Talumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa flag raising ceremony noong umaga ng ika-25 anibersaryo ng EDSA Revolution
[Inihayag sa People Power Monument, EDSA noong ika-25 ng Pebrero, 2011]
Nang idineklara ni Ginoong Marcos ang martial law noong Setyembre 21, 1972, hindi naman lahat ng Pilipino ay nagimbal sa ideyang ito. Sa katunayan, may mga sumang-ayon pa dito dahil sa tingin nila, ito ang tatapos sa lumalaganap na kaguluhan daw noon.
Alam naman po natin kung ano talaga ang nangyari. Sa halip na maging maunlad, naging kaliwa’t kanan ang nangyaring patayan. Lumobo sa 25,000 ang mga namundok at sumali sa iba’t-ibang mga kilusan. Nagsiksikan sa mga kulungan ang oposisyon na hinabol ng militar at kapulisan. Ang dapat na sumasaklolo para sa kaligtasan, naging sila pa ang kinatatakutan.
Bahagi ng mandato ng mga pulis at sundalo na sundin ang anumang utos ng kanila pong “boss”. Kapag may ipinadakip si boss, “sir yes sir” agad. Kapag may ipinasarang istasyon ng telebisyon o radyo si boss, hindi mo pa napipihit ang lipatan ng channel, wala na ang pinapakinggan mong balita. Miski Voltes V nga po ay pinatulan pa. Namayani ang ganitong madilim na sistema sa loob ng 14 na taon. Nangyari ito dahil nakalimutan na sa anumang sistema, ang taumbayan ang dapat na kinalalagyan ng kapangyarihan. Ang Pilipino ang nararapat na boss at hindi si Ginoong Marcos.
Ngunit hindi po manhid ang atin pong mga sundalo at kapulisan. Nagsimula silang magtanong: Ginagawa ko ba ito para protektahan ang taumbayan? Ang mga utos ba sa amin ay may mabuting naidudulot? Nakita nila na ang lipunang nilalapastangan ng diktadurya ay lipunang saklaw din sila at ang kanilang mga mahal sa buhay.
Mas lalo namang hindi manhid ang taumbayan. Ang mga dating tagasunod ni Ginoong Marcos ay unti-unting namulat sa katotohanang hindi ang kinabukasan nila ang itinataguyod niya kundi ang makasariling interes lamang ng kanyang pamilya. Unti-unti, napansin ng mga Pilipinong habang nababawasan ang pagkain nila sa mesa, parami naman ng parami ang mga sapatos sa kabinet ni Ginang Imelda. Nang naging sukdulan na ang kamay na bakal, iisa ang naging tanong ng mga sundalo, ng mga pulis, ng mga madre, ng mga estudyante, at ng buong sambayanan: Hahayaan ko bang manaig ang ganitong sistema? Iisa rin ang naging tugon nila: Hindi.
People Power ang naging tugon ng milyun-milyong Pilipino. Nanindigan ang mga sundalo sa kanilang prinsipyo: Taumbayan ang boss ko, hindi ang nagpapakasasa sa pwesto. Nagsalubong sa EDSA ang nagkakaisang mithiin ng mga sundalo at sibilyan; dagdag pa rito, pareho nilang kinilala na hindi mareresolba sa dahas ang mga problema ng bayan. Kaya naman ang dating takot at pagdududa sa pagitan ng ordinaryong Pilipino, sundalo, at pulis ay bumuo ng higit na matibay na pagtitiwala at pag-asa. Ito ang pambihirang pamana ng mga Pilipino sa mundo: isang mapayapang rebolusyon.
Ang pagtitipon natin ngayon ay patunay na buhay ang pamanang ito sa bawat isa sa atin. Naniniwala tayong sa halip na magkawatak-watak, maaari tayong magkaisa; sa halip na magnakaw, maaari tayong maging tapat sa katungkulan; at sa halip na matakot, maaari tayong magtiwala sa ating pamahalaan. Ang tanong ngayon: Paano natin mapapanatili ang ganitong matiwasay at nagkakaisang samahan? Ang sagot: responsableng pamamahala, at tamang paggugol sa pera ng taumbayan.
Sa kasamaang palad po, ayaw man pong aminin ng ilan, hindi nangyari sa nakalipas na dekada ang dalawang bagay na ito. May mga naging taksil sa kanilang katungkulan. May mga nanlimas sa kaban ng bayan.
Kaya naman todo-kayod ang inyong pamahalaan sa pagpapatupad ng reporma upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan, saklaw na ang kasundaluhan. Nagbubunga na po ang mga repormang ito. Ang halimbawa po nito ang pagpapatayo ng hindi bababa nga po sa 20,000 housing units para sa atin pong mga sundalo at pulis sa sobrang abot-kayang halaga nitong taon na ito. Kung dati ang sundalo ay nagbabayad ng aabot sa 5,000 piso kada buwan para sa upa, ngayon 200 piso na lang ang ibabayad ninyo, para sa bahay na kayo mismo ang magiging may-ari. Ang matitipid po ninyo, mapupunta sa inyong hapag-kainan, sa edukasyon ng inyong mga anak, at sa iba pang mga bagay na karapatan naman ninyo bilang malayang Pilipino.
Hindi natin ito hinugot sa kung saang pondo. Walang hokus-pokus po dito. Dahil sa tamang pamamalakad at sa masinop na paglalaan ng pera, nakatipid tayo at nakabuo tayo ng pabahay para sa atin pong mga kawal at kapulisan. Kung walang nanlilimas sa kaban ng bayan, aasenso ang mga Pilipino. At nagawa po natin ito sa loob lamang ng walong buwan sa puwesto.
Iyan din siguro ang diwa ng demokrasya. Tumitibay ito kung ang taumbayan ay nagsisimulang maniwala sa kanilang gobyerno; kung lalo silang nakikilahok, kaysa itakwil ang sistema. Halimbawa, ‘yun pong 25,000 na sumali sa kilusan noong panahon ng Batas Militar, problemang minana ng aking ina, bumaba po ito sa 6,000 bago matapos ang kanyang termino. Hindi po kumplikado ang batayang prinsipyong ito. Ang nangyari lang, nagtaguyod ang pamahalaan ng isang sistemang mas ginusto ng taong salihan, kaysa buwagin.
Ngayon, sa pagtahak natin sa iisang direksyon, ganyang klase ng sistema ang itinataguyod natin. Kapag may isinampa kang kaso, may aasahan ka dapat na katarungan. Kapag nagtapos kang mag-aral, may aasahan ka dapat na trabaho. Ito dapat ang bunga ng demokrasya. Ito ang hamon sa atin ng EDSA.
Ngayong umaga, ipakita nating buhay ang People Power at hindi ito nagtapos sa apat na araw noong Pebrero 1986. Sa tuwid na pamamahala, at sa pagsugpo natin sa kurapsyon, palayain natin ang bayan natin mula sa kahirapan. Mga minamahal kong kababayan, ang mas maliwanag na bukas ay ginagawa na natin sa ngayon. Sama-sama natin itong isakatuparan.
Magandang umaga po. Maraming salamat sa inyong lahat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment