Statement of PNoy before departure for the 20th ASEAN Summit in Cambodia


Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago ang kanyang pagdalo sa 20th ASEAN Summit sa Phnom Penh, Cambodia
[Inihayag sa Villamor Airbase, Lungsod ng Pasay, noong ika-2 ng Abril 2012]
Lilipad po tayo ngayon patungong Cambodia upang paunlakan ang imbitasyon ni ASEAN Chair at Prime Minister Hun Sen ng Cambodia na dumalo sa 20th ASEAN Summit. Bilang isa sa mga tagapagtatag ng Association of Southeast Asian Nations, makikiisa din tayo sa ikaapatnapu’t limang anibersaryo ng organisasyong ito.
Ito ang unang beses nating pagbisita sa Cambodia, at magandang pagkakataon ito upang lalo pang ihayag sa kanila at sa iba pa nating kaibigan sa Timog-Silangang Asya, ang kahandaan nating makipagtulungan sa iba’t ibang larangan.
Sa summit na ito, ibabahagi natin ang ating saloobin sa mga napapanahong isyu tulad sa mungkahing ASEAN Human Rights Declaration at sa pagsugpo ng droga sa rehiyon. Patitibayin din natin ang ating bayanihan sa disaster risk reduction and management, upang mas maging epektibo ang pagresponde natin sa ating mga kababayan sa panahon ng sakuna. Sa aspeto nga pong ito, katangi-tangi ang pagsisikap ng ating rehiyon upang maitatag ang ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance.
Bukod sa mga paksang ito, itutulak din natin sa mapayapang paraan ang ating adbokasiya upang protektahan ang integridad ng ating teritoryo. Igigiit natin ang ating paninindigan sa implementasyon ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, upang mapanatili ang kapayapaan at estabilidad sa West Philippine Sea. Para naman pangalagaan ang kapakanan ng ating migrant workers, muli nating imumungkahi sa ating mga karatig-bayan ang pagtataguyod ng sistemang magpapababa sa kanilang remittance charges. Sa ganitong paraan, maiibsan natin ang gastusin ng ating mga kababayan sa ibayong dagat. ‘Di po ba’t sa pagpapalakas ng ugnayan natin sa mga bansa sa rehiyon, nabibigyan tayo ng higit na kakayahang paglingkuran ang mga Pilipino?
At siyempre po, lulubusin ko na rin ang pagkakataong makasama ang mga kababayan natin sa Cambodia. Patuloy po silang nagpapakitang-gilas doon sa larangan ng akademya, pagnenegosyo, at sa pagiging kasapi ng mga non-governmental organizations. Sabik tayong kumustahin ang kanilang kalagayan at pakinggan ang kanilang mga kuwento. Nais nating malaman ang kanilang mga pangangailangan upang agad na makapaglatag ng paraan para matugunan ang mga ito. Ibabalita rin natin sa kanila ang magagandang nangyayari dito sa Pilipinas at kung ano ang ginagawa ng pamahalaan upang arugain ang kanilang mga pamilya.
Sa patuloy na pagtaas ng kompiyansa ng mundo sa ating mabuting pamamahala, tiwala po akong magiging makabuluhan ang pagdalo natin sa ASEAN summit. Makakaasa kayong saan man tayo mapadpad, nakatutok pa rin ang inyong administrasyon sa pagsusulong ng malawakan at makabuluhang pagbabago. Paiigtingin pa natin ang ating mabuting pamamahala: ang pagpapatupad sa mga repormang nakaangkala sa paggawa ng tama, at may wagas na malasakit sa kapwa. Patuloy po nating huhubugin at tatahakin ang landas tungo sa isang bansang mapayapa, may pananagutan, at may patas na pagkakataon tungo sa kasaganahan.
Maraming salamat po sa lahat. Magandang gabi po sa inyo.

No comments:

Post a Comment