Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
During the Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awarding Ceremonies
[December 9, 2010, Heroes Hall, Malacañan Palace]
Isang malugod na pagbati sa mga organisasyong nanalo sa TAYO awards ngayong taon. Ikinararangal kong makasama ang mga tulad ninyong nagsisilbing pinto para sa maraming kabataang Pilipino upang makiisa sa pagsusulong ng ating bayan. Talaga namang lumalakas ang ating enerhiya kapag mga kahenerasyon natin ang ating nakakasama.
Maraming salamat sa mga grupong puspusang naghanda para sa mahalagang paggawad na ito—sa National Youth Commission, sa TAYO Awards Foundation na pinasimulan ng ating butihing kasamahan na si Senador Kiko Pangilinan, (at sa iba pang mga photographer tulad ni Mel at ni Frankie), at sa iba pang ahensya sa loob at labas ng gobyerno. Pang-walong taon na ito na binibigyan niyo ng marapat na pagkilala ang iba’t ibang samahan ng kabataang Pilipino na nagsusulong ng pagbabago sa kani-kanilang malayang pamamaraan, sa kani-kanilang mga komunidad sa buong bansa. Nawa’y magpatuloy pa ang taunang pagkilalang ito, kasabay ng patuloy na pakikilahok ng mas marami pang kabataang Pilipino tungo sa pagpapaunlad ng ating bansa.
Aaminin ko po: mabigat pa rin ang mga problema at hamong kinakaharap ng bansa natin. Ngunit kung iisipin natin ang lakas na maibubunga ng sama-samang pagkilos, naniniwala akong kaya nating makagawa ng pagbabago. Kailangan lamang tumayo ang bawat isa, makiisa, at ang lakas ng indibidwal ay magiging lakas ng isang matatag na grupo. Dito nagsimula ang People Power sa EDSA. Masasabi kong dito rin nagsimula ang People Power nitong nakaraang eleksyon, kung saan karamihan sa inyong sektor ang nagtiwala sa ibinabandila nating pag-asa. Batid din ninyong hindi dito nagtatapos ang tagumpay na ito: lahat tayong mga Pilipino—bata man o dating bata, mahirap man o may kaya—ay mayroong papel na kailangang gampanan sa ating lipunan.
Kayong naririto ngayon, kayo ang mga nanindigan at nakiisa sa ating mandato: ang simulan at unti-unting tuparin ang matagal na nating inaasam na pagbabago.
Sa pakikibahagi ninyo sa inyong mga organisasyon, hindi ninyo ipinagdamot ang inyong oras, talino, at talento upang makatulong sa pagtugon sa mga lokal at pambansang suliranin.
Alam niyo, kung tutuusin, puwede naman kayong magbabad na lang sa Facebook sa free time ninyo, hindi ba? (Baka ako pa ang pinag-iisipan niyo noon.) Kaya naman bilib ako sa inyong mga naririto ngayon. Kung nasa mga networking sites man kayo, alam ninyo kung paano balansehin ito sa inyong mga gawain at trabaho. Alam din ninyo kung paano ito gamitin upang maging behikulo sa paghikayat pa sa mas marami pang tao na makipagtulungan sa inyo. Hindi kayo nagpapagamit sa teknolohiya; kayo ang gumagamit nito upang maging kasangkapan ninyo sa inyong mga mabubuting layunin.
Sa inyong mga inobatibong paraan, ipinamalas ninyo ang inyong dedikasyon na maiangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan sa iba’t ibang larangan—sa edukasyon, kalusugan, kalikasan, kabuhayan, kapayapaan, at iba pa. Lubos ang paghanga ko sa inyo, na sa murang edad pa lamang ay mulat na sa inyong mahalagang papel sa lipunan. Pinatutunayan ninyo sa bansa, sa inyong kapwa Pilipino, at lalo na sa mga kahenerasyon ninyo na kumikilos na ang kabataan sa panahong ito. May pakialam kayo, at imbes na magreklamo nang magreklamo ay nakikibahagi kayo sa solusyon.
Totoong napakalaki ng bilang ng inyong sektor. Halos trenta porsyento ng kabuuan ng ating populasyon ay mga kabataan. Tunay na pambihira ang potensyal nito. Isipin na lamang ninyo: Lampas dalawampu’t pitong milyong Pilipinong nakikipagtulungan sa gobyerno upang supilin ang kahirapan; lampas dalawampu’t pitong milyong Pilipinong nagkakaisa sa pagpapaunlad ng bayan.
Tumayo at nakiisa na kayo sa pagtahak natin sa tuwid na landas. Isipin na lamang ninyo kung isa-isa pang titindig ang iba pang kabataan, ang iba pang Pilipino, at sasama sa atin sa landas ng pagbabago.
Kaya naman, ang isa sa mga hamon ko sa inyo: hikayatin pa sana ninyo ang nakakarami pa nating kababayan. Taglay ninyo ang lakas at sigla; taglay din ninyo ang talino at ang mga ideyang makabago. Gamitin ninyo sa tamang paraan ang inyong pagkabata. Alam kong mayroong iilan na kabataan ang matitigas ang ulo, pasaway; mayroon din sa kanila ang nasasadlak sa iba’t ibang klaseng bisyo. Ngunit huwag sana kayong susuko sa kanila. Nawa’y gabayan ninyo sila at di-magsawang magsilbing ehemplo.
Kasabay ng inyong pagsusumikap, asahan ninyong patuloy pa ang pagkayod ng gobyerno upang mapabuti ang kalagayan ng bansa. Asahan ninyo ang patuloy pang pagsuporta ng aking administrasyon sa sektor ng kabataan.
Katulong ang National Youth Commission, isinusulong natin ang mga inisyatibang nagtataguyod sa kapakanan ng kabataang Pilipino. Isa na rito ang paglikha ng Local Youth Development Councils na siya ring gagabay sa kabataan tungo sa tamang pagpapasya at huhubog sa kanilang kakayahang itaguyod ang nararapat. Nakikipag-ugnayan din tayo sa mga ahensiyang tulad ng United Nations Children’s Fund at United Nations Population Fund upang makapagsagawa ng mga programa para sa aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa komunidad. Mayroon din tayong Unlad-Kabataan Program, ang umbrella program ng DSWD para sa mga kabataang kapuspalad, na may layuning tulungan ang mga out-of-school youth upang sila’y maging responsable at kapaki-pakinabang sa kanilang pamilya at sa komunidad.
Ang layo ng mararating natin bilang isang bansa ay nakasalalay sa sama-sama nating pagkilos. At muli, kinakailangan ang tulong ng bawat isa, lalo na ng kabataan, na siya ring magmamana at magpapatuloy ng itinataguyod nating magandang kinabukasan. Ipaalala ko lang po. Kayo pong nasa kabataan, kung tayo po’y papalarin at maituwid an gating lipunan, matagal kayong makikinabang kaysa sa amin ni Senator Kiko. Pero kung tayo po ay nagtamad-tamaran at nagwalang pakialam, mas matagal naman kayong magdudusa. Kaya mas importante hong doble and kayod n’yo.
Patuloy akong umaasa at nagtitiwala sa inyo. Ang parangal na natanggap ninyo ngayong araw ay bunga ng mabuting hangarin at pagsisikap ng inyong organisasyon. Maging hamon sana ito upang mas pangalagaan at mas pagbutihin pa ninyo ang inyong mga gawain.
Bilang isang organisasyon, alam kong marami pa kayong pagdadaanan. Marami pa kayong haharaping mga balakid sa pagtahak ninyo sa tuwid na landas. Alam kong darating ang mga pagkakataong tila sinasakluban na kayo ng dilim. Ang panawagan ko sa inyo: manatili kayong matatag, huwag kayong lilihis ng daan, at patuloy ninyong pag-alabin ang liwanag ng pag-asa.
Marami na tayong napagtagumpayan sa kaunting panahon ng ating panunungkulan. Wala na po tayong aantabayanan kundi ang positibong resulta ng ating pagbabayanihan. Sa ating pagtutulungan, nasisilayan na natin ang liwanag po ng tagumpay. Patuloy kayong manindigan. Ito na ang tamang panahon para sa ating sama-samang pagkilos. Gaya ng minsang naibahagi ng akin pong Ina: Kung hindi kayo, sino pa? Kung hindi ngayon, kailan pa?
Muli, pagbati sa lahat ng mga pinarangalang organisasyon sa taong ito. Marami pong salamat sa inyong halimbawa. Mabuhay ho—at ito ang pinakaimportante dito—tayong mga kabataan, at mabuhay po tayong mga Pilipino!
No comments:
Post a Comment