Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Pasinaya ng New Calapan City Public Market
[Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro, ika-15 ng Disyembre 2010]
Magandang tanghali po sa inyong lahat. Maupo po tayong lahat.
Kagalang-galang na Governor Alfonso V. “Boy“ Umali, Jr., ating pong Vice Governor Merlito Dolor, siyempre ating butihing kaibigan Doy Leachon…Doy, magpapasalamat nga pala ako, napansin ko ‘yung tarpaulin mo sa harap. Ang ayus ng litrato ko. Sa Kapitolyo kasi parang dumami ‘yung ano ko eh lubak-lubak ng mukha t’saka nabawasan pa ‘yung buhok. Akala ko pa naman kaibigan ko si Boy. Kagalang-galang na Congressman RGV Rod Valencia at si Rey Umali, talagang mga tapat nating mga kasamahan, mayors from the different municipalities of Oriental Mindoro, fellow workers in government, honored guests, ladies and gentlemen—magandang tanghali po sa inyong lahat.
Ito ho yata ang unang-una pagkakataon kong makabalik simula noong kampanya. Kaya kung pu-pwede, samantalahin ko na rin ang pagkakataon—Maraming-maraming salamat sa suporta niyong iginawad. Ngayon naman po ang oras para makabayad ng utang na loob.
Isang maligayang pagbati po sa kapistahan sa darating na buwan ng inyong bayan. Ikinalulugod ko pong maging bahagi ng inagurasyong ito—ng inyong pampublikong pamilihan. Talaga naman pong nakaka-inspire, ‘di ho ba? Nasunugan, namroblema lahat ng naghahanapbuhay dito, sa pinagtulung-tulungan niyo, talaga naming naiiba ‘tong pampublikong market. Ngayon lang yata ako nakasakay ng escalator, may elevator pa raw ho sa pampublikong market. Iba talaga ‘yang Doy Leachon na ‘yan. Pero ‘di pa ko nangangapanya ngayon; tapos na po ang kamapanya.
Sigurado po akong malaki ang naiaambag ng pagbubukas na ito ng New Calapan City Public Market sa kasiyahan ng inyong isang buwang selebrasyon.
Alam po ninyo, sa higpit po ng schedule natin, talagang piling-pili lang ang nadadaluhan nating pagtitipon. Sa totoo lang po, noong ako po’y congressman at senador, mayroon pong mga legislative breaks. Marami po ‘yon. Dito ho pala sa Executive, 24/7 na raw ho, 365 days a year ang inaasahan sa ‘yo. Kaya tinanong ko, kailan ba ako makakapahinga? Ang sagot po sa akin, may ini-schedule silang anim na meeting sa araw ng Pasko. Hindi yata kami nagkaintindihan. Kailan ako makakapahinga; binigyan ako ng meeting. Pero okay lang po iyon basta guminhawa ang buhay ninyo. Kaso po, nang makita kong nanggagaling sa ating kaibigang si Gobernador Boy Umali ang imbitasyon, talagang hindi po tayo nakatanggi. Unang-una ho, nakakatanda siya sa ‘kin. Alam niyo po kasi, isa si Boy sa mga pinunong minsang naharap sa isang sangang-daan. Sa pagitan ng baluktot at sa kabila naman po—tuwid na landas. Subalit, nanindigan po siya at buong loob na sumama sa atin sa pagtahak sa daang matuwid. Puwede ho ba nating palakpakan si [Boy]. Kaya naman, isang karangalan ang maging kabalikat siya sa ating puspusang serbisyong publiko.
Alam niyo, talagang napakalapit niyo sa akin dito sa Mindoro Oriental pati na rin po sa Occidental. At ‘pag si Boy ho may inilapit sa atin, hindi naman ho nagbabago ang sagot eh. Nagbabago lang ho tono. Minsan ho eh, “Oo” [malumanay]. Kung minsan, “Oo” [malamlam]. Minsan, “Oo na nga!” Pero, puro “Oo” ang nangyayari.
Tunay na sagisag ang gusaling ito sa kasipagan at katatagan ng mga Mindoronian. Sana tama. Tama ho ba? Mindoreño. Mali ho pala. Ilokano ho ‘yung gumawa ng talumpati ko kasi eh. Ilang beses mang tinupok ng apoy ang inyong naipatayong pamilihan—tatlong beses isang araw noon—hindi kayo nagpatinag. Bumangon kayo at muling nagsumikap. Sa pangunguna ng inyong mahuhusay na lokal na opisyal, sa pamumuno muli ng nakakatanda sa ating si Boy Umali at ‘yun naming nakababatang sa ating Mayor Doy Leachon—mga dalawang buwan yata ang bata niya sa akin— nakalikom kayo ng sapat na pondo upang maisakatuparan ang pagpapatayong muli ng estrukturang ito. Naging posible din ito sa kabutihang-loob ng Landbank of the Philippines na nakipagtulungan sa inyong lokal na pamahalaan. Natutuwa po ako na ginagawa ng Landbank ang mandato nilang mapaunlad ang mga pamayanan.
Umaasa po ako sa malaking ambag ng pasilidad na ito sa pagpapaunlad ng kabuhayan hindi lamang ng inyong bayan, kundi maging ng ating bansa. Sa kongkretong hakbang na ito ng ating mga lokal na opisyal, marami nating kababayan ang makikinabang. Humigit-kumulang isanlibong market vendors ang mabibigyan ng kabuhayan. Dagdag pa rito ang itinayo ninyong plasa para mabigyan din ng disenteng pagkakakitaan ang hindi bababa sa dalawandaang ambulant vendors na nagtitinda na sa paligid ng palengkeng ito sa loob ng tatlong dekada.
Doon po, congratulations po sa inyo.
Maipagmamalaki rin natin dito ang kakayahan at kahusayan ng mga Pilipinong makalikha ng makabagong imprastraktura. Talaga naman pong napaka-hi-tech ng mga pasilidad nito. Noong nakita ko nga pong may escalator kayo dito, may elevator pa, akala ko po Mall ang papasinayaan natin. Hindi pala—Public Market. Hindi na po ako magugulat kung sa susunod ay may madadatnan na rin tayong sinehan dito. Baka ang artista pa ay si Boy Umali. Malamang ho iyon action; hindi ho romance.
Kaya naman sa bagong public market na ito, nagtitiwala akong uunlad pa ang malusog nang ekonomiya ng Oriental Mindoro. Dadami pa ang turistang dadayo sa inyong magandang bayan na labis ang pagkatakam sa inyong masasarap na prutas tulad ko pong natatakam ngayon. Siguro ho, kailangan na rin talagang matibay ang pagkakagawa nitong pamilihang ito, para masiguradong hindi ito bibigay sa pagdagsa ng maraming mga tao.
Bilang Pangulo, nagagalak tayo na kaisa natin ang lokal na gobyerno sa pagsugpo natin sa dating kalakaran. Pinangungunahan po nila sa inyong pamayanan ang ipinunla nating binhi ng paninindigan noong kampanya: Kung wala nga hong corrupt, walang pong mahirap. Ang pera ng taumbayan ay maibabalik sa taumbayan lamang—popondohan lamang natin ang mga proyektong makabuluhan. Kung walang paglulustay at walang pagbubulsa, tapos ang problema ng kawalan ng mailalaang pondo para sa mga imprastraktura, pasilidad at kabuhayan ng maraming Pilipino.
Katulad ng inyong ipinamalas na dedikasyon, narito ang ating gobyerno upang patunayang kaya din nating ibangon ang ating bansa mula sa pagkakalugmok sa katiwalian at kamalian. At bago po ako magtapos, uulit-ulitin ko lang, sa atin pong mga kasamahan dito po sa Mindoro—kung kayo po ay nagtulung-tulong, maraming problema ang inyong matutugunan. At ‘pag hindi na po niyo kaya, ipasa niyo sa akin; ako po ang hahanap ng sulosyon.
Maraming salamat po sa suporta ng mga Mindoreño sa ating agenda ng pagbabago. Katuwang natin ang inyong Lungsod ng Calapan at ang buong probinsya ng Mindoro sa pagtataguyod ng pambansang kaunlaran.
Simula pa lamang po ito. Marami pa tayong dapat na isulong. Kung hindi po tayo titigil sa pagbabayanihan, magtutuloy-tuloy po ang paggulong ng bayan tungo sa kaunlaran. Sa paraang ito lamang natin natatakasan ang anino ng madilim na kahapon. Sa paraang ito lamang natin mawawakasan ang pagwawalang-bahala sa pangangailangan ng mga maralita nating kababayan. Malinaw po ang ating tinutungong direksyon dahil sa nasilayan nating liwanag ng pag-asa. Pagningasin pa po natin ang liwanag na ito na gumagabay sa ating tuloy-tuloy na pag-asenso.
Alam mo nga niyo, umpisa pa lang, kanina ho noong tumatawid mula Mindoro Occidental, ang dami po nating nakita sa mga beaches niyong ubod nang ganda pero ‘di pa nga ho nade-develop. Sa kasalukuyan po, ang turistang dumadalaw sa Pilipinas—tatatlong milyon. Alam ho ba niyo, sa Malaysia—22 million a year. Bakit natin hindi kakayanin ‘yan? Gumagawa na ho tayo ng mga hakbangin na maparami ang mga turistang magdudulot ng trabaho sa bawat isang mga kababayan nating tulad niyong pinagpala ng Diyos na mayroong ganyang magagandang tanawin.
Umasa po kayo, tayo po’y nag-uumpisa palang. Kung gumaganda na ang buhay niyo, pabibilisin natin ang pagganda pa niyan sa mga darating na araw.
Maraming salamat at mabuhay po tayong lahat.
No comments:
Post a Comment