Speech of President Aquino at the unveiling of the statue of Jaime Cardinal Sin

Talumpati niBenigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagaalis-tabing ng rebulto ni Arsobispo Jaime Cardinal Sin sa Rizal Park

[Inihayag sa Rizal Park, Manila noong ika-25 ng Pebrero, 2011]

Hinihirang po natin sa araw na ito ang kadakilaan ni Jaime Cardinal Sin. Marapat lamang po na ngayon, sa anibersaryo ng EDSA, ay kilalanin natin ang kanyang rebulto, dahil na rin sa ginampanan niyang tungkulin sa sambayanan.

Sariwain po natin: Sa EDSA, nakita natin ang mga simpleng tao, nakamaong at T-shirt, walang armas, humaharang sa tangke. Mga rosaryo at bulaklak, sinabit sa baril. Mga madre at pari, nakaluhod at nagdarasal, pinigil ang mga trak na puno ng armadong di umano’y loyalista.


Sa EDSA, nakilahok ang mga sundalo, aktibista, taong-simbahan, at karaniwang taumbayan. Mga taong iba’t iba ang pinanggalingan, ngunit iisa ang adhikain: ang itigil ang pang-aapi ng may-kapangyarihan, at ang paglalapastangan sa dangal ng bayan.

Ipinakita natin sa napakarami pang ibang bansa: posible ang mapayapang himagsikan. Iyan nga raw po ang pamana ng Pilipino sa buong mundo. At mahalaga ang ginampanang tungkulin ni Cardinal Sin upang gisingin ang taumbayan at patiklupin ang diktadurya.

Natapos sa loob ng iilang araw ang rebolusyon sa EDSA, pero alam po nating lahat na mahaba ang ginawang paglalakbay ng pambansang kunsensya. Noong Pebrero ng 1986, halos dalawampu’t isang taon na pong nakaluklok sa kapangyarihan si Ginoong Marcos, halos labing-apat na taon mula nang ideklara ang Batas Militar, at dalawa’t kalahating taon mula nang paslangin ang akin pong ama. Matagal din pong nagtiis ang taumbayan, at marahil nag-abang ng pagkakataon upang magtipon laban sa pang-aapi.

Dahan-dahan ang naging paggising ng Pilipino. At kung ano po ang kanilang dinaanan, iyan din marahil ang dinaanan ng atin pong minamahal na Cardinal Sin. Hindi naging agaran ang pakikilahok niya sa oposisyon; binigyan niya ng pagkakataon si Ginoong Marcos na magpatupad ng reporma at pag-unlad. Ngunit, unti-unti, nang nakita niyang hindi na maaaring maging santuaryo ng mga naaapi ang simbahan; nang nakita niya na kailangan na ring tambalan ng pagkilos ang pagdarasal; nang hayagang sinuway ng diktadurya ang taumbayan; sa harap ng lahat ng ito, at sa kabila ng peligro sa kanyang mismong buhay at sa kanyang pinapastulan, pinili ni Cardinal Sin na makialam at makilahok.

Maaari siyang nagpatuloy sa landas ng pananahimik. Maaari siyang nagwalang-kibo. Ngunit nang nanawagan siya sa Radyo Veritas na protektahan ang mga repormistang sundalo na nasa Camp Aguinaldo at Crame, hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa pamamagitan ng pananalig, pagdarasal, pakikiisa, at pagmamahal tumaya si Cardinal Sin sa landas ng pakikilahok—hindi na bale ang banta sa kanyang buhay, at hindi na baleng kalabanin ang malakas na kaaway.

Alinsunod, marahil, sa mga turo ng Second Vatican Council, isinabuhay niya ang kaisipang kailangang makialam sa buhay panlupa dahil direkta itong tumatalab at may epekto sa buhay-ispirituwal. Paano nga bang mananawagan na magtiis lamang at magdasal, kung ang isusubo na lang nila ay ninanakaw pa? Kung kumakalam ang sikmura, paanong hindi babalutin ng pait ang puso? Alam po ni Cardinal Sin: Hindi maititiwalag ang mga pangyayari sa lipunan mula sa dikta ng ating kunsensya.

Pamana po niya sa atin ang kaisipang hindi taliwas ang landas ng kapayapaan sa landas ng pagbabago; na ang landas ng pananalig at ang landas ng pakikilahok, ng pagkilos para sa ating kapwa, ng pagsagot sa tawag ng ating konsensya, ay iisa lamang.

Kalayaan po ang naging hantungan ng landas na pinili ni Cardinal Sin; kalayaan na ating pinanghahawakan, ipinagdiriwang, at lalong pinatitingkad ngayong anibersaryo ng EDSA.

Ito rin po ang kalayaang ipahiwatig ang ating mga opinyon at makipag-usap sa gobyerno nang hindi binubusalan, tinatakot, o binabantaan ng karahasan. Kalayaang makipagdiskurso nang hindi isinusumpa, bagkus ay may tiwala, sa kabilang panig. Buo po ang aking pananalig: na ang diwa ng pakikipagtulungan ay hindi kailanman malulunod sa ingay ng mga gustong makipagbangayan lamang.

At kahit pa ba minsan ay hindi nagkakatugma ang ating mga pananaw, alam kong gaya ng nangyari sa EDSA, nagkakaisa tayo sa ating layunin: isang bansang malaya sa kahirapan, at patuloy na naglalakbay sa tuwid na landas tungo sa pagbabago at patas na pag-unlad.

Iyan po sana ang maging pamana natin sa mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Hayaan niyo po’y idiin ko lang: Tayo po ay nagkaroon ng mapayapang himagsikan. Ako po’y nagkaroon, at sa kasalukuyan, mayroon po akong isang security, na kabilang doon sa mga Marines na ipinadala sa EDSA. Ikinukuwento po niya sa akin na siya at sampu ng kanyang mga kasamahan ay tinakot; sinabi sa harapan raw po nila nagkalat ang isang katerbang Alex Boncayao Brigade. Karamihan po ng kanyang mga pinangungunahan ay hindi pa ho ganap na Marines noong panahon na iyon—trainee pa lang po sila. Tinakot na may nakalimot pang pakainin, hindi raw po bababa sa 14 na oras na hindi sila nakatikim ng pagkain o inumin. Takot, ninenerbiyos, gutom, mainit na siyempre ang ulo at talagang lalo kang nagtataka—Paano nga ba tayo nagkaroon ng mapayapang himagsikan?

Siguro po kung ang mga nanguna noong rebolusyon na iyon ay puro kapusukan ng dibdib lang ang pinairal, hindi po naging mapayapa iyan. Pero mayroon tayong mga kinikilalang bayani natin, tulad ni Cardinal Sin na siya pong ginamit ng Poong Maykapal para tayong lahat po ay mabigyan ng diwa ng pagmamahal sa atin pong kapwa. Rebolusyon at pagbabago nagmula sa pagmamahalan, talaga naman pong nagkaresulta ng mapayapang pagbabago. Gamitin po natin iyang parehong pananaw na ‘yan dahil hindi pa ho tapos ang laban. Hanggang may gutom sa bayan po natin, hanggang mayroong walang katiyakan na walang pagkakataon umasenso hindi pa ho tapos ang laban natin. Pagtulungan po natin ito at talagang sigurado na ang tagumpay.

Magandang umaga po. Maraming salamat sa lahat.

No comments:

Post a Comment