Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalo sa ika-63 Alumni Day and Homecoming ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAAI)
[Inihayag sa Borromeo Field, Fort del Pilar, Lungsod ng Baguio noong ika-19 ng Pebrero 2011]
Bago po kayo pumasok sa Philippine Military Academy, maraming taon na marahil ang lumipas. Tiyak kong lahat kayo ay dumating sa isang punto, kung saan kinailangang ninyong pumili: “Ako ba’y magdu-duktor? Ako ba’y magiging inhinyero o magiging guro?” Pinili niyo pong maging sundalo. Pinili ninyong ipagtanggol ang atin pong bayan. Palagay ko po, kaakibat noon ay pinili na rin po niyong ito ay buhay na sakripisyo alang-alang sa kapwa.
Nang nagtapos kayo at iniwan ang bakuran ng institusyong ito, kinailangan ninyong muling pumili. Dahil sa mas mataas ang ranggo ninyo, tinanong ang ating sarili: “Tayo ba ay makikibahagi sa mga mang-aabuso o tayo ba ay magiging bahagi ng solusyon na talaga namang nag-aalaga sa atin pong mga kapwa, lalo sa itinalaga sa ating panunungkulan?”
Ako rin po’y dumating ang punto noong ako po’y hinihimok na tumakbo bilang Pangulo ng ating Republika. Puwede ho tayong maging mas kumportable na lang. May tatlong taon pa ho ako sa Senado o tayo ho ba ay magpiprisintang magmana ng mga problemang iiwan ng akin pong pinalitan.? At, nandito na nga po tayo—sa pagtutugon sa mga problema.
‘Di na po tayo magpapaligoy-ligoy. Sangkot ngayon sa kontrobersya ang inyong hanay dahil raw sa isyu ng “pabaon.” Bilang inyong Commander-in-Chief, ramdam kong apektado kayo sa balitang ito. At, hindi biro ang dagok nito sa moral ng buong kasundaluhan.
Batid ko po na ang nakakarami po sa inyong mga hanay ay naging totoo sa inyong mga panatang may Courage, may Integrity, may Loyalty. Batid ko rin po na kung saka-sakaling dumating na tayo sa punto na napatunayan na mayroon talaga hong mga nagsamantala sa kapangyarihang iginawad sa kanila, sigurado po akong mayroon silang mga kakuntsabang ‘di hamak mas malaki pa ang kasalanan na kailangang panagutan sa taumbayan.
Talaga naman pong nakakalungkot. Mayroon po tayong napapakinggan sa mga pagdidinig. Talaga pong malaki ang kasalanan sa taumbayan, ‘di umano. At, ang sinasagot sa taumbayan, nauuwi parati sa “Hindi ko naalala.” Susmaryosep! ‘Di pa naman ho yata ganoong katanda para maging ulyanin. Pero, sabi nga po ng mga mas matalino sa akin: bawat problema, binibigyan na rin tayo ng solusyon. Binigyan tayo ng pagkakataon; tingnan natin ang mga sistemang umiiral sa atin pong bansa. Tingnan natin kung bakit nangyari ang ganitong sitwasyon para mabigyan tayo ng pagkakataong ibago. Mabigyan din tayo ng pagkakatong itama ang mga maling palakad o mga maling sistema na nagbigay usbong sa ganitong pang-aapi sa kapwa.
Dito nga raw po ang Class ’86 [crowd rejoicing]. Unang-una ho kayong mga naharap sa aking ina noong siya po’y nanungkulan. Unang-una rin ho kayo sigurong naitalaga para talaga namang maisabuhay ang inyo pong mga natutunan dito sa sagradong institusyon ng Philippine Military Academy. At siguro naman po, tulad ng nakakarami sa atin pong Sandatahang Lakas at Kapulisan, palagay ko naman po tayo ngayon ay tuloy-tuloy na tumatawid sa tuwid pong landas.
Buo po ang ating suporta sa pag-uungkat ng katotohanan sa kontrobersyang ito. At, tiwala akong kasangga natin dito ang iba’t-ibang mga klaseng ating pong kasama sa araw na ito.
Hindi ko po hahayaang muling mangyari ang mga pagkakamali ng lumipas. Hindi natin ito palalampasin. Kapag may ginawang kalokohan, kailangan ito po ay pagbayaran. Alam ko po ang nakakarami dito kasama sa mga nabiktima, ay talaga din pong naghahanap—”ano nga ba ang totoo?”—para malinis ang anumang dungis sa hanay po ninyo. At, naniniwala akong nasa iisang panig tayo sa labang ito. Kung makikisama kayo sa mga ilan na gustong ibalik ang bayan natin sa dating bulok na sistema, ano po ang mangyayari sa atin? Kung puro panlalamang sa kapwa ang nangyayari, baka naman pulutin tayong lahat. Hindi lang po sa kangkungan, baka pati sa ilalim ng kangkungan pa. Hindi po ba? Sana huwag na po. May pagkakataon tayo.
Kaya naman iimbestigahan po natin kung paano masasampahan, ‘di lang po ‘yung mga tinutukoy ngayon ng kaso, kundi pati na po ang mga kakutsaba nila, kasama na po ‘yung mga prosecutor na kasangkot sa Garcia plea bargain agreement. Pati ho sila nagkaroon na rin po ng ulyanin yata? Wala raw hong natanggap na impormasyon; hindi raw po nila alam ang kanilang iniimbestigahan. Kawawa naman po ang bayan natin.
Malinaw naman po ang punto natin: kung may nagawang mali at may sapat na ebidensya upang patunayan ito, tungkulin nating sampahan ng kaso ang kinauukulan. Bahagi ng mandato nating itaguyod ang interes ng taumbayan. Ngayon, kung hindi natin magawa nang tama ang obligasyon na ito, may kakulangan na rin po tayo sa taumbayan.
Alam po niyo, sa pagbabago natin ng sistema, sa pagtatahak natin ng tuwid na landas, ano ho ba ang maidudulot natin dito? Sa loob ng walong buwan ng aking panunungkulan, itong taon pong ito, ipinapangako ko po sa inyo, aayusin natin at uumpisahan natin na malaking kaayusan ang kakulangan ng pabahay sa atin pong Sandatahang Lakas, pati na po sa Kapulisan. Kung dati-rati po ay mayroong mga nakakatiis na parating kulang ang mga kawani na nasa ilalim nila, ako po’y may konsensyang buong-buo pa. At, sa taong ito, hindi ho bababa sa 20,000 pabahay ang ipagkakaloob po natin sa kawani po ng AFP at ng PNP.
Dahil po tinutukan natin ang kurapsyon, dahil po naging masinop tayo sa paggugol ng kaban ng bayan, ito po ay pangakong hindi mapapako. Dahil nandyan na po ang pera, puwede pang dagdagan dahil may savings na po tayo.
Umpisa pa lang ho iyan. Ano ho ba ang dapat natin gunitain? Susunod na linggo po, nandiyan na po ang ika-25 anibersaryo ng EDSA. Ang EDSA po isa sa pinaka-magandang aral at pinaka-magandang kaganapan dito ay nagkabuklod-buklod muli ang atin pong mga miyembro ng Kasundaluhan at mga Kapulisan, at ng mamamayan. Kung noong Martial Law nagkahiwa-hiwalay, noong EDSA po nagkasama-sama muli.
Kayo po na produkto ng PMA at ng iba pa nating mga institusyong humuhubog sa ating mga opisyal at Kasundaluhan at Kapulisang ay hindi po nababahagi sa lipunan: Tayo po ay miyembro lahat ng iisang lipunan na kung saan pagdadamay at pag-uunawa sa bawa’t isa ang iiral sa atin—ay talaga naman pong wala tayong hindi kayang paroonan.
Gusto ko pong ipabatid sa inyo ang ilan sa mga good news na ito:
Ang Pilipinas po, karamihan ng mga mandaragat, 30 percent nga po ay nanggagaling po sa Pilipinas. Hindi bababa sa 30 percent. Kaakibat po noon—at ito po’y mas good news—tayo na raw po ay pang-apat sa pinaka-maraming barkong ginagawa sa buong daigdig. At ‘yung dalawa pong malakihang kumpanyang gumagawa ng mga barko dito sa Pilipinas—iyong Tsuneishi sa Cebu, iyong Hanjin sa Subic, na magtatayo rin po sa Misamis—sila po ay fully booked na raw ho hanggang 2013 sa dami ng mga order sa kanila. Isa lang po iyan sa good news.
Kung tayo po’y may kapayapaan, kung tayo po’y may kaayusan, ay talaga naman pong gaganda nang gaganda ang ekonomiya. Dadami po ang kaban ng bayan. Dagdagan natin kaliwa’t-kanan ang benepisyong dapat makamtan ng bawat-isa. At, kaisa-isa na lang po ang solusyon diyan. Noong EDSA, nagkaisa ang sambayanan; ngayon po ika-25 taon na ginugunita ang EDSA, may bago ng henerasyon. Itong bagong henerasyon, kailangan na po nating pagkalooban nang tama at ginintuang kinabukasan. Mangyayari ‘yan kung talagang pagtingin natin sa kapwa, hindi siya iba: “Kasama mo ako, dito tayo tatahak sa tuwid na landas.”
Baka naman ho masabi masyado na akong ginanahan sa pagsasalita ngayong araw na ito. Uulitin ko lang po; wala tayong hindi kayang gawin. May mandatong maliwanag na isaayos natin ang ating lipunan. Kaya naman po mayroon tayong idadagdag na tradisyon na palagay ko po’y maganda naman. At, ito naman po ay ipagkakaloob natin sa susunod na salinlahing nasa harapan po natin ngayon.
By virtue of the powers vested in me as President of the Republic of the Philippines and Commander in Chief of the Armed Forces of the Philippines, I hereby grant pardon as recommended by the Superintendent Philippine Military Academy to the members of the Cadet Corps Armed Forces of the Philippines who are currently and will soon be serving punishment.
Thank you and good day!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment