondisyon para sa tagapagsuplong at protektadong pagbubunyag.
Pinamamahalaan ng mga probisyong ito ang paggamit sa isiniwalat na impormasyon at nagbibigay ng karapatan at proteksyon sa mga magsusuplong, kabilang din ang mga insentibo.
“Simula 2012, halimbawa, maglalaan kami ng taunang pondo katumbas ng isang porsyento ng aming miscellaneous at iba pang operating expenses upang tustusan ang mga benepisyo ng tagapagsiwalat sa ilalim ng code,” ayon kay Baldoz.
Isinasaad ng code na ang agency-level Efficiency and Integrity Board (EIB), isa sa mga bagong reporma ng DOLE at binubuo ng tripartite partners, ang siyang susuri sa mga pagbubunyag ng katiwalian 10 araw pamulang ito ay matanggap, at ibibigay ito sa Legal Service na siyang magsasagawa ng pagsisiyasat na dapat matapos nang hindi hihigit sa apatnapu’t limang araw mula sa petsa ng pagkakatanggap ng reklamo.
Sinabi rin ni Baldoz na isa sa mga katangian ng code ay ang probisyon nito sa DOLE core values.
“Isinasaad ng code na ito ang core values ng DOLE kung saan kami ay dapat sumunod at siya rin naming itinataguyod bilang paraan ng pamumuhay. Ang mga pangunahing dapat isaisip at isagawa ay tungkulin bukod sa lahat, walang pagkiling, integridad, katapatan, at kahusayan,” dagdag pa niya.
“Ang aming katungkulan ay ayunan ang kapakanan ng publiko laban sa anumang personal na interes at maging kapakipakinabang sa pamamagitan ng paggawad ng mabilis, magalang, at sapat na paglilingkod sa publiko. Sa pagiging patas at integridad, layunin naming maging totoo sa tao, walang sinumang isasantabi, igalang ang karapatan ng iba sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawaing labag sa batas, tamang pag-uugali, at kaligtasan at kaayusan ng pamayanan, at mamuhay ng payak.,” dagdag pa niya.
“Sa usapin ng katapatan, kami ay para sa demokrasya at hindi namumulitika. Nilalayon din namin na manatiling tapat at totoo sa Republika, sa Saligang Batas, at sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng batas, patakaran, at alituntunin at iba pang kautusan ng mga itinalagang kapangyarihan ng pamahalaan.”
“Panghuli, layunin naming isagawa ang aming mga tungkulin sa pinakamataas na antas ng kahusayan, propesyunalismo, katalinuhan, at kasanayan.”
No comments:
Post a Comment