Speech of President Aquino during the 25th-anniversary reenactment of the “Salubungan” at EDSA on February 25, 1986

Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagsasadula ng Salubungan ng mga sibilyan at militar sa EDSA noong ika-25 ng Pebrero, 1986

[Inihayag sa People Power Monument, EDSA noong ika-25 ng Pebrero, 2011]

Alam niyo noong araw po ay iniisip ko: Ano kaya ang sasabihin ng nanay ko ‘pag dumating ang panahon na kailangan siyang magsalita sa 25th anniversary? Dahil napakarami na hong siyempre anibersaryo, siguro ho kapag tayo’y nagtagumpay ay dapat wala na tayong paguusapan—pinagiisipan na lang natin at pinaggugunita iyong talagang mala-milagrong pangyayari dito po sa EDSA.


Dalawampu’t limang taon ang nakalipas, nagbuklod ang libo-libong Pilipino sa EDSA at Camp Crame bilang tugon sa panawagan ng aking tiyo na si Butz Aquino at noo’y Arsobispo Cardinal Sin. Ginawa nilang barikada ang sariling katawan para hindi tuluyang magsagupa ang dalawang pwersa ng mga sundalo at kapulisan: ang hanay na pinamumunuan nina dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at Vice Chief of Staff, Lieutenant General Fidel Valdez Ramos, na buong tapang na tumiwalag sa diktadurya; at mga sundalong nasa panig pa ng rehimeng Marcos. Talaga naman pong puno ng tensyon ang mga araw na iyon. Nalaman po natin ang iba sa mga sundalong sumusunod pa kay Marcos noon, ay hindi pa pala tapos ang basic training para maging ganap na miyembro ng Philippine Marines. Tinakot pa po sila, na ang marami raw sa kanilang harapan ay miyembro ‘di umano ng Alex Boncayao Brigade—tsumityempo lang para sila ay saktan. Hindi din po sila pinakain o pinainom man lang. Hindi bababa sa labing-apat na oras silang kumakalam ang sikmura, naka-antabay kung anong maaaring mangyaring karahasan, di sila tiyak sa kanilang kinabukasan—may takot, may nerbiyos, gutom, tinakot pa. Sa mga sandali pong iyon, nasa bingit na ng tiyak na kapahamakan at pagkasawi ang marami nating kababayan.

Subalit talaga naman pong ginagabayan tayo ng diwa ng Panginoon sa mga araw na iyon. Napaalis po natin ang diktadurya nang hindi kinailangan pang dumaan sa madugong himagsikan. Ang mga tangke ng kasundaluhan ay sinalubong ng magkakapit-bisig na mamamayan; ang mga baril at kanyon ay tinumbasan ng mga bulaklak at rosaryo ng mga sibilyan; ang mga sundalong pagod at gutom ay inalayan ng pagkain ng taumbayan; at bawat takot at pangamba ay pinawi ng mga panalangin. Isa po iyong pambihirang tagpo sa ating kasaysayan, kung saan nakita ng Pilipino ang kapwa niya Pilipino, na may masidhing pagnanais ng pagbabago, buhay man handang isakripisyo.

Kasama ang kabataan, mainam na paraan po ang pagsasadulang nakita natin para magbalik-tanaw sa EDSA 1986. Kaya ang salubungang ito ay isa ring makabuluhang pagtatagpo ng nakaraang henerasyon ng EDSA at ng henerasyon ngayon—na iyong pinakamatanda ay isang taon lang noong 1986. Maunawaan at mapangalagaan sana ng ating mga kabataan ang kahalagahan ng mga naging sakripisyo natin noong EDSA. Dahil sa paglaban natin sa kamay na bakal, malaya tayong nakakapagpahayag ngayon ng ating saloobin; nakakapagtipon nang walang banta o panganib na madakip; at may media tayong na-uulat sa bayan ang mga nangyayari sa ating lipunan.

Ngayon po nahaharap sa kontrobersya ang hanay ng ating mga sundalo. Ang tagpong ito na ginugunita natin ay mabisang tagapagpa-alala sa taumbayan ng di-matatawarang dedikasyon ng atin pong mga militar at kapulisan. Noon hanggang ngayon, pinipili ng ating mga sundalo na unahing paglingkuran ang taumbayan. Sa salubungang ito, nasaksihan natin kung paano hindi magdadalawang-isip na talikuran ng militar at ng pulis ang pinuno nilang idadamay ang inosenteng sibilyan para lang sa kapangyarihan at sa ganid sa salapi.

Talaga naman pong malayo na ang narating ng ating Sandatahang Lakas at kapulisan sa kasalukuyan. Sa panahon man ng kalamidad o digmaan, tinutupad nila ang kanilang panatang i-alay ang buhay, matiyak lamang na ligtas ang ating mamamayan. Subalit kayo na nagmamalasakit sa bayan, ay may mga problemang patuloy pa ring hinaharap. Ang sabi po sa akin, 70 porsyento ng atin pong mga pulis at sundalo ay hanggang ngayon walang tiyak na tirahan dahil sa ngayon po ay nangungupahan lamang sila. Hindi naman po nararapat na lagi kayong naiiwan sa atin pong serbisyo-publiko.

Kaya naman itinataguyod na po natin ang programang pabahay para sa ating magigiting na pulis at sundalo. Ngayong taon po—pasensya na po kayo kung naulit ko na po—magpapatayo ang ating gobyerno ng hindi bababa sa 20,000 housing units. Sa programang ito na ipagpapatuloy natin sa susunod pang mga taon … may ipagkakaloob tayong lawak ng lupain na hindi bababa sa 36 square meters, at 21 square meters na bahay. Ang pinakamagandang parte po nito, imbes na nagbabayad ng renta ang mga sundalo natin sa halagang P2,000 hanggang P5,000 para sa kanilang nirerentang bahay kada buwan, ang perang ibabayad nila ay para na sa pagkakaroon nila ng sariling tahanan. Sa unang limang taon po, P200 na lang ang babayaran at ang kakailanganin nila para sa kanilang tirahan; hindi na po P2,000 hanggang P5,000. Sa ganitong paraan, ang kakarampot na suweldo ng mga sundalo at pulis ay mapupunta na sa kanilang pamilya, dahil mas maliit na ang kailangan nilang bayaran para sa bahay. Sa loob lang ng anim hanggang walong buwan, nangangako po sa atin ang National Housing Authority na maaari na nating matapos ang unang 20,000 housing units ng programang ito; puwede na raw tirhan. Ang pangako pa nila, handa na rin silang magresign ‘pag hindi ho natupad ito.

Alam ho niyo, noong araw na ginugunita natin ngayon, noong nagdesisyon ang militar, sila po ay namili. Sila po ay nanumpa to follow the orders of the Commander in Chief; follow the Constitution. Sila po ay niligaw ng mga nakakataas sa kanila, kung saan isang tao na naghahangad mapanatili habambuhay ang kanyang sarili at kanyang mga kampon sa kapangyarihan, puro interes nalang po noon ang pinangangalagaan. Dumating ang punto, ang atin pong sundalo, ang atin pong pulis—bahagi ng lipunan—ay talaga namang nadadama ang problema na nadadama ng nakakarami pong Pilipino. Kaya po sila sumunod sa mas mataas na tinatawag na commitment. Ang pangako nila hindi sa iisang tao lamang; ang pangako nila sa buong bayan. At noong maliwanag na maliwanang nang kinakawawa ang bayan, sila po ay tumalikod sa taong tumaksil sa bayan.

Siguro naman po nararapat lamang na iyong mga tapat na ating kawal at pulis—sila naman ang nagaaruga sa atin, humaharap sa panganib, sa digmaan o sa kalamidad man—panahon naman ho siguro ang lipunan naman ang magalaga sa kanila.

Bumabangon pong muli ang ating bansa mula sa katiwalian at kahirapan. Hindi pa po tapos ang labang pinasimulan natin sa EDSA. At hindi po ito kayang ipagpatuloy ng iisang tao lang. Nananawagan po ako sa mga nakasama nating lumaban noon sa EDSA, nawa’y makiisa pa rin po kayo sa pagsisikap natin ngayong mapaunlad ang ating bayan. Kung paano natin hinarap nang buong tapang ang mga tangke, kung paano tayo nagkaisa para wakasan ang kalupitan ng diktadurya, ganoon din natin lutasin ang mga suliraning minana natin; dahil tiwala po ako hindi kailanman maglalaho ang pagkakaisa ng taumbayan at ng ating mga sundalo’t kapulisan sa ngalan ng marangal na pagtataguyod ng tunay na kalayaan at demokrasya.

Bago po ako magtapos: Dito po ngayong araw na ito, mayroon pa ho tayong apat na tangke, ang ngalan ay LVT [Landing Vehicle Tracked]. ‘Yung mga kabataan nga ho ngayon—iyong 25 and below—hindi na po naramdaman kung ano ba talaga ‘yung tension at panganib noong mga araw po noong 1986. Dito po sana, subukan niyong lapitan itong mga tangkeng ‘to. Subukan po niyong isipin, kung kayo ang katapat niya, tangan lang ay rosario at mabuting ninanais para sa kanyang kapwa. Noong pinaandar iyang mga tangkeng yan, hindi mo malalaman kung ikaw ay sasagasaan—kung tapos na ang oras mo. Pero alam ho niyo, talang iyon ang isa sa pinakamatinag na panahon nating mga Pilipino. Katabi natinmarahil hindi man natin kakilala, baka ‘di man natin kaprobinsya—ni hindi natin nakausap—pero damang-dama po ang pagmamahalan sa bawat isa; damang-dama na, panahon na para manindigan para magkaroon tayo ng kinabukasan.

Sana po wag nating sayangin ang nakaraan, lalo na ang mga araw na ito. At sana po’y tandaan natin sa mga susunod na araw na inaayos po natin ang mga problema n gating lipunan, at sa ganoong paraan, makamit na po natin lahat ng pinangakong pagbabago ng EDSA.

Maraming salamat sa inyong lahat. Magandang hapon po.

No comments:

Post a Comment