Speech of President Aquino during the “Pilipinas Got Bukas” General Assembly

Pasig City Science High SchoolImage via WikipediaTalumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalo sa Pilipinas Got Bukas: isang general assembly ng mga “EDSA Baby,” estudyante, youth leader, at mga kasapi ng YesPinoy Foundation

[Inihayag sa Rizal High School, Pasig City noong ika-23 ng Pebrero 2011]

Pagpunta ho dito, sinabi sa akin, marami kayong mga talagang dapat nating dakilain na graduates, tulad ni Rene Saguisag, Jovito Salonga, Neptali Gonzales, Lucio San Pedro. Sa pinamalas niyo sa akin nitong araw na ito, talaga nga naman yatang napakahusay ng eskwelahang ito. Pansin ko nga kanina, klarong- klaro sa akin na talagang nauna akong ipinanganak sa inyo. Hindi ko na yata kakayanin ang flexibility na ipinamalas niyo at ang sigla niyo sa ganitong oras.

Pipilitin kong—pinatanggal ko ‘yung teleprompter sa harapan ko. Hindi ko kasi gusto ‘yung talumpating naisagawa; hindi po maisasabi iyong dapat sabihin sa inyo sa araw na ito.


Twenty-five years ago, kami po ay nasa EDSA doon po siguro nag-uumpisa:

Naglalabasan ang taumbayan at talagang pinipilit na hindi magtagpo ‘yung mga umalis sa diktatura at ‘yung nanatili pa sa diktatura. Doon po nag-umpisa na ipinadala ang mga kawaning medyo naliligaw pa ang landas. Sinalubong ng taumbayan—ang tangan lamang rosaryo; ‘yung iba may bulaklak, ‘yung iba po’y may pagkain—at nakiusap: “ ‘Wag tayong maglaban, kapwa tayo Pilipino.”

Kahapon po, doon po natin ginunita ang pagbabalik-loob ng ating kasundaluhan at kapulisan; balik sa serbisyo sa taong-bayan at hindi sa iisang tao lamang. Alam ho niyo, siguro gusto ko lang idagdag ito dahil hindi ho batid ng nakakarami ito: Kung titignan niyo ang mga litrato sa EDSA noong panahon na ‘yun, makikita po niyo doon ang mga Marines na may mga dambuhalang tangke. Mapapansin niyo ang uniporme ng nakararami ay hindi po ang pangkaraniwang na camouflage uniform. Ang suot po nila ay ang tinatawag na olive drab na fatigue. Bakit ko po binibigyan ng halaga ‘to o pansin? Sa Marines po, ang alam na pangkaraniwang kasuotan nga ho ay ‘yung camouflage. Kapag ang suot nila ay hindi camouflage, ibig sabihin hindi pa tapos ang training nila. Hindi pa sila ganap na Marines. Pero ano po ang nangyari? Pagpunta ho doon, sinabi sa kanila, “Sa harapan niyo maraming miyembro ng Alex Bongcayao Brigade. Mag-ingat kayo; masama ang balak sa inyo.” May nakalimot hong pakainin sila. Hindi bababa sa labing-apat na oras bago sila nakatikim ng kaunting pagkain o inumin man—at ‘yun po ay nagmula sa taongbayan. Ibig sabihin po noon: tinakot, ginutom, pagod, tensyonado; kaunti lang hong karanasan, baka ho tayo’y hindi na napunta sa matahimik na rebolusyon, naging isang madugong rebolusyon. Pero, binabantayan po tayo ng Poong Maykapal. Binigyan tayo ng dunong; binigyan tayo ng lakas; binigyan tayo ng pagmamahal sa bawat isa. Kaya naman po naiwasan natin maging madugo ang pagbabago mula sa diktaturya balik sa demokrasya.

Ngayon po, kaming mga nabigyan ng katungkulan sa panahong ito, kaming mga nauna sa inyo—ako po’y baby boomer nga ho, kaya lang nandoon ako sa bandang dulo ng baby boom generation—isa lang ho ang hinahabol namin. Importante sa amin na kayong lahat mabigyan ng sapat na pagsasanay. Kayong lahat ay mabigyan ng pagkakataon, para naman sa darating na araw talagang matatamasa niyo ang dapat naman talagang mangyari sa loob isang demokrasya. Isang sitwasyon, na pag kayo’y talagang nagsumikap, mayroon kayong paroroonan. Kapag kayo po ay nag-aral nang maayos, may trabahong naghihintay sa inyong maganda. Isang lipunan na matahimik, mapayapa, at maunlad—iyan ang ambisyon po namin. Importante po sa amin—nauna nga kami sa inyo—‘pag dumating ang panahon, sinabi ng may Poong Maykapal, “finished or not finished, pass your paper” na kami, kailangan naman makalingon kami at masabing ‘di hamak mas maganda ang iniiwan namin kaysa sa dinatnan namin.

Tadhana po namin na talagang ganoon. Ako po, noong nag-graduate sa grade school, hindi ko po kasama ang aking ama. Siya po ay nakulong na; martial law na. Nag-graduate ng high school, hindi ko rin ho siya nakasama dahil nakakulong pa rin. At noong pagdating po ng college, hindi na po ako nagmartsa dahil pinaalis na po ako—naka-exile na po kaming lahat bilang isang pamilya. Noong mga panahon na ‘yun—‘yung buong umpisa ng martial law, hanggang natapos, hanggang nandoon sa EDSA—ako po ay hindi nakakasigurado na aabot sa trenta-anyos man lang. Noong buong panahon na iyon iyon, ‘yung diktatorya dalawa lang naman ang tangan: may panakot na ikukulong ka kung lumaban ka o kaya naman ipapapatay ka. Kaya kung gusto mong lumaban, kailangang hindi na ganoong kaimportante na ang buhay mo. Hindi na dapat puro buhay mo na lang ang gagawin ko o pangangalagaan ko, dahil wala po talagang mangyayari sa atin niyan. Sasang-ayon ka lang nang sasang-ayon sa lahat ng ginawa po ng diktaturya.

So, ano po ba ang ipapakiusap ko sa inyo ngayong araw na ito? Alam ho niyo, ‘yung dinatnan ko kung—nandito si Brother Armin [Luistro] malamang sinabi niya sa inyo—sa kada isang daang estudyante na papasok sa ating school system, lalabing-apat lang ang ga-graduate ng college. Karamihan po, Grade 1 hanggang Grade 2, ay hindi na nagpapatuloy—mahina ang kalusugan; hindi masustentuhan ng mga magulang ang pag-aaral. Kami po, pinipilit namin na talagang mabigyan lahat ng pagkakataon tulad ng: itong taon pong ito 13,000 classrooms ang ang idadagdag po natin sa school system natin, ’yung sa Conditional Cash Transfer, ang kondisyon para mabigyan ng sustento ang ‘di baba sa 2.3 million families itong taon na ito, ay nangangailangan na panatiliin sa paaralan ang kanilang mga anak at dalhin sa mga health center para mabantayan ang kanilang kalusugan. Sa ganoong paraan po, tulungan natin silang manatiling nasa eskwela; tayo naman po siguro ay makakaasa na bawat henerasyon ay dapat magiging paangat nang paangat nang paangat.

Kami po sa gobyerno, pinipilit natin maging maayos ang ating pong pamahalaan. At, dahil naiaayos na natin—kahapon po, binanggit ko na—ating pong kasundaluhan at kapulisan, hindi ho raw baba sa 70 percent sa kanila ang walang-tiyak na tirahan dahil sila nga po ay nangungupahan. Kahapon, ina-announce na po natin: 20,000 housing units ang ipagagawa para sa kanila po, para ‘yung kanilang binabayad na P3,000 hanggang P5,000 kada buwan na renta ay magkakaroon na sila ng bahay sa pamamagitan ng pagbabayad lang ng P200. Sa madaling salita po, ‘yung naititipid nila sa renta, dagdag na po para sa kanilang tintawag na disposable income. Doon po, bayaran naman natin iyong mga nagsasakripisyo para sa atin nang malaki. At, iyan po ay ibabahagi po natin sa hindi babang 1.4 million families. Inaayos lang po ‘yong programa doon po sa ating informal settlers.

Siguro, magkukulang ako kung sasabihin ko sa inyo, ano ba talaga ang pinakamatinding pakiusap? Kasama natin si kaibagang Dingdong Dantes ngayon araw. Baka puwede ho niyong palakpakan nang kaunti itong idol natin.[Palakpakan]

Si Dong puwede nating maging idol sa maraming bagay, hindi po ba? Pati na sa lovelife, lamang siya sa akin. Pero, siguro, ang pinakaimportanteng dapat nating makita kay Dong, puwede namang ho siyang nag-artista, tapos nagbuhay na pansarili lamang, hindi po ba? Puwede naman inisakaso na lang niya ‘yung luho niya; naghanap na lang ng gimik; nagbabad sa Internet, at iba-iba pa, hindi ho ba? Pero, hindi niya ginagawa. Minabuti po niya magtayo nitong Yes Pinoy Foundation, at halos mag-dadalawang taon ho itong taon na ito—ilang buwan na lang. Ano na ba ang mga nagawa nila? Unang-una, nakapagbigay ng mga college scholarship sa mga anak ng ating mga yumaong Philippine Marine soldiers. Nakatulong sa mga nabiktima na rin po ng Ondoy. Nagkaroon rin po ng tinatawag na Oplan Restore Paaralan sa mga iba’t-ibang public schools sa Eastern Metro Manila at Rizal. At, sila rin po, kasama ng DSWD, ay nag-launch ng isang programang tawag ay Paskong Ligtas sa Batang Kalye, na ang layunin ay mailayo ang ating mga street children sa pangangaroling at panlilimos doon po sa ating mga kalsada kung saan po napakamapanganib. Sa madaling salita po, problema natin noong martial law, problema po ng halos sampung taon noong administrasyon na pinalitan ko—puro pansarili ang iniisip: “Paano ba ako yayaman?”, “Paano ba ako mananatili sa kapangyarihan?” At ano ang resulta? Kaliwa’t kanang problema ang minana ko po.

Ano ba ‘yung EDSA? Noong EDSA nagsama-sama ang sambayanan. May katabi ka, malamang hindi mo man kakilala, pero pinanindigan mo na ngayon na ang panahong tumayo, lumaban para sa kalayaan: may malasakit sa kapwa.

‘Yung malasakit sa kapwa po ang magdadala sa atin sa pag-angat. ‘Yung pag-unawa, pag-intindi, pakikisama, at pag-aaruga sa atin pong kapwa: iyan ang susi para mapabilis ang atin pong inaasam-asam na Pilipinas na talagang bago.

Siguro po, ulit-ulitin ko lang—nandyan nga po ang magaling nating principal; talaga naman pong impress na impress ako sa kanilang estudyante sa araw na ito. Nandiyan po ang halimbawa ni Dong. Puwede naman puro gimik ang iniisip, pero ang pinakagimik niya: “Paano nga ba makatulong sa kapwa ko?”

Habang nag-aaral po kayo—at ito na lang ho siguro ang iiwan ko sa inyo—sabi po kasi sa akin ng aking ama, “Alam mo, Noy,” ika nga niya, “Ngayon baka sikat ka; bukas baka laos ka na. Ngayon baka mayaman ka; bukas baka mahirap kana.” Sabi niya sa akin: “Habang nag-aaral ka, pagbutihin mo ang pag-aaral mo. ‘Pag napasok na yan sa utak mo, habang buhay na, mangyari na ang magyari, sa iyo na ‘yan.”

Kaya naman dito ho, nabigyan kayo ng mga magulang niyo ng pagkakataon. ‘Pag nag-aral kayo nang mabuti, ‘di po ba, talaga namang pong mas malaki ang kakayahan niyo—hindi lang para mapangalagaan ang sarili niyo, hindi lang para mapaaasenso ang pamilya niyo—pero talaga naman pong lalo tayong makakatulong sa kapwa natin. Kung ganoon po ang ating hinahabol, lahat ng oportunidad natin ay talagang samantalahin natin, lalo na kung ikabubuti, hindi lang ng sarili, pero ng nakararami. Iyan po ang kailangan ng ating bansa; iyan po ang nangyayari na, at ako po ay sigurado na itong eskwelahan na ito, na talaga namang naka-produce ng taong dinadakila natin, na talaga namang naging pamoso, naging makabuluhan, naging tunay na Pilipino na may malasakit, ay hindi naman tumitigil sa pag-po-produce ng parehong graduate.

So, ulitin ko lang po: sa pinakita niyo sa araw na ito, talaga naman pong masasabi nating huwag kayong magbago at mababago naman natin ang ating inang bayan.

Magandang umaga po at maraming salamat.

No comments:

Post a Comment