Talumpati ni Pangulong Aquino sa paglulunsad ng librong “The Inaugural”

Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng librong The Inaugural
[Ninoy Aquino Stadium, Manila, ika-7 ng Disyembre 2010]
Talaga naman pong napakasarap ng pakiramdam na kapag kayong mga volunteers ang atin pong nakakasama. Kayo ang mga katuwang natin mula pa noong kampanya. Kayo ang nagsilbing tulay upang magtagumpay ang taumbayan. Kayo pa rin ang patuloy na nagpapaalala sa akin na hindi po ako nag-iisa sa pagbagtas natin sa tuwid na landas. Maraming maraming salamat po. Dumaan man po ang maraming pagsubok at tagumpay, sa bansa man o pati na rin sa aking lovelife, isang bagay po ang hindi nagbabago: kayo pa rin ang boss ko, kayo pa rin ang aking lakas.

Ipinapaabot ko po ang aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng nag-alay ng kanilang oras at talento upang mabuo ang aklat na ito, ang The Inaugural. Higit sa lahat, maraming salamat sa masusing pagbubuod sa kwento ng atin pong tagumpay. Mula sa kauna-unahang automated elections sa Pilipinas, hanggang sa pagbabayanihan ng mga gaya ninyong volunteers; mula sa pagkakaisa ng maraming Pilipinong iwaksi ang madilim na kabanata ng atin pong kasaysayan, hanggang sa manumpa tayong isusulong natin ang makabuluhang pagbabago, tiniyak ninyong ang bawat pahina ng librong ito ay magbibigay-daan upang balikan itong mahalagang bahagi ng atin pong kasaysayan.
Anim na buwan na po ang nakalipas nang una akong magsalita sa harap ninyo bilang Pangulo. Noon po ay inilatag ko ang ating mga plano at panata sa ating gagawing panunungkulan. Nasaan na nga po ba tayo ngayon?
Nananatili pa rin po ang ating panata sa taumbayan: Kung walang corrupt, walang mahirap.
Ang pangunahin pa rin pong paninindigan ng ating Administrasyon ay maiangat mula sa kahirapan ang ating maralitang mga kababayan. Kaya naman, agad po nating ipinasa ang ating Reform Budget para sa susunod na taon. At sa awa po ng Diyos at sa sipag ng ating mga mambabatas, agad din itong naaprubahan ng ating Kongreso. Maraming salamat po sa kanila.
Hindi po natin hilig ang magbuhat ng sariling bangko, pero huwag niyo po sanang masamain kung magyabang tayo ng kaunti sa araw na ito. Sa unang pagkakataon po sa loob ng labing-isang taon, ngayon lang po nangyaring ang paghahain ng pondo at ang pag-aapruba nito ay nagawa sa parehong taon. Aabot po sa 560.8 bilyong piso o 34.1% ng kabuuan nating budget ang gagamitin upang maisakatuparan ang ating inisyatiba para sa maayos na implementasyon ng ating mga programang panlipunan. Hindi po natin sasayangin ito. Sa ating matuwid na paggasta, wala pong malulustay na salapi dito. Ang popondohan lang natin ay ang mga proyektong may halaga at kapaki-pakinabang.
Syempre po, nakatutok pa rin tayo sa kapakanan ng mga mas nangangailangan. Kaya naman po pinatatag pa natin ang programang Conditional Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pagbubutihin nito ang estado sa nutrisyon at edukasyon ng mga bata. Hindi po ito panandaliang pagtulong lamang. Sa halip, ginagabayan natin sila upang makausad sa kabila ng kahirapan ng buhay. Sinisiguro nating sa pag-unlad, talagang wala pong maiiwan.
Dinagdagan na din ng ating administrasyon ang budget sa edukasyon. Mula po sa 240.59 bilyong piso nitong 2010, ginawa na po natin itong 271.67 bilyong piso para sa 2011. Umakyat po ito ng 16.5%. Malaking bahagi po ng pondong ito ang inilaan para sa pagpapagawa ng lampas labintatlong libong silid-aralan, paglikha ng sampung libo pang trabaho para sa mga guro, at pagbili ng lampas tatlumpu’t dalawang milyong libro. Kasama na rin po dito ang pagtiyak natin ang nilalaman ng mga ipinapabasa nating aklat sa ating mga mag-aaral ay may sariwa, tumpak, at napapanahong impormasyon. Sa ganitong paraan, maibabalik sa taumbayan ang perang kanila naman talaga sa simula pa lang. Titiyakin po natin, ang bawat isa ay makikinabang sa kaban ng bayan.
Marami din po tayong naiuwing pasalubong para sa ating bansa mula sa pagbisita natin sa Amerika, Vietnam, at Japan. Nang nagpunta tayo sa Amerika, hindi po bababa sa 2.4 bilyong dolyar ang nakatakdang halaga ng investment na papasok sa Pilipinas. Dala rin natin pag-uwi ang mahigit 43,000 na trabaho para sa susunod na tatlong taon. Nung nagpunta naman tayo sa Japan, nahikayat natin silang magkaroon ng 2.8 bilyong dolyar na investment dito, maliban pa sa 2.6 bilyong dolyar na halaga ng iba pang potensyal na negosyo sa atin pong bansa. Siyempre po, meron din itong kasamang kaukulang bilang ng mga trabaho para sa mga Pilipino. Ibig sabihin po niyan, pinatutunayan po natin ang ating pinanindigan na jod creation ang una po nating ibinabalak.
Sa mga good news na ito, talaga pong ramdam na natin ang kumpiyansa ng marami, sa loob man o labas ng bansa, sa ating mandatong maisakatuparan ang kaunlaran ng Pilipinas.
Katambal po ng paglaban natin sa kahirapan ang pagsupil natin sa katiwalian. Upang maiwasan ang pagtagas ng pera ng bayan, isinagawa natin ang Zero-Based budgeting approach. Dito, kailangang pangatwiranan ng bawat ahensya ng gobyerno ang gastusin sa bawat programang kanilang ihahain. Sa paraang ito, maiiwasan ang panlalamang at pagtatago sa katotohanan, mas magiging maliwanag ang bawat proyekto, at maipapatupad lamang ang kapaki-pakinabang sa bayan.
Simula po nang maupo tayo, inihain po agad natin ang pagtatag ng Truth Commission sa pamamagitan ng Executive Order No. 1. Ito po ay upang ilabas ang katotohanan at maparusahan ang mga nagkasala sa taumbayan. Itinalaga nating pamunuan ito ng mga mapagkakatiwalaang indibidwal sa pangunguna ni dating Chief Justice Hilario Davide, Jr.
Sa kabila ng mga ito, alam nating may ilan pa ring nais humarang sa ating mga layunin. Kamakailan nga lamang, ibinasura ang itinatag nating Truth Commission. Ginawa ring masalimuot ng Ombudsman ang ating pagsusumikap na patawan ng parusa ang mga nang-abuso sa kapangyarihan. Nariyan din ang mga kalaban nating para bang ayaw ng pagbabago. Hindi po natin silang hahayaang maging hadlang sa ating mga layunin.
Malinaw po ang nais nating mangyari. May mga magaganda po tayong nagagawa, at ito ang gusto nating maiwan sa mga susunod na henerasyon. Ang mga pag-alab ng mahahalagang kabanata; ang mga kuwento na maaaring paghugutan ng pag-asa. Sa laki ng kumpiyansa ng ating mga mamamayan, maging ng ibang bansa, marami na po ang nakakaramdam ng tunay na pagbabago. Kumapit po tayo rito. Talaga pong nagliliwanag na ang tinatahak nating landas. Inihahango na natin ang bansa sa kadilimang dinanas natin sa loob ng maraming taon. Sa pagsisimula ng ating bagong kabanata, nagisnan na rin natin ang liwanag.
Malayo na po ang ating narating. Umaasa akong nariyan pa rin kayo, handang dumamay, handang maging patunay na hindi po ako nag-iisa. Kayo pa rin ang aking lakas, at kayo rin ang magbibigay-sigla at liwanag sa patuloy nating pagpupursiging magtagumpay.
Maraming maraming salamat po at mabuhay po tayong lahat.

No comments:

Post a Comment