Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa Kanyang Paggawad ng CADT sa mga Makikinabang ng Hagura
[Magsaysay, Occidental Mindoro, ika-15 ng Disyembre 2010 ]
Maupo po tayong lahat.
Secretary Roque Anton, NCIP; ating butihing kasamahang Governor Nene Sato ng Occidental Mindoro; ang nakakatanda po sa buhay at serbisyo publiko, Governor Boy Umali ng Oriental Mindoro; Congresswoman Girlie Villarosa, Representative Rey Umali, Mayor Eleonor Fajardo ng Magsaysay, mga kasamahan sa Gobyerno, Mayor Jose Villarosa of San Jose, Occidental Mindoro; Honorable Rod Agas our Provincial Chair for the Liberal Party, mga minamahal kong kababayan;
Magandang araw po.
Lalung-lalo na po doon sa mga nasa labas na tumatamasa ng Vitamin E.
Una po sa lahat, ikinalulugod kong maging bahagi ng pagdiriwang na ito, at makasama ang mga kapatid nating mga katutubo. Kayo ang nagsisilbing haligi sa pagpapanatili ng ating kulturang Pilipino. Sa kabila ng mga pinagdaanan ng ating Inang Bayan, naging matatag kayo sa patuloy na pagpapayaman at paglinang sa inyong tradisyon at uri ng pamumuhay.
Mulat po tayo sa mga pinagdadaanang suliranin ng ating mga kapatid na katutubo; ang inyong sektor ang isa sa mga pinakanaisasantabing pangkat sa ating lipunan. Patunay ang pagtitipong ito sa ating dedikasyong bigyan ng kaukulang pansin ang mga kapatid nating Mangyan at ang kanilang mga pangangailangan. Doble-kayod po ang ating gobyerno upang matanggap ninyo ang lupang ipinaglaban ng inyong mga ninuno. Ang lupaing ito ay hindi lamang magiging espasyo para sa pagpapatayo ng inyong mga tahanan. Dito rin ninyo patuloy na palalaguin ang mayaman ninyong kultura.
Napakalaki po ng isinakripisyo ng magkakasamang tribo ng Hanunuo, Gubatnon at Ratagnon o HAGURA upang mapasakamay nila ang lupang sila naman talaga ang tunay na nagmamay-ari. Sabi sa akin, labinlimang taon na puno ng iba’t ibang pagsubok ang pinagdaanan ng mga kapatid nating Mangyan upang matiyak na ang kanilang salinlahi ay hindi na muling mag-alsa balutan. Ang patuloy ninyong pakikipaglaban at hindi pagsuko sa kabila ng maraming pagsubok ay pangunahing katangian ng ating lahi. Kaya naman buo ang paggalang ko sa mga kapatid nating Mangyan. Sa inyo nagmula ang tapang ng mga Pilipino; sa inyo nag-ugat ang lahing Pilipino.
Ang matagal ninyong ipinaglaban na karapatan sa lupa ay katulad din ng ipinaglaban nating kalayaan mula sa kurapsyon at katiwalian. Sa mahabang panahon, sinakop ng mga mapang-abuso at tiwali ang bansa natin. Naisantabi ang kapakanan ng maraming Pilipino. Ngunit hindi natin hinayaang mamayani ang ganitong sistema. Binigyan natin ng pag-asa ang mga nalulugmok sa alanganin. Gaya ninyo, ginawaran natin ang mga Pilipino ng pagkakataong makamit ang kanilang mga pangarap. Kaya naman sa pagkakaloob ng mga lupain ng inyong mga ninuno, umaasa kaming patuloy ninyong mapapangalagaan ang mayaman ninyong kultura. Magtiwala po kayong bibigyan namin kayo ng tinig. Maaari na po kayo muling makilahok sa pagkukumpuni ng ating bayan. Hangga’t nasa tuwid na landas ang ating paninindigan, wala tayong hindi ipaglalaban.
At titiyakin nating mapapangalagaan, hindi lamang ang inyong lupa, kundi maging ang inyong kultura. Sa pamamagitan ng Executive Order No. 11, ang National Commission of Indigenous Peoples o NCIP na dating nasa pamamahala ng DENR, ay inilipat na natin sa Tanggapan ng Pangulo. Sa pamumuno ni Kalihim Ging Deles, mas masigasig nating mabibigyan ng atensyon ang mga pangangailangan at mga hangarin ng mga katutubong Pilipino ukol sa kanilang mga karapatan. Dahil nasa ilalim na ito ng aking tanggapan, mas mabilis na rin nating maaaksyunan ang inyong mga hinaing sa lupain, lalo na sa mga patakaran at programang nangangailangan ng maagap na koordinasyon at pagpapatupad.
Kabalikat din po ninyo ako sa pagpapalakas ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997. Gagamitin natin ito upang higit pang makagawa ng mas maraming programa na magtataguyod ng inyong pag-unlad. Katuwang ninyo kami sa paninigurong kikilalanin at pangangalagaan natin ang mga ancestral domains. Nagtitiwala rin akong ang pagyabong ng mga katutubong pamayanan ay nakasalalay sa pagpapalakas sa inyong sariling pamamahala. Maliban dito, mahalaga ring mapanatili natin ang mga kultura ng ating mga ninuno. Lahat ng ito ay susuportahan ng inyong administrasyon upang maisulong ang katarungang panlipunan at karapatang pantao ng bawat Pilipino. Mahirap ka man o may kaya, nasa lungsod ka man o nasa kabundukan—wala pong duda—bawat Pilipino ay Boss ko.
Sa paggawad natin ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) sa grupong HAGURA ngayong araw, hindi lamang lupang ninuno ang ibinabalik natin sa kanila. Higit sa lahat, patunay ito sa pagkilala natin sa lahat ng Mangyan bilang mahalagang pangkat ng ating lipunan—makabuluhang bahagi ng ating kultura at kasaysayan.
Tulad ninyo, naniniwala rin akong hindi lamang ito isang paggawad. Isa itong pagpupugay sa inyong tapang upang maibalik sa inyo ang lupang ipinagkait sa inyo nang mahabang panahon. Ngayong hawak na muli ninyo ang lupang ipinamana ng inyong mga ninuno, umaasa akong patuloy kayong magiging katuwang ng pamahalaan upang pangalagaan ang kinabukasan ng mga susunod na Mangyan—ng mga susunod na mga Pilipino.
Nawa’y maging hudyat ang araw na ito sa mas matibay na ugnayan nating lahat sa pagtataguyod ng mas maliwanag na bukas para marami pang henerasyon.
Bago po ako magtapos, gusto ko rin pong magpugay sa ating mga kasama mula sa sektor na relihiyoso—sa mga madre at marahil siya rin naman ang dahil kung bakit ako’y nandito—sa kanilang pakikibahagi sa suliranin ng ating mga kapatid na Mangyan.
Inaasahan ko po, sa pagbalik sa aking tanggapan ngayong hapon, maipaliwanag sa akin kung bakit ang isang bukod na karapatan ay labinlimang taon para ipaglaban at magkaroon ng katarungan.
Sa inyo pong tulong at malasakit, inaasahan po natin pati po iyong napatagal na panahon naigawad ang karapatan ng bawat isa ay magiging isang bagay na puwede na nating limutin dahil talaga pong babaguhin na po natin ang bansa natin.
Magandang umaga po. Maraming salamat sa lahat.
No comments:
Post a Comment