Pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa pahayag ng Korte Suprema kontra sa Truth Commission

Pahayag
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa pahayag ng Korte Suprema kontra sa Legalidad ng Truth Commission
[ika-8 ng Disyembre, 2010]
Marami ang nadismaya sa desisyon ng Korte Suprema na ipawalang-bisa ang Truth Commission. Bilang inyong pinuno, tinatanong ako kung ano ang mga susunod kong hakbang.
Kasalanan ba ang maghanap ng katotohanan? Di ba obligasyon kong tuklasin ang katotohanan? Di ba obligasyon ko rin na maparusahan ang mga lumabag sa batas? Di ba tungkulin nating malinis ang pangalan ng mga inakusahan nang walang base?

Nanumpa po ako bilang inyong Pangulo: ipagtatanggol ko ang konstitusyon; ipatutupad ko ang mga batas; at magbibigay ako ng hustisya sa bawat Pilipino. Sino mang alagad ng katarungan ay sumusumpa rin sa kanilang tungkuling kumapit sa kung ano ang totoo.
Ang hinahabol po natin dito ay katotohanan. Itinatag natin ang Truth Commission upang isara ang sinasabing isa sa mga pinakamadilim na kabanata sa ating kasaysayan—at malinaw na makakamtan lamang natin ito kung patuloy nating tutuklasin at kakapitan ang katotohan.
May mga nagtatanong: bakit pa kailangan ng panibagong Komisyon kung nariyan naman ang napakaraming mga institusyong naitalaga na upang isulong ang katarungan?
Nariyan ang Ombudsman, ang Department of Justice, na parehong patung-patong na rin ang tungkulin at nakabinbin na kaso. Natural, kung papasanin pa nila ang ganito kalaking dagdag na trabaho, mas lalong babagal ang paghahatid ng hustisya sa mga kasong ilang taon nang nakabinbin sa kanila.
Ang hustisyang inantala ay hustisyang ipinagkait. Karapatan ng mga walang-sala ang mabawi ang kanilang dangal, at tungkulin ng sistema ang parusahan at panagutin ang mga nagkasala. Paano natin makukuha ang solusyon kung hindi man lang natin matukoy kung ano ang problema?
Kung may isang Komisyon na nakatutok sa mga alingasngas ng korupsyon nitong nakaraang dekada, natural naman pong mas mabilis nating maaabot ang ninanais nating liwanag.
Ang pinakamahalagang layunin nito: bigyang-liwanag ang anumang sadyang hinarang ang pagsisiwalat, at patuloy pang itinatago ng mga nakinabang sa lumang sistema.
Ang sabi po ng Konstitusyon, anim na taon dapat mamalagi ang isang administrasyon. Paano natin tatratuhin na hindi naiiba ang isang administrasyon na halos dalawang terminong nanungkulan? Kung administrasyon ka na lumagpas-lagpas na nga sa inaasahan natin ayon sa batas, di ba naiiba ka nga sa lahat. Nararapat lamang na natatangi ang batayan para sa isang natatanging administrasyon.
Ang tanong ng ilan: inaapi ba natin ang nakaraang administrasyon? O pinipili lang nating isulong ang interes ng mga inapi at ninakawan?
Kaninang 5:47 pm lang nakarating sa amin ang kopya ng desisyon. Mahaba-haba ang mga opinyon, kailangang pag-aralan nang masinsinsan ito, at pag-isipan kung ano ang mabuting gawin.
Mga eksperto na po ang nagsabi, ang pangkaraniwan ay lumalabas ang kopya ng pormal na desisyon sa mismong araw ng pagpahayag nito. Pinagtatalo lang po yata ang magkabilang panig.
Nagpapasalamat na lang po at hindi kami inutusan na isauli ang lahat ng nalikom na ebidensya.
Lilinawin ko po: Hindi nakatutok ang Truth Commission sa iisang tao lamang, kundi sa maraming iba’t ibang mga insidente. Kailangan po nating malaman—hiwa-hiwalay bang kaso ito, o ito ang sistemang umiral sa loob ng siyam at kalahating taon? May mga kakuntsaba pa bang nasa puwesto ngayon, at may pagkakataon pang ipagpatuloy nila ang kanilang pamiminsala?
Di ba’t may pakinabang sa akusado ito na maaaring linisin ang kanilang pangalan? Kasabay nito ang pakinabang sa estado na para makasiguro tayong hindi magpatuloy ang maling gawain, at magbayad ang mga may kasalanan.
Kapag napinsala ang mga Pilipino, hindi po ba kayo nababahala? Hindi po ba kasama ang inyong mga anak, apo, at mga mahal sa buhay na makikinabang sa paglalatag natin ng maayos na sistema, kung saan mananagot ang mga nagkasala?
Sa lawak ng mga akusasyon, mahaba-habang panahon ang gugugulin sa paghahabol sa sanga-sangang ng pinaghihinalaang katiwalian, kung saan ito tumutungo o tuturo. Kung walang tututok dito, ginagarantiya natin ang patuloy na kapinsalaan sa taumbayan.
May pananagutan po tayo. Hahayaan ba nating maantala ang paghahatid ng katarungan sa taumbayan?
May mga tanong ang taumbayan na kailangang masagot. Totoo ba ang Hello Garci, kung saan sinabing nadaya ang eleksyon?
Paanong umusbong ang NBN-ZTE na pagkamahal-mahal na wala namang pakinabang ang bayan?
Saan ba napunta ang pondong pambili ng fertilizer? Ito pong fertilizer scam na ito, parang sine. Sabi po nila, may part one na, nasundan pa ng part two, at tilang may lalabas pang part three na ang siabi po nila mas mas karumal-dumal pa doon sa nauna.
Saan napunta ang pondong diumano’y nawaldas na dapat sana ay napunta sa mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng?
Bukod pa po dito ang napakarami pang ibang midnight deals at midnight appointments. Baka nalimot na po ninyo, P981 million ang halaga ng isang midnight deal na dinaan sa mabilisang hokus-pokus. Noong ipina-rebid, naging 600 million na lang. Ito po bang mga deal na ganito ay talagang naging kalakaran lang noong nakaraang dekada?
Hindi po ba lehitimong mga tanong ito? Hindi ba kung hindi natin maisaayos ang sistema, ay ginagarantya lang natin na mauulit at magpapatuloy ang maling kalakaran?
Tungkulin at obligasyon natin sa bawat Pilipino ang hanapin ang sagot sa mga tanong na ito, lalung-lalo na sa mga handang magsakripisyo at isiwalat ang buong katotohanan ukol sa katiwaliang di umano’y naganap. Nananawagan ako, sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malinaw na panawagan ng taumbayan: huwag po sanang harangan ang aking tungkulin.
Gagawin ko ang lahat ng nararapat sa ilalim ng batas upang itigil ang pamiminsala sa taumbayan. Huwag po kayong magduda, bago ang sarili ko, bago sino man, ang papanigan ko ay ang interes ng taumbayan.
Habang nandito ako, hindi ako papayag na patuloy na apihin ang Pilipino.

No comments:

Post a Comment