Image via WikipediaTalumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa groundbreaking ceremonies ng Freedom Obelisk ng Lungsod Naga
[Inihayag sa Plaza Quezon, Naga City noong ika-22 ng Pebrero, 2011]
Nang makita ko po ang planong pagpapatayo ng isang obelisko sa bayang ito, sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG), hindi po ako nakatanggi na dumalo sa okasyon para pasimulan ito. Bukod sa alam nating ang nasa likod nito ay ang mahusay na pinuno ng Bicol na si Kalihim Jesse Robredo, isa po itong pagkakataon para makasama ang magigiting at magigiliw na Nagueños.
Alam po niyo, noong tayo po’y tumakbo, sinabi ko po sa inyo na hihiramin ko po si Jesse Robredo. At sa sobrang galing po nito: Alam niyo dito sa Naga, pati po iyong informal settler problem, halos natapos na. At least iyong first generation naayos na po—‘yung second generation nalang ang inaayos. Sa galing po niyang iyan, gusto po naming i-replicate sa buong Pilipinas. Mayroon po kasing hindi bababa sa 1.4 million families na nabibilang sa sector ng informal settlers. At sa susunod naman po, inaasahan kong matatapos na ang plano kung paano nga natin isasaayos ang problema ng ating informal settler community.
Kapag natapos po ang proyektong ito—ito pong obelisko naman—tiyak na mapapatingala dito ang bawat mapapadaan, motorista man o namamasyal lang, dahil bukod sa isinisimbolo nito ang mayamang kasaysayan ng Naga, tampok din po dito ang mga pampublikong anunsyo ng mga proyekto at pangyayari sa inyo pong bayan.
Ipinapaalala ng obeliskong ito ang kagitingang ipinamalas at patuloy na ipinapamalas ng mga Nagueños. Sagisag ito sa tapang ng inyong lungsod na makipaglaban sa pananakop ng mga dayuhan hanggang sa pakikibaka ninyo sa diktadurya, lalo pa’t nagsilbing sentro ng oposisyon sa rehimeng Marcos sa buong Bicol ang Naga. Patunay ito na ang pakikipaglaban sa Batas Militar ay hindi lang naganap sa EDSA. Hindi lamang ang EDSA Shrine o ang People Power Monument ang mga bantayog ng rebolusyon ng 1986. Lumalampas sa Metro Manila ang kagitingan at dedikasyon ng ating mga kababayan na labanan ang katiwalian at pang-aabuso sa lipunan. At dumaan man po ang ilang dantaon, patuloy ninyong pinatutunayan ang inyong pakikiisa sa pagtataguyod ng pagbabago sa bansa, nang suportahan po ninyo ang inyong lingkod noong nakaraang halalan. Maraming salamat po sa inyong pakikiisa at pagtitiwala sa ating mandatong magdulot ng reporma.
Huwag po nating hayaang maulit muli ang mga madidilim na bahagi ng kasaysayan. Magsilbi sanang paalala ang obeliskong ito, hindi lang sa mga Nagueños o sa mga Bicolano, kundi sa lahat ng mga Pilipino, na ingatan ang atin pong kalayaan. Huwag nating balewalain ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani.
Sa pagtindig ng isang estrukturang sumasagisag sa kadakilaan at paninindigan ng mga Nagueños, muli rin nating binubuhay ang diwa ng pagkakaisang ipinamalas natin sa EDSA People Power Revolution. Sa ating mga reporma, at sa maigting ninyong pakikiisa, wala pong makakapigil sa ating tagumpay na pabaunan ng kapaki-pakinabang na bukas ang susunod na henerasyon. Gaya ng obeliskong itatayo dito, nakaturo ang direksyon ng ating bayan pataas. Sama-sama nating lampasan ang mga hamon at problema, at isang bansa tayong humakbang paakyat sa mas mapayapa at mas masaganang bukas.
At bago po ako magtapos, may mga nagsasabi “Ano naman ang silbi ng demokrasya; hindi naman po nakakain iyan.” Dito po, gusto ko pong ipabatid sa lahat—pormal na iaanunsyo ko na ho: Sa atin pong kapulisan at kasundaluhan, may umiiral na problema. Sila rin po, marami sa kanilang hanay ay hindi nabibilang doon sa mga taong masasabi nating may tiyak na tirahan. Ngayon po, ang inyong gobyerno ay talaga naman may mga repormang naisagawa. Kaya mayroon na po tayong kakayahan ngayon para magpatayo ng hindi bababa sa 20,000 tahanan para naman po sa ating mga nagsasakripisyong miyembro ng Kasundaluhan at Kapulisan. Ang kinaganda po nitong ng mga pamamahay na ito: tinataya po kasi na ang gastusin nila tuwing buwan para sa kanilang tirahan na inuupahan ay mula P2,000 hanggang P5,000 kada buwan. Sa itatayong pong mga bahay—mga anim hanggang walong buwan lang po nang maumpisang tirhan ito—ang pangako po sa atin ng NHA [National Housing Authority], sa kanilang financing program ay magbabayad nalang po ng P200 piso kada buwan para ariin na po iyong bahay at lupa. Umpisa pa lang po iyan. Sabi ko nga ho sa inyo, dito sa Naga, sa inyong pagtutulong, naiayos na po ninyo ang kabuuan ng informal settler problem. Kaya naman po si Jesse Robredo ang itinalaga nating hepe sa pagsasaayos ng problema ng informal settlers: 1.4 million pong pamilya ang tutulungan po natin. Mamadaliin natin mailagay sila sa maayos.
Maraming salamat po at tuloy-tuloy na po ang pagangat natin.
Home
/
Naga City
/
PNoy Speech
/
Speech of President Aquino at the groundbreaking ceremonies of the Freedom Obelisk of Naga City
Speech of President Aquino at the groundbreaking ceremonies of the Freedom Obelisk of Naga City
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment